Pages

Saturday, December 10, 2011

Pagbuo ng NDSP isinusulong ni Alvarado sa Kongreso

Angat Dam in Norzagaray, Bulacan



MALOLOS —Isinusulong ngayon sa Kongreso ng mambabatas na Bulakenya ang pagbuo ng national dam safety program na magtatakda ng mga pamantayan sa operasyon ng mga dam, at lilikha sa isang tanggapan na mamamahala at may pananagutan sa mga ito.

Ito ay makalipas ang mahigit isang buwan matapos lumubog sa baha ang mga bayan ng Hagonoy, Calumpit, Paombong at ilang bahagi ng Malolos matapos manalasa ang mga bagyong Pedring at Quiel noong huling bahagi ng Setyembre.

Sa kanyang talumpating may pribilehiyo na binigkas sa Kongreso noong Miyerkoles, Nobyembre 23, sinabi ni Kint. Marivic Alvarado para maiwasan ang mga katulad na kalamidad kailangang amyendahan ang mga kasalukuyang batas sa bansa o kaya ay magbuo ng panibagong polisiya.

Bukod dito, sinabi niya na kailangan din ang pagpapatupad ng mas makabuluhang pamamaraan sa pagtugin sa kalamidad upang mapangalagaan ang buhay ng tao, ari-arian at mga pananim.

“We need to have a national dam safety program under one authority,” Alvaradoat iginiit na masasalamin sa katatapos na pagbaha sa lalawigan na kapos sa kaalaman ang taumbahan sa pinagmulan ng kalamidad na isang obligasyon ng mga namumuno upang ipabatid sa taumbayan.

Ito ay dahil sa kawalan ng batas para sa national dam safety program at iisang ahensya na namamahala at may pananagutan sa operasyon ng mga dam.

 “Malinaw pa sa sikat ng araw, wala tayong national dam safety program o batas hinggil sa pangangalaga ng ating mga dam at wala ring iisang national agency na tumututok at nangangalaga sa ating mga dam,” ani Kinatawan Alvarado.

Binanggit din niya na nakakapangamba ang kalagayan ng mga pangunahing dam sa bansa, dahil bukod sa matatanda na ito ay hindi nabibigyan ng regular na pagsusuri ang katatagan.

Ang mga dam na tinukoy niya ay ang Angat Dam sa Bulacan, Magat Dam sa sa Isabela, Binga at Ambuklao sa Cordillera, Pantabangan sa Nueva Ecija,  at San Roque sa Pangasinan.

Ang mga nasabing dam ay karaniwang ginagamit bilang  tinggalan ng tubig para sa irigasyon, pamigil baha at paglikha ng kuryente;  maliban sa Angat Dam na gamit din para sa tubig inumin ng kalakhang Maynila.

Ayon kay Alvarado, ang mga nasabing dam ay nagtitinggal ng hindi bababa sa 75-Milyon kubiko metrong tubig; at hindi pa kasama rito ang 42 pang mas maliliit o minor Dams.

Upang bigyang diin ang kanyang pangamba sa kalagayan ng mga dam, binanggit ng kinatawan ang paglalarawan ng International Humanitarian Law, sa mga dam na nagsasabing, ito ay "installations containing dangerous forces"  dahil sa "the massive impact of a possible destruction on the civilian and the environment.” 

Sa kabila ng kalagayang ito, sinabi ni Alvarado na walaang iisang ahensiya ng gobyerno ang namamahala at may pananagutan sa dam, partikular na kung ito ay masira katulad ng nangyari sa Bulo Dam sa Brgy. Malibay sa bayan ng San Miguel noong Setyembre 27.

“Kaya lubos na nakapangangamba na wala tayong isang unified national dam safety program at ang ating mga dam ay pinamamahalaan ng iba’t ibang ahensya. Kaya hindi tuloy matukoy kung sino ang dapat managot sa mga nakaraang trahedya dala ng pagbaha na sanhi ng pagpapalabas ng tubig sa dam. Kaya iminumungkahi ng inyong abang lingkod na mabilis na ipasa ang panukalang batas hingil sa dam safety,” aniya.

Ayon sa kinatawan, lubhang kailangan ang pagkakaroon ng national dam safety program dahil ito ang magtatakda pamantayan sa pamamamhala, konstruksyon, operasyon at maintenance ng mga dam; bukod pa sa pagbuo ng iisang tanggapan o dam safety office.

Una rito, sinabi ni Inhinyero Roderick Dela Cruz, isang dam safety expert mula sa bayan ng Hagonoy na kasalukuyang nakabase sa Estados Unidos, na ang kawalan ng sapat ng kaalaman sa kalagayan ng mga dam sa bansa at kawalan pamantayan o regulatory standards sa maintenance ng mga ito ay naghahatid ng malaking peligro sa mga taumbayang nakatira sa ibaba ng mga dam.

“Because, we don’t know exactly the condition of its dams and the consequences of its failure, and not having regulatory standards for the maintenance and operation of its reservoirs poses potential great danger to thousands of people living downstream of its dams," ani Dela Cruz, na may 18 taong karansang bilang lead dam safety engineer ng Southern California Edison (SCE).

Bilang isang dam safety expert, sinabi pa ni Dela Cruz na “the safety of the people is primordial concern of the government, if we do not act now, they could threaten the future of all of us, as we all need water to survive.“

No comments:

Post a Comment