Wednesday, February 26, 2014

Rehab ng Angat Dam masisimulan na raw, pero...





MALOLOS—Paulit-ulit na inihayag ng may pagbubunyi ni Gob. Wilhelmino Alvarado na masisimulan ang pagkukumpuni sa Angat Dam.

Ngunit ang tanong ay kailan at sino ang gugugol sa pagpapakumpuni samantalang nag-alangan ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa paghahandang pondong P5.7-Bilyon noong nakaraang taon.

Kaugnay nito,muling naantala ang pagsasalin sa Korea Water Resources Corporation (K-Water)ng pamamahala sa sa Angat River Hydro Electric Power Plant (ARHEPP) nitong Enero.

Matatandaan na noong Disyembre ay inihayag ng Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation (PSALM) na na maisasalin sa K-Water ang pamamahala sa ARHEPP bago matapos ang Enero.

Ngunit bago matapos ang Enero, muling nagapalabas ng pahayag ang PSALM na sa Marso na magsisimula ang pamamahala ng K-Water sa ARHEPP.


Noong Enero 23, isiningit ni Alvarado sa kanyang talumpati sa harap ng libo-libong Bulakenyo na masisimula na ang implementasyon ng pagkukumpuni sa Angat Dam.

Ang talumpati ni Alvarado ay kanyang binigkas sa pagdiriwang ng ika-115 guning taon ng Araw ng Republika sa makasaysayang simbahan ng Barasoain.

Ang pahayag na ito ay inulit pa ni Alvarado sa sakanyang lingguhang pagsasahimpapawid sa Radyo Bulacan noong Sabado, Pebrero 1.

Sa kanyang pahayag sa himpapawid, sinabi ni Alvarado na maaaring masimulan na sa buwan ng Mayo pagpapasubasta para sa rehabilitasyon ng Angat Dam.

 Ngunit ito ay depende kung matutuloy ang pagsasalin sa K-Water ng pamamahala sa ARHEPP sa Marso.

Ayon kay Alvarado, pinag-uusapan na sa Malakanyang ang mabilisang pagpapasaubasta sa rehabilitasyon matapos maging pormal ang paghawak sa pamamahala ng K-Water.

Batay naman sa mas naunang pahayag ni Inhiyero Roderick Dela Cruz, isang dam safety expert na Bulakenyo na kasalukuyang nakabase sa Estados Unidos, hindi simple ang pagpapakumpuni sa Angat Dam.

Ito ay dahil sa hindi pa nagbibigay ng opisyal na pahayag ang K-Water na inaako nila ang responsibilidad na sila ang gagastos sa pagpapakumpuni sa dam.

Ngunit ayon kay Arkitekto Gerardo Esquivel, administrador ng MWSS, kasama sa kontrata ng K-Water ang responsibilidad sa pagpapakumpuni sa dam.

Bukod dito, binigyang pansin din ni Dela Cruz ang proseso ng pagsasagawa ng rehabilitasyon.

Sinabi niya sa Mabuhay na ito ay nangangailangan ng mas masusi at mahabang pag-aaral upang matukoy ang pinakamalakas na lindol na maaaring magpayanig sa dam.

Kung matutukoy ang lakas ng lindol, magsisimula ang pagbuo ng disenyo sa dam na hindi kayang sirain ng pinakamalakas na linsol na lilikhain ng pagggalaw ng Marikina West Valley Fault line na may 200 metro lamang ang layo sa pangunahing dike ng dam.

Matatanda na noong Disyembre 2011 ay sinimulan ng Tonkin and Taylor at ng Engineering and Development Corporation of the Philippines(EDCOP) ang pag-aaral sa katatagan ng dam.

Ang nasabing pag-aaral o feasibility study na pinondohan ng PSALM ng $1-M ay natapos noong Mayo 2012 o makalipas ang anim buwan.

Ayon kay Dela Cruz, “hindi sa wala akong tiwala, pero masyadong maikli ang pag-aaral na isinagawa.”

Bibigyang diin niya na sa Estados Unidos kung saan ay 80 dam ang kanyang pinamamahalaan, kapag magsasagawa ng rehabilitasyon, inaabot sila ng tatlong taon sa pagsasagawa ng pag-aaral.

Ang pananaw na ito ay inayunan ng isang mataas na opisyal na National Power Corporation (Napocor) at ni Alvarado.

Binigyang diin ng opisyal ng Napocor na masyadong mababaw ang pag-aaral sa katatagaan ng dam.

Dahil dito, sinabi ni Dela Cruz na posibleng hindi kilalanin ng K-Water ang pag-aaral na isinagawa ng Tonkin and Taylor at ng EDCOP.

Ngunit iginiit din niya na maaaring dagdagan pa ng K-Water ang nauang pag-aaral na isinagawa upang matukoy ang tinatawag na probable maximum  earthquake o ang posibleng pinakamalakas na lindol na magpapayanig sa dam.

Kaugnay nito, sinabi Noel Ortigas, executive vice president ng EDCOP na kasalukuyan ng nagsasagawa ng trenching o pag-aaral ang Philippine Institute of Volacanology and Seismology (Phivolcs) sa kahabaan ng WMVF.   (Dino Balabo)

Libong ektaryang bukirin sa Bulacan natutuyo


 


MALOLOS—Tinatayang aabot sa mahigit 1,000 ektarya ng bukirin sa hilagang Bulacan na dating pinatutubigan ng Upper Pampanga River Integrated Irrigation System (UPRIIS) ang masasalanta dahil sa kakulangan ng patubig.

Hindi pa kasama rito ang mga bukiring natuyo na at nasunog na init ang pananim sa mataas na bahagi ng bayang ng Miguel na natunghayan ng Mabuhay noong Sabado, Pebrero 15.

Para sa mga magsasaka, ang kalagayang ito ay isa lamang sa mga palatandaan ng mga epekto ng climate change  o pagbabago ng klima na tinampukan ng malalakasna ulan noong Oktubre at Nobyembre at sinundan ng kawalan ng ulan noong Disyembre hanggang Pebrero.

Ayon kay Gloria Carillo, pinuno ng Provincial Agriculture Office (PAO), sa bayan ng San Ildefonso pa lamang ay umaabot na sa mahigit 600 ektarya ang apektado  ng kakulangan ng tubig na inilarawan niya na “drought-like”  o nakakahalintulad ng epekto ng tagtuyot.

Sa katabing bayan ng San Miguel, sinabi ni Carillo na bineberipika pa nila ang ulat, ngunit inihayag niya na umaabot sa mahigit 12,000 ektarya ng bukirin sa hilagang bahagi ng nasabign bayan ang bahagi ng service area ng UPRIIS.

“Nasa dulo kasi ng service area ng UPRIIS ang San Miguel at San Ildefonso, kaya kinakapos sa patubig,” sabi ni Carillo sa isang panayam ng Radyo Bulacan noong Lunes, Pebrero 17.

Ang patubig ng UPRIIS ay nagmumula sa Pantabangan Dam na matatagpuan sa hilagang silangan ng lalawigan ng Nueva Ecija.

Sa kanyang pahayag, ikunuwento ni Carillona nakatanggap siya ng ulat na ang patubig ng UPRIIS ay nahaharang sa mga bayan ng Nueva Ecija.

Ito ang dahilan kaya’t hindi nakakarating sa Bulacan ang patubig na inaasahan ng mga magsasaka ng magsusustine sa kanilang pananim.

Samantalang inilarawan ni Carilloang kalagayan ng mga bukirin bilang “drought-like”, nilinaw niya na wala pang deklarasyon ng may tagtuyot o “drought” saan mang bahagi ng Gitnang Luzon.

Kinatigan din niya ang mas naunang pahayag ng mga magsasaka sa bayan ng San Miguel na bukod sa kapos na patubig, ang isang pang dahilan ng pagkatuyot ng bukirin sa lalawigan ay ang kawalan ng ulan.

Ito ay dahil sa matapos manalasa ang mga bagyo noong Oktubre at Nobyembre, animo nagsara ang langit at wala ng pumatak na ulan mula noong Disyembre.

Ang kalagayang ito ay naging sanhi ng madaling pagkaubos ng itininggal na tubig ng mga magsasaka sa mataas na bahagi ng San Miguel.

Ang pagka-ubos ng tubig samga small far reservoir (SFR) sa nasabing bayan, partikular na sa Barangay Lambakin ay nagsanhi ng “pagkasunog” ng mga panananim na palay at mga gulay.

Ang pagkasunog ay ang pagkatuyo ng pananim sanhi ng kakulangan sa tubig kaya ang mga dahon ay nanilaw at namula hanggang sa matuyo.

Sa pagbisita ng Mabuhay sa Barangay Lambakin, natunghayan ang kalagayang itonoong Sabado bukod pa sa pagkakabitak-bitak ng bukiring natatamnan pa ng palay, at mga SFR na walang tubig.

Maging mga pilapil ng SFR ay nagbitak-bitak na rin na ayon sa mga magsasakang sina Peter Balde at Mauro Santos ay isang palatandaan na matagal na silang walang tubig.

Para sa mga magsasaka, ang problemang kanilang nararanasan ay bahagi na ng bunga ng climate change o pagbabago ng klima.

“Laging ganyan kaya kailangang mag-adapt kami, kasi wala kaming ikabubuhay kung hindi kami makikipagsabayan,” sabi ni Simeon Sioson,isa sa mga opisyal ng Lambakin Agricultural Marketing Cooperative.

Isa sa mga solusyong binanggit ni Sioson ay ang pagdadagdag ng mag SFR at pagpapalalim sa mga kasalukuyang SFR sa kanilang bayan.

Ito ay upang maitinggalo maipon nila ang tubig ulan sa panahon ng tag-ulan at magamit sa panahon ng tag-araw at makapagpatuloy sila sa produksyon upang matiyak ang kabuhayan ng kanilang pamilya,partikular na angmga anak na pinag-aaral.

Ayon kay Sioson,humingi na sila ng tulong sa Department of Agriculture at inendorso na ng National Irrigation Administration ang kanilang kahilingan para sa rehabilitasyon ng kanilang SFR.

Ngunit ang kanilang kahilingan at nanatiling kahilingan pa rin at hindi pa umaaksyon ang mga ahensiya ng gobyerno.

Nilinaw ni Sioson,  luibhang kailangan nila ng tulong  ng pamahalaang dahil hindi nila makakaya ang pagpapahukay sa kanilang SFR at pagpapahukay para sa mga bagong SFR.

Kinatigan ito ni Santos, na nagsabing nagsagawa na sila ng bayanihan, ngunit hindi sapat ang kanilang kakayahan dahil sa malalaki ang SFR at kakailanganin ng makinaryo tulad ng back hoe.  (Dino Balabo)

Alvarado, 6 pa, kinasuhan ng pandarambong





MALOLOS—Nahaharap ngayon sa kasong pandarambong o plunder si Gob. Wilhelmino Alvarado at anim pang opisyal ng kapitolyo kaugnay ng P287-Milyong “unliquidated”na pondo noong 2012.

Kaugnay nito, itinaggi ni Alvarado ang paratang na inilarawan niya bilang isang “political harassment” ng kanyang mga katunggali sa pulitika.

Ang nasabing kaso na nag-ugat sa ulat na inilabas ng Commission on Audit (COA) noong nalaraang taon hinggil sa resulta ng kanilang pagsusuri sa paggamit ng pondo ng kapitolyo sa taong 2012.

Kabilang sa kinasuhan ay sina Belinda Bartolome, hepe ng provincial treasurer’s office; Marina Flores, hepe ng Provincial Budget Office; Marites Friginal, hepe ng provincial accountant’s office.

Arlene Pascual, hepe ng Provincial Planning and Development Office (PPDO); dating Provincial Administrator Jim Valerio na ngayon ay chief of staff ni Gob. Alvarado; at Inhinyera Marina Sarmiento, ang dating hepe ng Provincial General Services Office (PGSO) na nagbitiw sa tungkulin noong bakaraang taon.

Ang nasabing kaso ay inihain ni Antonio Manganti sa tanggapan ng Ombudsman noong ika-14 ng Pebrero o Valentine’s Day.

Si Manganti na nagpakilala bilang isang tax payer mula sa bayan ng Donya Remedios Trinidad, ay isang dating rebel returnee na nagtrabaho sa kapitolyo sa panahon ng panunungkulan ni dating Gob. Josefina Dela Cruz.

Siya ay nagtrabaho din bilang isa sa mga staff ni Sienna Maureen Hilario na dating chief of staff ni Dela Cruz.

Ang mga akusasyon ni Manganti ay batay sa ulat ng COA para sa taong 2012 na kung saan ay naulat na delayed o naantala ang preparation ng bank statements ng kapitolyo, may iregularidad sa replenishment ng cash funds, at may unliquidated na pondio na umaabot sa mahigit 200-M.

Batay pa sa kasong isinampani Manganti, ang pinakamalaking bahagi ng unliquidate funds ng kapitolyo na umaabot ng P287-M  ay nagmula sa confidential intelligence fund (CIF).

Inihalad ni Manganti na umabot sa P197.56 –M ang unliquidated na CIF.

Bukod dito, pinuntusan din niya ang pagdami ng pinasusuweldong kawani ng kapitolyo na karamihan ay job order; at ang maraming bilang ng consultant ng kapitolyo.

Kabilang samga consultant ng kapitolyo ayon sa ulat ng COA na pinagbasehan ni Manganti ay hindi nakaabot ang kakayahan sa pamantayang itinakda.

Bukod dito, may mga consultant ang kapitolyo na ang natapos lamang ay “high school” ay mayroon ding consultant na nabibilang sa mga sekta ng relihiyon.

Ang iba pang pinagabtayan ng kasong plunder na isinampani Manganti ay ang ilegalnapaggamit ng Special Education Fund ng Kapitolyo at pamamahagi ng sobra-sobrang donasyon sa mga samahang hindi nabigyan ng akreditasyon ng Sangguniang Panglalawigan.

Ayon sa kasong isinampani Manganti, umabot sa mahigit P10-M ang pera ng ng SEF na nagamit ng kapitolyo bilang donasyon, samantalang ito ay dapat gamitin para sa mga programa sa edukasyon. (Dino Balabo)

Thursday, February 20, 2014

IMBENSYONG BULAKENYO: Activ Charcoal Stove, tugon sa sa tumataas na presyo ng LPG





MALOLOS—Iniinda mo na ang mataas na presyo ng liquefied petroleum gas (LPG) at iba pang panggatong sa pagluluto?

Huwag mabahala sapagkat nandito ang imbensyon ng isang Bulakenyo na makatutulong dahil ito ay matipid sa panggatong.

Ito ay ang Activ Charcoal Stove (ACS) na imbensyon ni Oscar Caluag, 64 anyos na nagmula sa lungsod na ito.

Ang naimbentong kalan ni Caluag ay may kakayahang magluto hanggang dalawang kilong bigas, kasunod ay isang kilong karne na may sabaw at makapagpainit ng higit sa dalawang litrong tubig na ang gamit lamang ay 300 hanggang 400 gramo ng uling.

Ang kakahayang ito ng ACS, ayon imbentor ay malaking katipiran para sa mga nagsisipagluto, dahil ang 200 gramo ng uling ay nagakakahalaga lamang halos ng limang piso.

“Mas maa-appreciate mo ang Activ Charcoal Stove kung emergency, halimbawa nagluluto ka sa gasul at naubusan ka ng gasul,” sabi ni Caluag at idinagdag na upang makapagpatuloy ng pagluluto ay kakailanganin ng nagluluto ng P400 hanggang P900 para makabili ng bagong tangke ng gasul.

Ngunit kung ACS ang gamit, kahit limang piso lang ang pera sa bulsa ay tiyak na makakabili ng uling sa nasabing halaga upang ipagpatuloy ang pagluluto.

Ipinagmalaki ni Caluag ang pagiging matipid sa uling ng kanyang naimbentong kalan dahil sa ito ay mga control sa dinadaluyan ng hangin.

“Pag malakas na ang baga o kaya ay kapag kumukulo na ang iyong niluluto, pwede mo ng hinaan ang baga sa pamamagitan ng pagpapaliit sa daluyan ng hangin,” paliwanag ng imbentor na Bulakenyo at idinagdag kapag mahina ang pasok ng hangin sa kalan, babagal ang pagkaubos ng uling na may sindi at mas marami ang maluluto.

Ang konseptong ay unang natutunan ni Caluag kanyang science class noong siya ay nasa high school pa lamang.


“Simple lang ang principle ng combustion, mas mabilis masunog ang isang bagay kapag malakas ang hangin, kaya sa ACS, nilagyan ko ng control sa daluyan ng hangin upang makatipi sa gamit na paggatong na uling.

Nagsimulang pag-aralan ni Caluag ang pagbuo sa kanyang imbensyon ng makakita siya ng kalan na ginagatungan ng uling na may fan o maliit na bentilador.

Ang maliit na bentilador o fan sa nasabing kalang de uling ay ginagamit upang mapabilis ang pagkasunog ng uling at upang mapataas ang init ng baga nito.

Ngunit ayon kay Caluag, mapapabilis din ang pagkaubos ng uling sa nasabing kalan, samantalang halos pareho din ang init nito.

Ipinaliwanag pa niya na ang kapag kumulo na an gang niluluto, pwede itong panatilihing kumukulo, pero mahina lamang ang apoy o baga.

“Nung makita ko yung kalan na may bentilador, naisip ko na kaya ko ring gumawa noon, pero nakita ko na dapat ay walang external aid tulad ng bentilador, saka dapat madaling linisin,” ani Caluag at binanggit na ang abo mula sa kalan na may bentilador ay naitutulak pataas kaya’t lumalabas ito sakalan at kumakalat sa paligid nito.


“Medyo marumi ang dating, kaya naisip ko dapat malinis at madaling linisin,” ani Caluag na nagtrabaho ng mahigit 10 taon sa ibayong dagat bilang isang biomedical engineer kung saan nakita niya ang pagiging malinis nito.

Ayon kay Caluag, matagal nang nabuo sa kanyang isipan ang konsepto ng kanyang imbensyon, ngunit natagalan siya na makakita ng mga akmang materyales.

Minsan ay dumalo siya sa isang trade fair kung saan ay ipinakita ang ibat-ibang kagamitang pangkusina.

Isa sa nakatawag pansin niya ay ang ibat-ibang sukat ng mixing bowl o malulukong na palangganita.

Pinagmasdan niya ang mga ito ay doon niya naisip na magagamit niya ito sa kanyang nabuong konsepto para sa imbesyon.

Kumuha siya ang dalawang magkasing laking mixing bowl at binutasan ang isa na ipinatong sa ibabaw nito.

Pagkatapos ay nilagyan niya ng stainless na chimney sa ibabaw upang duon ilagay ang uling na sisindihan.


Ang nasabing chimney ay nagkontrol din ng direksyon ng init ng baga.

Dahil ang chimney ay direktang nasa ilalim ng kalderong isasalang, makakamit ang ACS kahit sa labas ng bahay kung saan ay malakas ang hangin.

Pagkatapos ay bumuo siya ng frame upang magkaroon ng kontrol sa daluyan ng hangin at ng sa gayon ay makontrol ang pagkasunog ng baga at init nito.

Ang nasabi ding frame ang nagsisilbing paa ng ACS.

Ikinabit niya sa frame ang dalawang mixing bowl at ang nasa ibabaw nito ay kinabitan niya ng lever upang mapihit pataas at pababa.

Kapag ang level ay ibinaba, magdidikit ang dalawang mixing bowl at magsasara ang daluyan ng hanging sa ilalim ng nakapatong na bowl.

Kapag naman itinaas ang lever, mas maraming hangin ang papasok pagitan ng dalawang mixing bowl na mahihigop ng init ng baga na nakapatong sa nasa ibabaw na mixing bowl.

 Ayon kay Caluag, kahit sarado ang daluyan ng hangin sa ilalim ng nasa ibabaw na mixing bowl,  magpapatuloy ang may sindi ang baga dahil ang hangin ay magmumula sa ibabaw ng kalan.

Ito ang isa sa mga dahilan upang higit na makatipid sa uling.

Sa kasalukyan, higit na napagaganda ni Caluag ang disenyo ng kanyang imbensyon.

Ito ang paglalagay ng cast iron na salalayan ng uling o baga.

Ipinaliwanag niya na ang cast iron ay kayang matagalan ang init na umaabot sa 900 degrees celsius.

Dahil dito tiniyak ni Caluag na mas magtatagal ang paggamit sa kanyang imbensyon.

Ang bawat isang ACS nagkakahalaga ng P2,000 at ito ay mabibili sa Dynabilt Hardware na pag-aari ng pamilya ni Caluag. 

Ang Dynabilt Hardware ay matatagpuan sa Barangay  Bagna sa lungsod na ito.  Dino Balabo

Bakit naantala ang rehab ng Angat Dam at pagsasapribado sa ARHEPP?


 
MALOLOS— Bakit naaantala ang pagpapakumpuni sa Angat Dam at pagsasapribado sa Angat River Hydro Electric Power Plant (ARHEPP)?

Ito ang tanong ng maraming Bulakenyo matapos mabatid na hindi natuloy noong Enero ang pagsasalin ng National Power Corporation (Napocor) ng pamamahala sa ARHEPP patungo sa Korea Water Resources Corporation (K-Water).

Ang katanungang ito ay sa kabila ng sunod-sunod na pahayag ni Gob. Wilhelmino Alvarado na masisimulan na ang pagpapakumpuni sa Angat Dam na mahigit isang taon nang ipinapangako ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System  (MWSS) at ng kapitolyo.

Batay sa pahayag ng Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation (PSALM), hindi pa nakumpleto ng K-Water ang mga dokumento para makapsimula ang operasyon ng tanggapan nito.

Kabilang sa mga kulang sa dokumento ay ang business permit mula sa pamahlaaang bayan ng Norzagaray na nakakasakop sa Hilltop sa Angat Dam kung saan matatagpuan ang kasalukuyang tanggapan ng ARHEPP.

Ito ay kinumpirma ni Inhinyero Rodolfo German, ang general manager ng ARHEPP na nagsabing, umaasa sila na magkakaroon na ng business permit ang K-Water at makakapag-take-over na sa operasyon ng ARHEPP sa Marso 25.

“Nagkaroon ng problema sa legal matters, at sa technical aspect,” sabi ni German kung saan ay tinukoy niya ang kawalan ng business permit ng K-Water bilang isa sa mga “legal matters.”

Sa nauna namang pahayag ni Alvarado, sinabi niya na kinausap na niya si Mayor Alfredo Germar ng Norzagaray upang bigyan ng business permit ang K-Water.

Ayon kay Alvarado, hindi agad ini-release ni Germar ang business permit ng K-Water dahil sinisingil ito ng Real Property Tax (RPT).

Batay sa pahayag ng ilang source, ang RPT na sinisingil ng Norzagaray sa K-Water ay ang RPT na hindi nabayaran ng ARHEPP sa mahabang panahon ng operasyon nito sa Hilltop, Norzagaray.

“Sabi ko kay Mayor Germar ay bigyan na ng business permit ang K-Water at saka na lang kami maniningil ng real property tax,” ani Alvarado at iginiit pa na hindi naman aalis ang K-Water.

Ipinaliwanag ni Alvarado na mahalagang makapagsimula na ng pamamahala ang K-Water sa ARHEPP upang magsimula ang proseso ng pagpapakumpuni sa Angat Dam.

Nagpahayag din ng pag-asa si Alvarado pormal na nang maisasalin sa K-Water ang  pamamahala sa ARHEPP sa Marso.

Ayon pa sa kanya, kapag ito ay natuloy ay maaari ng simulan ang pagpapasubasta ng pagpapakumpuni sa Angat Dam.

Ngunit ayon kay German, bukod sa legal na aspeto ay may hamon pang teknikal sa pormal na paghawak ng K-Water sa ARHEPP.

Ito ay ang kailangan maipakita ng ARHEPP sa K-Water na talagang may kakayahan ang plant na lumikha ng 200 megawatt ng kuryente.

Ayon kay German, apat ang pangunahing turbina ng ARHEPP na lumilikha ng kuryente, at bawa isa rito ay may kakayahang lumikha ng 50 megawatt ng kuryente.

Subalit isa lamang sa apat na turbina ang kasalukuyang umaandar.

Ang tatlo ay may sira, at ayon kay German, dalawa sa mga ito ay kinukumpuni dahil ang isa ay nagkaproblema sa vibrations, samantalang ang isa ay maayos naman ngunit ang generator ang may problema.

Ayon kay German, makukumpuni nila ang dalawa, ngunita ng isa ay maaaring K-Water na ang magpakumpuni at ang magagastos at babayaran na lamang ng PSALM.

Batay sa pagtaya ni German, ang pagkukumpuni ay gagastusan ng P15-Milyon.

Maaari din daw palitan ang turbina dahil matanda na ito o mahigit ng 20 taon.

Ngunit ag bawat isang turbina na na may 50 megawatt capacity at nagkakahalaga ng $50-Milyon o isang milyong dolyar sa bawat isang megawatt.

Dahil naman sa pagkaantala ng pagsasalin ng pamamahala sa  ARHEPP ng K-Water, ay naantala din ang planong pagpapakumpuni sa dam.

Ito ay matapos iurong ng MWSS ang pondong P5.7-B noong nakaraang taon matapos katigan ng Korte Suprema ang K-Water bilang winning bidder sa pagsasapribado ng ARHEPP.

Ayon sa MWSS, bahagi ng kontrata ng K-Water bilang wining bidder ay ang pagpapakumpuni sa dam.

Ngunit hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa nakakapag-take-over ang K-Water at wala pa ring pormal na pahayag mula sa mga Koreano kung sila nga mismo ang gagastos sa pagpapakumpuni sa dam.

Bukod dito ay ang isyu kung tatanggapin ng buo ng K-Water ang anim na buwang pag-aaral ng Tonkin and Taylor sa katatagan ng Dam.

Ayon kay Inhinyero Roderick Dela Cruz, isang dam safety expert na Bulakenyo na nakabase sa Estado Unidos, ang nasabing pag-aaral ay masyadong maikli.

Inayunan naman ito ng isang opisyal ng Napocor na nagsabing, “it’s too shallow” patungkol sa isinagawang pag-aaral ng Tonkin and Taylor.  Dino Balabo