Pages

Tuesday, April 29, 2014

Malolos handa sa pagpapatupad ng Senior High School Program ng K+12


 

MALOLOS—Handang-handa na ang mga paaralan at guro sa lungsod na ito sa patuloy na pagpapatupad  programang K+12 sa kabila ng  kakulangan sa mga kagamitan sa pagtuturo.

Ito ay dahil sa sunod-sunod na pagsasagawa ng mga pagsasanay at patuloy na pagtatayo ng mga dagdag na silid aralan.

“Ang division ay handa na sa usapin ng sapat na mga guro at mga silid-aralan para sa K+12 program,” sabi ni Dr. Amancio S. Villamejor Jr., superintendent ng City Schools Division sa lungsod na ito.

Isang patunay dito ay ang isinagawang Education Summit noong Oktubre ng nakaraang taon sa Bulacan State University Hostel na nilahukan ni Mayor Christian D. Natividad kasama ang mga Education Program Supervisors, Public and Private Secondary School Heads, Division Supreme Student Government Officers, Division Supreme Student Government Officers, Division PTCA President, Division Teachers Club President and MACIPRISA Officers.

Ang nasabing Education Forum ay kaugnay ng pilot implementation ng Senior High School program para sa School Year 2014-2015 o sa pagbubukas ng klase ngayong taon at upang mangalap ng suporta mula sa partners and stakeholders.

Batay sa tala, umabot sa 23,663 Elementary;  13, 813 sa high school; at 3,727 ang nag-enroll sa samga pampublikong paaralan sa lungsod noong nakaraang taon.

Sa hanay ngmga pribadong paaralan,umabot sa 7,163 mag-aaralang pumasoksa elementarya;  5,096 sa secundarya, at 2,083 sa kinder.

Ayon kay Villamejor, ang DepEd ay nakikipagtulungan sa Commission on Higher Education (CHED), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), at pribadong paaralan upang magamit ang kanilang mga pasilidad para sa nalalapit na transition years ng programang K+12.

Bukod dito, magtatayo din ang lungsod ng mga silid aralan para sa mga Senior High School.

Matatandaan na sinimulang ipatupad ang K+12 program taong 2012 sa layuning i-reporma ang pangunahing edukasyon ng bansa sa pamamagitan ng pagdagdag ng dalawang higit pang mga taon ng pag-aaral sa Basic Education upang mas mahusay na maghanda ng mga mag-aaral para sa mas mataas na edukasyon,o maging globally competitive.

Sa isang artikulo na lumabas sa website ng childup.com, tinukoy na ang Pilipinas ang tanging bansa sa Asya na 10 taon ang basic education, isang pangunahing dahilan kung bakit isinusulong ng Department of Education ang implementasyon ng K+12 upang ang kurikulum ng bansa ay magiging katumbas sa internasyonal na mga pamantayan, at magbibigay sa mga graduates ng mas mahusay na pagkakataon upang maging gainfully employed.

Ang dalawang taon ay idadagdag pagkatapos ng four-year high school program. Ito ay tatawaging “Senior High School.”


 Ang mga mga mag-aaral ay maaring mamili ng kanilang espesyalisasyon batay sa kanilang kakayahan, interes, at kapasidad ng paaralan.

Unang ipapatupad ang Senior High School sa pasukan sa Marcelo H. Del Pilar National High School (MHPNHS) at Malolos Marine Fishery School and Laboratory.

Samantala, nababahala ang ilang Maloleño kung sapat naba ang ginagawang paghahanda ng lungsod para sa implementasyon ng nasabing programa.

“The Division is now ready for the K+12 implementation in terms of teachers and classrooms but instructional materials were delayed due to reproduction of them,” ani Cecilia F. Chang Education Program Supervisor DepEd Malolos.

Idinagdag pa niya na dagdag dalawang taon sa Basic Education ay malaking tulong para mahasa ang kakayahan ng mga estudyante.

Kaugnay nito, sinang ayunan naman ito ni Laila D.J Lopez guro ng Calero Elementry
School Grade II na kung saan isang taon na siyang nagtuturo sa ilalim ng bagong curriculum, “Despite of lacking of materials, ang bagong curriculum sa ilalim ng K+12 ay na-adopt naman naming mga teachers,” saad niya.

Aniya, bago sila naturo ng bagong curriculum, ay dumaan siya sa sapat na trainings at seminars nang sa gayon ay maging handa sila.

Ang implementasyon ng K+12 at pagseseminar ay sinimulan noong 2012 sa Grade I, sinundan ng Grade 2 (2013) at sunod sunod na taon sa iba’t ibang baitang hanggang ma-fully implement ang K+12.

Sa ilalim ng panunungkulan ni Mayor Natividad,  walong bagong Elementary Schools at siyam na Secondary Schools ang naipatayo para sa DepEd Division City of Malolos.

Samantalang ang Regular/permanent, contractual, volunteer teachers sa Elementary ay 734 at sa High School naman ay 450 na may suma total na 1,184 teachers. 



(Ang artikulong ito sinulat ni Dexter J. Edrosa para sa pahayagang Mabuhay.  Si Edrosa ay ang School Officer-In-Charge/ Principal ng Calero Elementary School na matatagpuan sa Barangay Calero, isa sa mga coastal barangay ng Lungsod ng Malolos.  Ang mga larawan sa artikulong ito ay kuha ni Dino Balabo sa Binakod Elementary School sa Paombong at Pugad Elementary School sa bayan ng Hagonoy na pawang matatagpuan din sa coastal area ng Bulacan.)

Monday, April 14, 2014

100,000 inaasahang dadagsa upang saksihan ang pagpapako sa 6 na deboto


Pagpapako kay MichaelKatigbak sa Kapitangan, Paombong noonf 2013. DB


 
PAOMBONG, Bulacan—Inaasahang muling aabot sa 100,000 katao ang muling dadagsa sa bayang ito upang tuparin ang panata at saksihan ang pagpapako sa krus sa anim na deboto sa bakuran ng kapilya sa Barangay Kapitangan ngayong semana santa.

Bukod dito, magsasagawa rin ng pagtatanghal ng senakulo ang ang mga kasapi ng Teatro Paombong sa Kapitangan sa Miyerkoles Santo ng gabi, na susundan ng pagtatanghal sa munisipyo sa Biyernes Santo ng gabi.

Bilang paghahanda, ibinili na ng mga bagong baterya ang mga mobile radio phones na ginagamit ng mga tanod upang mapadali ang kanilang komunikasyon sa lahat ng panig ng Kapitangan sa loob ng tatlo hanggang limang araw na pangingilin.

Inihanda na rin ang mga “directional signs” na gagamitin upang hindi maligaw ang mga taong gustong magpunta rito.

Iba’t ibang kasapi ng kapulisan, tanod ng baranggay at marshalls ang nakahanda rin para mapaigting ang kaayusan at kasiguraduhan ng dadagsang tao.

Ayon kay Cleotilde Gaspar, kapitan ng Barangay Kapitangan, tinatayang aabot sa mahigit 100,000 katao ang muling dadagsa sa kanilang batangay simula Miyerkoles Santo hanggang Biyernes Santo.
 
Pagpapako kay Precy Valencia sa Kapitangan, Paombong.
Ito ay bilang patupad ng mga deboto sa kanilang panata at pangingilin, bukod sa pagsaksi sa taunang pagpapako sa krus.

Ayon kay Gaspar, aabot sa anim na deboto ang nakatakdang ipako sa krus.

Ang bilang na ito ang pinakamataas na bilang ng mga debotong lalahok sa pagpapapako sa krus sa bakuran ng Kapilya ng Sto.Cristo sa Kapitangan.

“Batay sa impormasyong ipinabatid sa amin, isa ang ipapako sa Huwebes Santo, at lima sa Biyernes santo,” ani ng Kapitana.

Binigyang diin ni Gaspar na ito ang kauna-unahang pagkakataon na may iappako sa Kapitangan sa araw ng Huwebes Santo.

Inihalad naman ni Konsehal Myrna Valencia, tagapamuno ng Lupon ng Turismo sa Sangguniang Bayan ng Paombong na na inihahanda na nila ang masterplan para sa turismo sa Kapitangan.

Kasama ang Bulacan Tourism Convention and Visitors Board (BTCVB), isa sa mga planong inihanda nina Valencia ay ang pagpapagawa ng observation deck sa bakuranng kapilya.

Matatandaan na noong nakaraang taon ay pinangunahan ng BTCVB kasama si Valencia ang pagpapagawa sa entablado sa bakuran ng kapilya kung saan isinasagawa ang taunang pagpapako sa krus.

Dahil naman sa pagdagsa ng tao sa kapitangan,sinabi ni Melinda Bautista, kalihim ng barangay na aabot sa 500 volunteer ang kanilang makakaagapay sa panahon ng Semana santa.

Kabialng dito ang mga medical volunteers na nakahandang sumaklolo sa mga debotong sasamain ang pakiramdam o mahiihilo sa kasagsagan ng init ng araw.

Ayon sa pangulo ng simbahan ng Kapitangan na si Sonny Tarrayo, Miyerkules Santo pa lamang ay dagsa na ang kalsada ng mga deboto.
 
Penitente sa Ilogng Halang, Hagonoy. 2013.
Hatinggabi ng Miyerkules ginaganap ang paligo sa poon na matatagpuan sa kapilya ng Sto. Cristo kung saan ito ay ibinababa mula sa pader ng kapilya.

Iba’t ibang uri ng pabango ang ginagamit sa pagpapaligo. Anupa’t lahat ng likidong dadampi sa katawan ng imaghe ay sinasahod ng mga deboto at kanilang iniuuwi o iniinom sapagkat pinaniniwalaan itong nakagagamot ng iba’t ibang uri ng sakit.

“Minsan pa nga, babasain nila yung dala nilang bimpo at tuwalya at ipapahid sa katawan nila o ng may-sakit,” sambit ng sekretarya ng baryo na si Melinda Bautista.

Sa ganap naman na ika-4:30 ng hapon ng Huwebes ay isasara na ang kalsada upang maiwasan na rin ang gitgitan.

May nakahandang parking lots para sa mga gustong magparada ng sasakyan. Ito ay matatagpuan di-kalayuan sa kapilya ng Kapitangan.

Gagamitin din ang bukid sa gawing likuran ng kapilya na ngayon ay walang tanim upang hindi magsiksikan ang kalahatan at dahil na rin sa kakiputan ng kalsada rito.

Dahil lubhang masikip na sa dami ng tao, nagpapalipas na ng gabi ang karamihan at aantayin ang kinabukasan ng Huwebes.

“Naglalatag na lamang ang mga tao doon, nagaantay ng pag-umaga. Para talagang Luneta,” paliwanag ni Gaspar.

Sa ika-labing isa ng tanghali ng Hewebes santo ay may isang ipapako at lima naman pagsapit ng Biyernes Santo.

Pinaniniwalaang ang kapilya ng lugar na ito na Sto. Cristo Chapel ay milagroso kaya’t isa din ito sa dahilan kung bakit dinarayo ito, na sinang-ayunan din ng pangulo ng kapilya.

Nagbahagi ng kanyang karanasan ang isa sa mga baranggay tanod ng Kapitangan na si Rony Victoria na siya’y namanata noong binata pa siya para sa kanyang anak na may sakit.
 
2013 crucifixion rites, Kapitangan, Paombong. DB
“Nung ipinanganak kasi iyon eh may hingal. Nagkokombulsyon siya. Hirap huminga. Ipinanata ko siya. Nanampalataya ako s sto. Cristo dito. Makaraan ang isang taon eh gumaling,” aniya.

Ngayong ay labingtatlong taong gulang na ang kanyang anak at nasa ikalawang taon na sa hayskul.

Ayon naman sa Kapitana ay kanyang nakamulatan na ang ganitong tradisyon sa Kapitangan.

 Dinadagsa di-umano ang lugar na ito sapagkat natuklasan na lahat ng puno na puputulin dito ay may lumitaw na marka ng krus sa loob ng kahoy na pinutol.

“Lahat ng puno na nakapaikot sa santa bisita, lahat ng putulin, kahit saang parte, may krus na lumilitaw. Inilalaga ng tao iyon at nakagagaling. Hanggang sa naubos ang mga puno doon,” kwento ng Kapitana.

Ilan sa mga nagsisilbing dahilan ng patuloy na pagdayo ng bulto bultong tao para magnilay ay ang sari sariling panata ng bawat isa. Karaniwan sa mga pinapanata ay mga kamag anak na may sakit na nais gumaling.

Ayon kay Ronnie Victoria, Baraggay Tanod sa Kapitangan at dati ring namamanata, ang dahilan ng kanyang pagpipinitensya dati ay para maipamanata ang kanyang anak na may hika at kinukumbulsyon. Nagging malaki ang kanyang pasasalamat dahil isang taon buhat ng kanya itong ipanata ay gumaling ito at ngayoy nakakapag aral na ng walang iniindang sakit.

Gayunpaman, may iba namang nagpipinitensya na matapos mamatay ng kanilang ipinapanata ay siyang pagtatapos na din ng kanilang pamamanata. (Annejoelica Esguerra at Elaine Bautista, may dagdag na ulat mula kay Dino Balabo)

Libo-libo lumahok sa Linggo ng palaspas, benta ng palaspas bumaba



Barasoain Church. Anjeline Domingo


 STA. MARIA, Bulacan—Muling natigib ng libo-libong mananampalatay ang bawat simbahan sa Bulacan kaugnay ng pagdiriwang ng Linggo ng Palaspas.

Karaniwan sa mga nagsimba ay bumili ng palaspas sa labas ng simbahan, ngunit ilang nagtitinda ang nagsabing mas mababa ang kanialng benta sa taong ito.

Ang Linggo ng Palaspas at hudyat ng isang linggong paggunita ng sambayanang kristiyano sa taunang semana santa na tinatampukan ng pagtitika, panalangin, penitensiya, pabasa ng pasyon, pagtatanghala ng mga senakulo at pag-aayuno.

San Isidro Labrador Church, Pulilan. Annejoelica Esguerra
Ito isa ring pag-aalala sa muling pagpasok ni Hesu-Kristo sa lungsod ng Jerusalem may 2,000 taon na ang nakakaraan.

Batay sa sa Bibliya, si Hesu Kristo na sakay ng isang asno ay sinalubong ng mga taga Jerusalem ng may pagbubunyi na natutulad sa sa isang hari.

Ito ay dahil sa panahojg iyon, ang bansang Israel ay nasa ilalim ng pamamahala ng mga Romano at ang mga Israelita at naghahangad na magkaroon ng isang hari na magliligtas sa kanila.

Ngunit batay sa mas naunang paliwanag ni Fr. Pros Tenorio, kura paroko ng Divine Mercy National Shrine sa Marilao, ang pagpasok ng Panginoong Hesu-Kristo sa Jerusalem sakay ng isang asno ay may ibang mensahe.

Ito ay nagbabadya ng pagliligtas sa kasalanan ng sangkatauhan.

Ipinaliwanag pa ng pari na ang kung ang mga Israelita ay naghahangad ng kaligtasan sa mga Romano, ang hatid ni Hesu-Kristo ay kaligtasan ng espiritu at hindi ng katawang lupa.

Sta. Maria Church. Jedd Santos
Kaugnay nito, sinalubong ng mga Bulakenyo ang pagdiriwang ng Linggo ng Palaspas ng may pag-asa at pagpapakumbaba.

Ayon kay Jun Santos, 38 ng bayang ito, sisimulan niya ang isang linggong pag-aayuno.

Iginiit niya na ito ay hindi lamang para sa pagbabawas ng pagkain, sa halip ay pagtigil sa bisyo tulad ng paninigarilyo.

Ang iba naman ay umaasa ng biyaya na ihahatid sa kanila ng nabendisyunang palaspas.

Sa bayan ng San Rafael, ang pagbebedisyon sa s amga palaspas ay pinangunahan ng mga pari ay mga lay leader ng simbahan tulad ni Dely Gonzales.
Sa Lungsod ng Malolos, sinabi ni Leonas Robena na medyo bumaba ang benta nila ng palaspas.

“Mas matumal ngayon,” ani Robena na 10 taon ng nagtitinda nt palaspas na yari sa dahon ng palmera at sasa.

Katulad ni Robena, si Roslyn Cruz ng Bocaie ay dumayo pa sa Simbahan ng Barasoain upang magbenta ng palaspas.

Sinabi ni Cruz na hindi sila makapagtaas ng presyo dahil ang karaniwang tawad sa kanila ay halagang P20.

Sa bayan ng Hagonoy, maaga ring nagsigising ang mga residente upang lumahok sa Linggo ng Palapas.

Ito ay isinagawa sa Pambansang Dambana ni Sta. Ana na alas-5 pa lamang ng madaling araw ay tigib na ng tao, samantalang ang bawat bukana ng bakuran ng simbahan  ay may nagtinda ng palaspas.  (Nina Dino Balabo, Jedd Santos,  Elaine Bautista, at Anjeline Domingo).

Maayos, ligtas at panatag paglalakbay sa expressway tiniyak ng MPTC


NLEX Balintawak Interchange. DB

  
LUNGSOD NG QUEZON—Tiniyak ng Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC) na magiging panatag ang paglalakbay ng may 500,000 sasakyan sa tatlong expressway na kanilang pinamamahalaan ngayong Semana Santa.

Ito ay dahil sa paghahanda kanilang ipapatupad upang tugunan ang inaasahang paglobo ng mga sasakyang dadaan sa North Luzon Expressway (NLEX), Subic Clark Tarlac Expressway (SCTEX) at Cavite Expressway (Cavitex).

Ang tatlong nabanggit na expressway ay nasa ilalim ng pamamahala ng MPTC kasama ang Manila North Tollways Corporation (MNTC), Cavite Infrastructure Corporation(CIC), Tollways Management Corporation(TMC) at Toll Regulatory Board (TRB).

Kaugnay nito, nakahanda naman ang mga kumpanyang kaagapay ng MPTC na magbigay ng libreng serbisyo at produkto sa kahabaan ng mga expressway mula Abril 16 hanggang 21.


Ang mga serbisyong ito ay karagdagang sa taunang serbisyong ipinagkakaloob ng MPTC tulad ng pag-asiste sa motorist, libreng paghila sa mga nasirang sasakyan, pagdaragdag ng mga patrol officers at toll tellers, maging mga serbisyon ng medikal kung mga mga aksidente at iba pang emergencies.

Sa paglulunsand ng taunang programang tinawag na “Safe Trip Mo Sagot ko,” sinabi ni Rodrigo Franco, pangulo at Chief Operating Officer  ng MNTC na magdadagdag silang mga tauhan samga pangunahing interhcnages sa kahabaan ng NLEX.

Kabilamng dito ang interchanges sa Balintawak, Bocaue, Mindanao Avenue, Dau at Mabalacat sa Pampanga.

Sa kahabaan ng SCTEX ay magdagdag din ng tauhan sa Tarlac at Tipo interchange.
 
SCTEX. DB
Sa pagtaya ni Franco, sinabing umaasa silang tataas ng 30 porsyento o katumbas na mahigit sa 60,000ang madagdag sa NLEX simula Abril16.

Ang 60,000 sasakyang ito ay madagdag sa daily average na 170,000.

Iginit pa ni Franco an gang pinakamataasna bilang ng sasakyan sa NLEX ay inasahan nila Miyerkoles Santo kung kailan maramia ng uuwi sa mga lalawigan sa Hilagang Luzon.

Ito ay muling mauulit sa Linggo ng pagkabuhay ng Lunes, Abril 21 kung kailan ang mga motorist ay babalik sakalakhang Maynila.
\
Sa SCTEX, inaasahang tataas din ng 30 porsyento ang kasalukuyang daily average na 24,000.

Sa Cavitex, sinabi ni Ramoncito Fernandez, pangulo at CEO ng MPTC na inaasahang din nilang tataas ng may 20 porsyento ang kasalukuyang daily average na 101,000 na sasakyang dumadaan doon.

Upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga motorist, sinabi ni Franco at Fernandez na bukod sa karaniwang serbisyong ipinagkakaloob ng kanilang mga kumpanya ay magbibigay din ng serbisyong free wifi sa mga piling lugar ang kanilang mga kasamang kumpanya.

Bukod dito, ilan sa mga kumpanyang nagsilbing sponsor ng safe TripMo sagot ko ay magbibigay din ng mga libfre serbisyo at produkto.

Kabilang samga kum[panya at produktong matitikman ng libre ay ang mula sa Maynilad Water,`Regent Belgian Waffles, Mochi Gelatin rice cakes, Yasai potao chips, at Rebisco Dowee donuts.

 Ang Belo Sun Expert ay mabibigay din ng libreng produkto.

Ang mga major sponsor ng SMSK ay ang Shell Philippines, Smart Communications at Philippine Long Distance telephone Company, samantalang nabilang bilang minor sponsors ang Philippine Star at Belo  Sun Expert.  Dino Balabo

Maynila pinagtitipid sa tubig dahil mababa na ang tubig sa Angat Dam


Engr. Rodolfo German at Angat Dam.  Dino Balabo



MALOLOS—Pinayuhan ng National Power Corporation (Napocor) ang mga residente ng kalakhang Maynila na magtipid sa tubig dahil sa mabilis na pagkaubos ng tubig sa Angat Dam.

Kaugnay nito, binawasan na ng National Water Resources Board (NWRB) ang alokasyon sa tubig inumin ng kalakhang Maynila.

Batay sa tala ng Napocor,ang water elevation sa dam ay bumaba sa 188.9 meters above sea level noong Huwebes, Abril 10.

Ito ay mahigit walong metro na lamang bago sumayad sa kritikal na 180 masl kung kailan ay ititigil ang alokasyon para sa patubig ng magsasaka sa Bulacan at Pampanga.

Ayon kay Inhinyero Rodolfo German, mas makabubuting magsimula ng magtipid sa tubig ang kalakhang Maynila.

“Mababa na ang tubig kumpara sa ideal na 200 meters at this time of year,” sabi ni German,ang general manager ng Angat River Hydro Electric Power Plant (ARHEPP).

Ang ARHEPP ay isang ahensiya ng Napocor na namamahala sa 53,000 ektaryang Angat watershed kung saan nagmumula ang 97 porsyentong tubig inumin ng kalakhang Maynila.

Sa kabila ng babala hinggil pagtitipid sa tubig, hindi nagbigay ng impormasyon si German kung hanggang kailan tatagal ang tubig sa dam upang mapadaloy sa kalakhang Maynila.

Sa halip ay kanyang inihayag na binawasan na ng NWRB ang alokasyon ng kalakhang Maynila mula sa regular na 46 cubic meters per second (cms) ay naibaba na ito sa 41 cms, at nitong nakaraang linggo ay 34 cms na lang ang alokasyon.
 
AngatDam reservoir. DB
Ang pagbabawas na ito ay nangangahulugan na may posibilidad na kapusin ng tubig ang Kalakhang Maynila dahil sa init ng panahon at kawalan ng ulan.

Ang dalawang kalagayang ito ay nagtutulak sa mga taon na gumamit ng mas maraming tubig.

Masasalamin din sa desisyon ng NWRB ang mga nakaraang desisyon nila hinggil sa pagbabawas ng alokasyon.

Ito ay upang matiyak na aabot hanggang sa tag-ulan ang nakatinggal na tubig sa dam.

Batay papahayag ni German, ang water elevation sa dam ay bumababa ng 20 sentimetro bawat araw.

Para naman sa Provincial Disaster Risk Reduction Management Office, ang mabilis na pagbaba ng tubig sa dam at kasalukuyang alokasyon ay posibleng magtulak sa dam upang sumayad sa kritikal na 180 masl ang tubig doon sa loob ng ilang linggo.

Batay sa tala, naitala noong Hunyo 2010 ang pinakamababang water elevation sa dam na 157.57 masl.

Una rito, naitala noong Hulyo 1997 ang 158 masl na water elevation  sa dam.

Matatandaan na noong 1997 ay sinagasaan ng El Nino Phenomenon ang bansa, parti,kular na ang Gitnang Luzon.

Ang El Nino ay tinampyukan ng kawalan ng ulan na naging sanhi upang matuyo ang dam maging ang mga bukirin sa mga lalawigan ng Bulacan at Pampanga. (Dino Balabo)