Pages

Monday, January 9, 2012

2nd MINASA FESTIVAL: Tampok ang magagandang imahe ng Bustos



BUSTOS, Bulacan—Tatampukan ng mga naggagandahang imahe ang ikalawang sunod na taon ng pagsasagawa ng Minasa Festival sa Enero 15 hanggang 22 na bahagi ng ika-95 taong pagkakatatag ng bayang ito.

Ito ay dahil sa pagsasagawa ng paligsahan tulad ng digital photo competition, video ad contest, poster making contest at oldest photo-contest.

Sasangkapan din ng trade fair, talent contest, sayawan sa kalye, konsiyerto at jobs fair ang nasabing pagdiriwang.

“This will be another showcase of Bustos,” ani Mayor Arnel Mendoza.

Igniit niya na bukod sa pagpapaunlad ng industriya ng minasa sa kanilang bayan, layunin din nila na na maipagmalaki ng kanilang mga kababayan ang Bustos.

“Dati, hindi marinig ang Bustos, kapag may nabalita, masama pa, pero ngayon, pinag-uusapan sa internet at very proud ang mga kababayan namin,” aniya.

Sinabi rin ng alkalde na matapos ang pagsasagawa ng unang minasa festibval noong nakaraang taon, naramdaman nila ang pagiging masigasig ng mga Bustosenyo na maipakilala sa mundo ang bayang ito.

Dahil dito, magiging tampok sa ikjalawang sunod na pagdiriwang ng Minasa Festival ang pagsasagawa ng digital photo contest, video ad contest, poster making at oldest  photo contest.

Ayon kay Mendoza, layunin ng mga nasabing paligsahan ang pagpapakita ng magagandang tanawin at imahe ng bayang ito.

“Pictures and videos are very powerful tool para ipakita kung ano ang meron dito sa bayan namin; dapat lamang na mabigyan pagkakataon ang mga kababayan namin upang ipakita ang kanilang galing,” ani Mendoza nagtapos ng Doctor of Public Administration sa Bulacan State University.

Binanggit din niya na ang mga larawan at video na maiipon ay kanilang ilalathala sa opisyal na website ng Bustos.

“Plano namin na bumili ng domain name para sa Bustos sa internet, para lahat ng kababayan namin na nasa abroad ay makita at mapanood din ang mga picture at video na mananalo,” aniya.

Ayon pa sa alklade, patuloy ang pagdami ng kanilang mga kababayang kumukuha ng impormasyon sa internet partikular na sa ibat-ibang social networking sites.

Ang Bustos ay dating bahagi ng bayan ng Baliuag hanggang noong 1862 kung kailan naganap ang isang trahedya kung saan ang mga residenteng magpapabinyag ng mga sanggol sa Baliuag ay nalunod sa Ilog Angat habang tumatawid sakay ng balsa.

Ito ay dahil sa malakas na hangin at ulan na naghatid ng mabillis na agos sa Ilog.

Noong 1867, ang Bustos ay tuluyang nahiwalay sa Baliuag bilang isang bayan, ngunit sa pagdating ng mga Amerikano noong 1899, ito ay muling ibinalik bilang bahagi ng Baliuag.

Noong Enero 1, 1917, tuluyang inihiwalay  sa Baliuag ang Bustos bilang isang bayan.

Isa sa mga natatanging anak ng Bustos ay sina Heneral Alejo Santos na nanguna sa Bulacan Military Area (BMA) matapos makatakas sa  Bataan-Tarlac Death March.

Si Santos ay nagsilbing kinatawan ng ikalawang distrito ng Bulacan hanggang sa maging gobernador ng lalawigan.

Hindi natapos ni Santos ang kanyang ikalawang termino bilang gobernador ng Bulacan dahil siya ay itinalaga sa War Reparation Commission; at noong panahon ng Martial Law ay kumanditato bilang pangulo laban kay dating Pangulong Ferdinand Marcos.

No comments:

Post a Comment