Pages

Monday, February 27, 2012

EDITORYAL: Gob, kilos na!

Nakapapangamba ang mga kaganapan sa bansa sa nagdaang halos anim na buwan kung kailan ay magkakasunod na trahedya ang naganap hatid ng kalamidad.

Noong Setyembre at Okrubre, nasalanta malalim at malawakang pagbaha ang Bulacan; kasunod ay ang mga lungsod ng Cagayan De Oro at Iligan noong Disyembre na binaha rin.  Ngayong Pebrero, lindol at pagbaha naman ang sumagasa sa Cebu, Negros at Bicol.

Bukod sa pagkasawi ng maraming buhay, kasamang nasalanta ang bilyon-bilyong pisong halaga ng mga ari-arian at imprastraktura; samantalang maraming pangarap ang naglaho.

Ngunit ang higit na nakakapangamba ay parang hindi natuto ang mga namumuno sa mga pamahalaang lokal.  Ilan sa kanila ay nagsabing, “wake up call ito,” at “babala na ito ng Diyos.”

Kung pagbabatayan ang kanilang mga naging pagkilos, lumalabas na ang kanilang mga pahayag na ang kalamidad ay paraan ng paggising o pagtawag pansin ng Diyos sa mga mamamayan at hindi sa kanila.  Nakalulungkot, sapagkat karaniwan nilang sinasabi pagkatapos ng halalan na ang “tinig ng bayan ay ang tinig ng Diyos” na nangangahulugan na sila ang pinili ng Diyos upang mamumuno, ngunit kapag nanalasa ang kalamidad parang hindi sa kanila nangungusap ang Diyos.

Higit na nakalulungkot ang pananaw at ugali ng mga lokal na opisyal.  Bawat isa sa nakatingala sa mas nakataaas sa kanila, naghihintay ng aksyon.  Ang mga kapitan ay naghihintay ng aksyon sa mga alkalde, ang mga akalde ay sa mga kongresista at gobernador, ang gobernador ay sa Pangulo ng bansa at mga Senador.

Nagaganap din sa Bulacan ang kabalintunaang ito na ang mga opisyal ay nakatingala sa mga “diyos-diyosang” nakatataas sa kanila. Isang halimbawa ay si Gob. Wilhelmino Alvarado na mula pa noong 2009 ay nagpahayag na ng posibilidad ng malawakang kalamidad dahil sa ang Angat Dam ay nakaupo di kalayuan sa Marikina West Valley Fault line, batay sa pag-aaral ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Ang babalang ito ay tinugon na ng Malakanyang sa pamamagitan ng pagsasagawa ng pa-aaral sa katatagan ng Angat Dam, ngunit ang kulang ay ang katapat na paghahanda ng lalawigan sa pamamagitan ng pagbuo ng isang malinaw na Emergency Action Plan (EAP) na dapat ipaunawa sa taumbayan upang sila mismo ay makatugon ng akma sa panahon ng kalamidad.

Sa diwang ito, nais ipaunawa ng Mabuhay sa mga namumuno sa Bulacan sa pangunguna ni Alvarado na hindi sapat ang pagtawag pansin sa mas higit na nakataaas na opisyal ng pamahalaan.  Ang kailangan ay ang pagkakaroon ng kusang palo o sariling pagkilos upang magkaroon ng kahulugan ang kanilang ipinahahayag na mga babala, at ang sinumpaang tungkulin na bigyang proteksyon ang mamamayang Bulakenyo.

Bilang isang pahayagang naglilingkod sa lalawigan mula noong 1980, ito ay hindi isang pagbatikos, sa halip ay isang pagpapaalala kay Alvarado na noong Agosto 30, 2011 ay nagbigay ng hamon sa mga mamamahayag sa lalawigan na magsilbing propeta ng lipunan at sumalangsang sa kanya upang maituwid ang pagkakamali o mapunan ang kanyang pagkukulang.

Gob, kilos na! ***

No comments:

Post a Comment