Sunday, March 9, 2014

Epekto ng operasyon ng fishpen sa pangisdaan






HAGONOY, Bulacan—Maramot na dagat.

Ito ang minsa’y nasambit ni Kagawad Alfredo Lunes ng Barangay Pugad sa bayang ito kaugnay ng pagbaba ng dami ng nahuhuling isda sa baybayin ng Manila Bay ng mga maliliit na mangingisda.

Ang pahayag na ito ay nasabit ni Lunes tatlong taon na ang nakakaraan, at muli pang kinumpirma ng iba pang mangingisda sa nasabing barangay noong 2012.

Nitong nakaraang Biyernes, Pebrero 28 ay muling inulit ng mga mangingisda at opisyal sa bayang ito ang patuloy na pagbaba ng dami ng isdang nahuhuli sa karagatan.

Ang tinutukoy nilang sanhi ngayon ay ang operasyon ng mga fishpen sa baybayin ng mga Barangay ng Pugad, San Roque at San Pascual.

Ang mga naturang fishpen ay dating mga palaisdaan na ang nagsisilbing pamigil sa tubig at isdang laman ay ang pilapil na yari sa lupa.

Ngunit dahil sa pagkaubos ng mga tanim na bakawang nagsisilbing panangga sa mga alon, ay nadurog at tuluyang nawasak ang mga pilapil ng may 800 ektrayang palaisdaan sa baybayin.

Hindi tumigil ang operasyonng mga nasabing palaisdaan dahil ito ay binakuran ng matataas na lambat, kaya’t sa halip na tawagin itong palaisdaan at tinatawag na ngayong fishpen o kulungan ng isda.

Ayon kay Konsehal Elmer Santos, ang operasyon ng mga fishpen ay nakakasira sa kalidad ng tubig sa baybayinng bayang ito.

Ito ay dahil sa ang mga fishpen ay nagsasagawa ng intensive fish farming gamit ang mga aqua feeds.


“Madalang na ngayon ang talaba, tahong, pati alimasag saka mga biya,” sabi Santos.

Maging ang iba pang lamang dagat tulad ng hipon at maliiit na isda ay apektado.

Dahil dito, halos walang kinikita ang mga maliliit na mangingisdang namamanti, umuumang ng baklad at bukatot.

“Parang nalalason ng tubig ang mga semilya ng isda at iba pang lamang dagat,”sabi naman ni Louie Libao, ang fishery officer ng bayang ito.

Binigyang diin pa niya na dahil sa pagkasira ng mga pilapil ng palaisdaan, maging ang daloy ng agos sailog ay apektado.

Bilang isang dating konsehal ng bayan na nagtaposng kursong Fisheries, sinabi ni Libao na hindi lamang mga operator ng fishpen ang gumagamit ng aqua feeds, kungdi maging ang namamahala sa malalaking palaisdaan o bigtime fishpond operators sa bayang ito.

Subalit bibigyang diin niya na dahil sa ang tubig sa fishpen ay labas pasok lamang, ang katas ng mga aqua feeds ay natatangay na rin agos.

Ayon kay Libao, ang katas ng aqua feeds sa mga palaisdaang buo ang pilapil ay medyo humuhupa pa ang epekto dahil matagal ito bago patapunin sa ilog.

Bukod dito, ang mga palaisdaan ay napapatuyuan pa ng tubig na naibibilad sa araw ang lupa,samangtaolang ang fishpen ay hindi.

Ipinaliwanag pa niya na ang mga banlik o burak samga fishpen ay kinakayod ng mga operator gamit ang lambat na may pinong butas.

Ito ay upang matanggalang banlik ng nadurog na aqua feeds at mga dumi ng isda na naiwan sa fishpen.

Ngunit ang mga burak na ito ay sa dagat din lamang itinatapon kaya’t ito ay nakakapekto pa rin sa mga semilya ng isda.

Dahil dito, ipinayo niya ang pagbuo ng isang ordinansa na magtatakda ng regulasyon  sa operasyon ng mga fishpen.

Para naman kay Santos, sinabi niya na nagbubuo na ang Sangguniang Bayan ng Hagonoy ng isang katulad na ordinansa.

Bilang patunay, nagsagawa na sila ng water sampling at ito ay kasalukuyang nilang ipinasusuri sa laboratoryo ng Department of Science and Technology (DOST).

“Hinihintay na lamang naming yung resulta ng lab test ng DOST dahil isa iyon sa magsisilbing batayan namin,” ani Santos.

Iginiit pa niya na patuloy ang pakikipag-ugnayan ni Mayor Raulito Manlapaz sa operator ng fishpen sa bayang ito.

Si Manlapaz at ang pamilya ng kanyang maybahay ay nabibilang sa mga malalaking namamalaisdaan sa bayang ito.

Ayon kay Santos tutol si Manlapaz sa operasyon ng fishpen dahil sa epekto nito sa pangisdaan.

Ngunit ang iginigiit ng mga operator ng fishpen ay hindi nilakayang pigilan ang pagkasira ng mga pilapil ng kanilang palaisdaang binubuwisan.

Nagpahayag din ang mga operator ng fishpen na nakahanda silang tumigil sa operasyon kung ang mga pilapil ng palaisdaan sa baybayin ng bayang ito ay maipakukumpuni ng pamahalaang lokal.  (Dino Balabo)

ALVARADO: Hindi ako suspendido




MALOLOS—Pinasinungalingan ni Gob. Wilhelmino Alvarado noong Sabado, Marso 8 ang kumakalat na balita sa Bulacan na siya ay suspendido.

Ito ay ilang oras lamang matapos na biglaang magpatawag ng press conference ang gobernador noong Biyernes ng hapon upang linawin ang iba pang kumakalat na usap-usap sa lalawigan na siya kinasauhan ng pandaramabong, at matatanggal siya sa posisyon dahil sa inisyatibang election recall.

“Hindi ako suspendido, hindi totoo ang balitang iyan, ako pa rin ang gobernador ng Bulacan,” sabi ni Alvarado sa kanyang lingguhang pagsasahimpapawid sa Radyo Bulacan noong Sabado ng umaga, Marso 8.

Ayon sa punong lalawigan,hindi na mabilang ang mga tawag at text messages na kanyang tinanggap  patungkol sa mga balitang inilarawan niyang “mapanira” at panloloko.”

Sinabi ng gobernador na ilang talunang pulitiko na nakipag-alyansa sa kanyang kalaban ang pulitika ang nasa likod ang mga kumakalat na balita upang sirain ang kanyang pangalan.

“Napaka-agang demolition job ito, malayo pa ang 2016,” sabi ng gobernador na muling nahalal noong nakaraang Mayo dahil walang nagtangkang kumandidato laban sa kanya.

Una rito, nagpatawag ng isang biglaang press conference si Alvarado noong Biyernes ng hapon upang linawin ang mga balitang ipinakakalat ng kanyang kalaban sa pulitika na siya ay may kasong plunder sa Ombudsman.

Nilinaw ng punong lalawigan na ang naisumite pa lamang ang reklamong plunder sa Ombudsman at hindi patio nagighing isang kas.

“Hindi pa kaso yun, sa mga dyaryo lang akop nakasuhyan,” sabi niya patungkol sa mga lumabas na balita sa mga pahayagan patungkol sa nasabing reklamo.

Ipinaliwanag niya na ang wala pang kaso silang sinasagot mula sa Ombudsamandahil hindi pa sila pinadalha ng liham upang magpalinawag.

Ayon pa sa gobernador, mas nauna pang nakatanggapang mga mamamahayag ng sipi ng reklamong inihain sa kanya sa Ombudsman dahil ipinakalat ito ng kalaban niya sa pulitika.

“Ginagamit nila iyan para sa trial by publicity at character assassination,” sabi ni Alvarado.
Binanggit din niya na ang reklamong plunder sa Ombudsaman ay may kaugnayan sa isinusulo9ng na election recall laban sa kanya ng mga katunggali sapulitika.

Ayon kay Alvarado, kasalukuyang ginagamit laban sakanya ng mga katungali sa pulitika ang ang reklamong plunder upang mas marami ang mapapirma sa isinusulong  na elections recall.

Hinggil sa epekto ng mga problemang nabanggit, sinabi ni Alvarado na hindi siya personal na naaapketuhan, ngunit inamin niya na nababalam ang kanyang pagtupad sa tubngkulin bilang gobernador.

Ito ay dahil sa halip dawn a makapagtrabho siya ay napipilitan siyang magpaliwanag sa mga Bulakenyo upang maituwid ang mga mapanirang tsismis na ikinakalat laban sa kanya. Dino Balabo

Ekta-ektaryang palaisdaan nilalamon ng dagat



 
HAGONOY, Bulacan—Nagpahayag ng pangamba ang mga residente at opisyal ng bayang ito dahil sa patuloy na nilalamon ng Manila Bay ang baybaying bahagi nito.

Apektado na ang halos 800 ektaryang pribadong palaisdaan bukod pa sa mahigit 400 ektaryang propius o palaisdaang pag-aari ng pamahalaang bayan ng Hagonoy.

Ayon kay Louie Libao, fishery officer ng bayang ito, ang pagkawasak ng mga pilipil ng 800-ektaryang pribadong palaisdaan ay nagsimula may tatlong taon na ang nakakaraan.

Ito ay nangangahulugan na umaabot sa 266.6 ektarya ng palaisdaan ang nilalamon ng dagat bawat taon, o 22.2 ektarya bawat buwan sa nagdaang tatlong taon.

Sa kasalukuyan, kabilang sa mga palaisdaang nawasak ang pilapil ay matatagpuan sa mga Barangay ng Tibaguin, Pugad, San Roque at San Pascual sa bayang ito.

 Ayon kay Libao, ang mabilis na pagkasira ng mga palaisdaan sa bayang ito ay sanhi ng epekto ng climate change na pinalubha pa ng kapabayaan at pagka-ubos ng mga bakawan at iba pang puno sa baybayin na nagsisilbing panangga sa mga alon.

Inihalimbawa ni Libao ang mahigit sa 400 ektaryang propius ng bayang ito na nilamon ng dagat may anim na taon na ang nakakaraan.

Ang nasabing propius ay dating nirerentahan ng mga malalaking fishpond operator na sila na ring nagsasagawa ng rehabilitasyon sa mga pilapil nito.

Ngunit ng matapos ang kontrata sa renta ng nasabing propius, hindi agad narentahan ito dahil ang nais ng dating punong bayan ng Hagonoy ay maging mas mataas ang renta bawat taon.

Ngunit isa sa argumento ng mga rerentang fishpond operator ay ang malaking gastos sa buong taong rehabilitasyon ng pilapil ng propius.

Ang kalagayang ito, ayon kay Libao ay malaking banta hindi lamang sa kabuhayan ng mga residente at mga namamalaisdaan.

Ito ay banta rin sa mga pamayanan, partikular na samga barangay na malapit sa baybayin.

Inayunan din ito nina Konsehal Elmer Santos at Maximo Crisostomo, ang tagapamuno ng Municipal Cooperative Development Council (MCDC), isa sa mga pangunaging grupo na nagsusulong ng malawakang pagtatanim ng bakawan sa baybayin dagat ng bayang ito.

Iginiit ni Santos ang madaliang rehabilitasyon sa mga palaisdaang nakaharap sa Manila Bay na karaniwang hinahampas ng along kapag tag-ulan.

 Para naman kay Crisostomo, dapat ring magsagawa ng malawakang pagtatanim ng bakawan upang magsilbing proteksyon.

Igininiit pa niya na maging mga pilapil ng mga palaisdaang nasira ay dapat taniman ng bakawan.

Ito ay dahil sa mga nasalantang palaisdaan ay nai-convert na fishpen ng ilang malalaking fishpond operator.

Ito ay sa pamamagitan ng pagbabakod ng mataas na lambat sa paligid ng palaisdaan upang kahit wasak ang ilang bahagi ng pilapil ay mapanatiling nakakulong sa loob ang mga isdang alaga tulad ng bangus, sugpo at iba pang produkto.

Sa kabila naman ng patuloy na operasyon ng palaisdaang ginawang fishpen, nagpahayag din ng pangamba ang maliliit na mangingisda dahil sa epekto ng aqua feeds na ginagamit ng mga operator ng fishpen.  Dino Balabo

Wednesday, February 26, 2014

Rehab ng Angat Dam masisimulan na raw, pero...





MALOLOS—Paulit-ulit na inihayag ng may pagbubunyi ni Gob. Wilhelmino Alvarado na masisimulan ang pagkukumpuni sa Angat Dam.

Ngunit ang tanong ay kailan at sino ang gugugol sa pagpapakumpuni samantalang nag-alangan ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa paghahandang pondong P5.7-Bilyon noong nakaraang taon.

Kaugnay nito,muling naantala ang pagsasalin sa Korea Water Resources Corporation (K-Water)ng pamamahala sa sa Angat River Hydro Electric Power Plant (ARHEPP) nitong Enero.

Matatandaan na noong Disyembre ay inihayag ng Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation (PSALM) na na maisasalin sa K-Water ang pamamahala sa ARHEPP bago matapos ang Enero.

Ngunit bago matapos ang Enero, muling nagapalabas ng pahayag ang PSALM na sa Marso na magsisimula ang pamamahala ng K-Water sa ARHEPP.


Noong Enero 23, isiningit ni Alvarado sa kanyang talumpati sa harap ng libo-libong Bulakenyo na masisimula na ang implementasyon ng pagkukumpuni sa Angat Dam.

Ang talumpati ni Alvarado ay kanyang binigkas sa pagdiriwang ng ika-115 guning taon ng Araw ng Republika sa makasaysayang simbahan ng Barasoain.

Ang pahayag na ito ay inulit pa ni Alvarado sa sakanyang lingguhang pagsasahimpapawid sa Radyo Bulacan noong Sabado, Pebrero 1.

Sa kanyang pahayag sa himpapawid, sinabi ni Alvarado na maaaring masimulan na sa buwan ng Mayo pagpapasubasta para sa rehabilitasyon ng Angat Dam.

 Ngunit ito ay depende kung matutuloy ang pagsasalin sa K-Water ng pamamahala sa ARHEPP sa Marso.

Ayon kay Alvarado, pinag-uusapan na sa Malakanyang ang mabilisang pagpapasaubasta sa rehabilitasyon matapos maging pormal ang paghawak sa pamamahala ng K-Water.

Batay naman sa mas naunang pahayag ni Inhiyero Roderick Dela Cruz, isang dam safety expert na Bulakenyo na kasalukuyang nakabase sa Estados Unidos, hindi simple ang pagpapakumpuni sa Angat Dam.

Ito ay dahil sa hindi pa nagbibigay ng opisyal na pahayag ang K-Water na inaako nila ang responsibilidad na sila ang gagastos sa pagpapakumpuni sa dam.

Ngunit ayon kay Arkitekto Gerardo Esquivel, administrador ng MWSS, kasama sa kontrata ng K-Water ang responsibilidad sa pagpapakumpuni sa dam.

Bukod dito, binigyang pansin din ni Dela Cruz ang proseso ng pagsasagawa ng rehabilitasyon.

Sinabi niya sa Mabuhay na ito ay nangangailangan ng mas masusi at mahabang pag-aaral upang matukoy ang pinakamalakas na lindol na maaaring magpayanig sa dam.

Kung matutukoy ang lakas ng lindol, magsisimula ang pagbuo ng disenyo sa dam na hindi kayang sirain ng pinakamalakas na linsol na lilikhain ng pagggalaw ng Marikina West Valley Fault line na may 200 metro lamang ang layo sa pangunahing dike ng dam.

Matatanda na noong Disyembre 2011 ay sinimulan ng Tonkin and Taylor at ng Engineering and Development Corporation of the Philippines(EDCOP) ang pag-aaral sa katatagan ng dam.

Ang nasabing pag-aaral o feasibility study na pinondohan ng PSALM ng $1-M ay natapos noong Mayo 2012 o makalipas ang anim buwan.

Ayon kay Dela Cruz, “hindi sa wala akong tiwala, pero masyadong maikli ang pag-aaral na isinagawa.”

Bibigyang diin niya na sa Estados Unidos kung saan ay 80 dam ang kanyang pinamamahalaan, kapag magsasagawa ng rehabilitasyon, inaabot sila ng tatlong taon sa pagsasagawa ng pag-aaral.

Ang pananaw na ito ay inayunan ng isang mataas na opisyal na National Power Corporation (Napocor) at ni Alvarado.

Binigyang diin ng opisyal ng Napocor na masyadong mababaw ang pag-aaral sa katatagaan ng dam.

Dahil dito, sinabi ni Dela Cruz na posibleng hindi kilalanin ng K-Water ang pag-aaral na isinagawa ng Tonkin and Taylor at ng EDCOP.

Ngunit iginiit din niya na maaaring dagdagan pa ng K-Water ang nauang pag-aaral na isinagawa upang matukoy ang tinatawag na probable maximum  earthquake o ang posibleng pinakamalakas na lindol na magpapayanig sa dam.

Kaugnay nito, sinabi Noel Ortigas, executive vice president ng EDCOP na kasalukuyan ng nagsasagawa ng trenching o pag-aaral ang Philippine Institute of Volacanology and Seismology (Phivolcs) sa kahabaan ng WMVF.   (Dino Balabo)

Libong ektaryang bukirin sa Bulacan natutuyo


 


MALOLOS—Tinatayang aabot sa mahigit 1,000 ektarya ng bukirin sa hilagang Bulacan na dating pinatutubigan ng Upper Pampanga River Integrated Irrigation System (UPRIIS) ang masasalanta dahil sa kakulangan ng patubig.

Hindi pa kasama rito ang mga bukiring natuyo na at nasunog na init ang pananim sa mataas na bahagi ng bayang ng Miguel na natunghayan ng Mabuhay noong Sabado, Pebrero 15.

Para sa mga magsasaka, ang kalagayang ito ay isa lamang sa mga palatandaan ng mga epekto ng climate change  o pagbabago ng klima na tinampukan ng malalakasna ulan noong Oktubre at Nobyembre at sinundan ng kawalan ng ulan noong Disyembre hanggang Pebrero.

Ayon kay Gloria Carillo, pinuno ng Provincial Agriculture Office (PAO), sa bayan ng San Ildefonso pa lamang ay umaabot na sa mahigit 600 ektarya ang apektado  ng kakulangan ng tubig na inilarawan niya na “drought-like”  o nakakahalintulad ng epekto ng tagtuyot.

Sa katabing bayan ng San Miguel, sinabi ni Carillo na bineberipika pa nila ang ulat, ngunit inihayag niya na umaabot sa mahigit 12,000 ektarya ng bukirin sa hilagang bahagi ng nasabign bayan ang bahagi ng service area ng UPRIIS.

“Nasa dulo kasi ng service area ng UPRIIS ang San Miguel at San Ildefonso, kaya kinakapos sa patubig,” sabi ni Carillo sa isang panayam ng Radyo Bulacan noong Lunes, Pebrero 17.

Ang patubig ng UPRIIS ay nagmumula sa Pantabangan Dam na matatagpuan sa hilagang silangan ng lalawigan ng Nueva Ecija.

Sa kanyang pahayag, ikunuwento ni Carillona nakatanggap siya ng ulat na ang patubig ng UPRIIS ay nahaharang sa mga bayan ng Nueva Ecija.

Ito ang dahilan kaya’t hindi nakakarating sa Bulacan ang patubig na inaasahan ng mga magsasaka ng magsusustine sa kanilang pananim.

Samantalang inilarawan ni Carilloang kalagayan ng mga bukirin bilang “drought-like”, nilinaw niya na wala pang deklarasyon ng may tagtuyot o “drought” saan mang bahagi ng Gitnang Luzon.

Kinatigan din niya ang mas naunang pahayag ng mga magsasaka sa bayan ng San Miguel na bukod sa kapos na patubig, ang isang pang dahilan ng pagkatuyot ng bukirin sa lalawigan ay ang kawalan ng ulan.

Ito ay dahil sa matapos manalasa ang mga bagyo noong Oktubre at Nobyembre, animo nagsara ang langit at wala ng pumatak na ulan mula noong Disyembre.

Ang kalagayang ito ay naging sanhi ng madaling pagkaubos ng itininggal na tubig ng mga magsasaka sa mataas na bahagi ng San Miguel.

Ang pagka-ubos ng tubig samga small far reservoir (SFR) sa nasabing bayan, partikular na sa Barangay Lambakin ay nagsanhi ng “pagkasunog” ng mga panananim na palay at mga gulay.

Ang pagkasunog ay ang pagkatuyo ng pananim sanhi ng kakulangan sa tubig kaya ang mga dahon ay nanilaw at namula hanggang sa matuyo.

Sa pagbisita ng Mabuhay sa Barangay Lambakin, natunghayan ang kalagayang itonoong Sabado bukod pa sa pagkakabitak-bitak ng bukiring natatamnan pa ng palay, at mga SFR na walang tubig.

Maging mga pilapil ng SFR ay nagbitak-bitak na rin na ayon sa mga magsasakang sina Peter Balde at Mauro Santos ay isang palatandaan na matagal na silang walang tubig.

Para sa mga magsasaka, ang problemang kanilang nararanasan ay bahagi na ng bunga ng climate change o pagbabago ng klima.

“Laging ganyan kaya kailangang mag-adapt kami, kasi wala kaming ikabubuhay kung hindi kami makikipagsabayan,” sabi ni Simeon Sioson,isa sa mga opisyal ng Lambakin Agricultural Marketing Cooperative.

Isa sa mga solusyong binanggit ni Sioson ay ang pagdadagdag ng mag SFR at pagpapalalim sa mga kasalukuyang SFR sa kanilang bayan.

Ito ay upang maitinggalo maipon nila ang tubig ulan sa panahon ng tag-ulan at magamit sa panahon ng tag-araw at makapagpatuloy sila sa produksyon upang matiyak ang kabuhayan ng kanilang pamilya,partikular na angmga anak na pinag-aaral.

Ayon kay Sioson,humingi na sila ng tulong sa Department of Agriculture at inendorso na ng National Irrigation Administration ang kanilang kahilingan para sa rehabilitasyon ng kanilang SFR.

Ngunit ang kanilang kahilingan at nanatiling kahilingan pa rin at hindi pa umaaksyon ang mga ahensiya ng gobyerno.

Nilinaw ni Sioson,  luibhang kailangan nila ng tulong  ng pamahalaang dahil hindi nila makakaya ang pagpapahukay sa kanilang SFR at pagpapahukay para sa mga bagong SFR.

Kinatigan ito ni Santos, na nagsabing nagsagawa na sila ng bayanihan, ngunit hindi sapat ang kanilang kakayahan dahil sa malalaki ang SFR at kakailanganin ng makinaryo tulad ng back hoe.  (Dino Balabo)

Alvarado, 6 pa, kinasuhan ng pandarambong





MALOLOS—Nahaharap ngayon sa kasong pandarambong o plunder si Gob. Wilhelmino Alvarado at anim pang opisyal ng kapitolyo kaugnay ng P287-Milyong “unliquidated”na pondo noong 2012.

Kaugnay nito, itinaggi ni Alvarado ang paratang na inilarawan niya bilang isang “political harassment” ng kanyang mga katunggali sa pulitika.

Ang nasabing kaso na nag-ugat sa ulat na inilabas ng Commission on Audit (COA) noong nalaraang taon hinggil sa resulta ng kanilang pagsusuri sa paggamit ng pondo ng kapitolyo sa taong 2012.

Kabilang sa kinasuhan ay sina Belinda Bartolome, hepe ng provincial treasurer’s office; Marina Flores, hepe ng Provincial Budget Office; Marites Friginal, hepe ng provincial accountant’s office.

Arlene Pascual, hepe ng Provincial Planning and Development Office (PPDO); dating Provincial Administrator Jim Valerio na ngayon ay chief of staff ni Gob. Alvarado; at Inhinyera Marina Sarmiento, ang dating hepe ng Provincial General Services Office (PGSO) na nagbitiw sa tungkulin noong bakaraang taon.

Ang nasabing kaso ay inihain ni Antonio Manganti sa tanggapan ng Ombudsman noong ika-14 ng Pebrero o Valentine’s Day.

Si Manganti na nagpakilala bilang isang tax payer mula sa bayan ng Donya Remedios Trinidad, ay isang dating rebel returnee na nagtrabaho sa kapitolyo sa panahon ng panunungkulan ni dating Gob. Josefina Dela Cruz.

Siya ay nagtrabaho din bilang isa sa mga staff ni Sienna Maureen Hilario na dating chief of staff ni Dela Cruz.

Ang mga akusasyon ni Manganti ay batay sa ulat ng COA para sa taong 2012 na kung saan ay naulat na delayed o naantala ang preparation ng bank statements ng kapitolyo, may iregularidad sa replenishment ng cash funds, at may unliquidated na pondio na umaabot sa mahigit 200-M.

Batay pa sa kasong isinampani Manganti, ang pinakamalaking bahagi ng unliquidate funds ng kapitolyo na umaabot ng P287-M  ay nagmula sa confidential intelligence fund (CIF).

Inihalad ni Manganti na umabot sa P197.56 –M ang unliquidated na CIF.

Bukod dito, pinuntusan din niya ang pagdami ng pinasusuweldong kawani ng kapitolyo na karamihan ay job order; at ang maraming bilang ng consultant ng kapitolyo.

Kabilang samga consultant ng kapitolyo ayon sa ulat ng COA na pinagbasehan ni Manganti ay hindi nakaabot ang kakayahan sa pamantayang itinakda.

Bukod dito, may mga consultant ang kapitolyo na ang natapos lamang ay “high school” ay mayroon ding consultant na nabibilang sa mga sekta ng relihiyon.

Ang iba pang pinagabtayan ng kasong plunder na isinampani Manganti ay ang ilegalnapaggamit ng Special Education Fund ng Kapitolyo at pamamahagi ng sobra-sobrang donasyon sa mga samahang hindi nabigyan ng akreditasyon ng Sangguniang Panglalawigan.

Ayon sa kasong isinampani Manganti, umabot sa mahigit P10-M ang pera ng ng SEF na nagamit ng kapitolyo bilang donasyon, samantalang ito ay dapat gamitin para sa mga programa sa edukasyon. (Dino Balabo)