Pages

Wednesday, February 1, 2012

Good governance conference sa Bulacan, Pebrero 2


Text Box: PRESS RELEASE
Refer To: MARICEL CRUZ
Provincial Information Officer
(044) 791-5140
Bulacan Capitol Gym, isang gabi bago isagawa ang kumperensiya.

LUNGSOD NG MALOLOS- Magsasama-sama ang mga opisyal ng pamahalaan sa Bulacan kung saan pangungunahan ni Gob. Wilhelmino M. Sy-Alvarado ang serye ng mga aktibidad para sa mapanagutang pamamahala na gaganapin sa Pebrero 2 sa Bulacan Capitol Gymnasium, lungsod na ito.

Sinabi ni Alvarado na nag-imbita sila ng mga respetadong personalidad na makapagbabahagi ng kanilang kaalaman upang mapalawig ang kamalayan ng mga opisyal sa Bulacan ukol sa wastong gawi ng isang lingkod publiko at mapagkaisa ang mga ito tungo sa pag-abot ng iisang layunin na mapaunlad ang kalagayan ng mga Bulakenyo.

Kabilang sa mga inimbitahang tagapagsalita ay sina Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jesse Robredo na tatalakay tungkol sa “Seal of Good Governance and Seal of Good Housekeeping,” Rev. Fr. Melo Diola na magsasalita tungkol sa “Good Governance and Ethics in Politics” at Department of Environment and Natural Resources (DENR) Sec. Ramon Paje sa paksang “Good Governance on Environment.”

“Tunay na mahalaga ang bayanihan at sama-samang pagkilos upang makamit ang isang adhikain.  At kaugnay ng hangarin na patuloy pang maitaguyod at maiangat ang karangalan ng Bulacan at ang kapakanan ng mga mamamayan nito, sadyang mahalaga ang pagkakabuklod sa pananaw ng mga namamahala rito,” dagdag pa ni Alvarado.

Isasagawa rin sa araw na ito ang pagbibigay ng parangal sa nagwagi na Pinakamalinis at Luntiang Bayan o Lungsod sa Lalawigan ng Bulacan 2011 sa ilalim ng programang Bantay Kalinisan ng Bulacan. Mula sa 21 bayan at tatlong lungsod na naglaban-laban, nakabilang sa top 10 ang Calumpit, Pulilan, Bustos, Guiguinto, Plaridel, San Rafael, Doña Remedios Trinidad, Norzagaray, City of San Jose Del Monte, at Sta. Maria.

Sinabi pa ni Provincial Administrator Jim Valerio, tagapangulo ng Bantay Kalinisan Task Force, na bilang bahagi ng katuparan ng Pitong Puntong Programang Pangkaunlaran ni Gob. Alvarado, layunin ng proyektong ito na mapaigting ang pagpapatupad Republic Act 9003 or "Ecological Solid Waste Management Act of 2000” at mahikayat ang mga lokal na pamahalaan na makiisa sa pagpapanatiling malinis at maganda ng lalawigan.

“Ang pagsusuri ay nakatuon sa mga programa o inisyatibo ng mga lokal na pamahalaan ukol sa pangangalaga ng kapaligiran sa kanilang nasasakupang bayan at kung gaano kalawak ang partisipasyon at pakikipagtulungan ng komunidad at ng iba pang mga organisasyon sa pagpapatupad nito,” paliwanag ni Valerio.

Ang Pinakamalinis at Luntiang Bayan o Lungsod sa Lalawigan ng Bulacan 2011 ay tatanggap ng premyong nagkakahalaga ng of P100,000 at P1M pantulong para sa proyektong pang-imprastraktura. Ang magkakamit ng ikalawang puwesto ay tatanggap naman ng P 50,000 at P500,000 pantulong din para sa  proyektong pang-imprastraktura,  samantalang ang ikatlong puwesto ay magkakamit ng P30,000 at P200,000 tulong para sa proyekto.  

Samantala, ang mga nagsipagwagi sa 3rd at 4th quarter mula sa bawat distrito ay tatanggap ng P30,000 samantalang ang mga runners-up  ay magkakamit ng P20,000.

Inaasahan ni Alvarado na makatutulong ang mga aktibidad na ito upang mahikayat ang mga LGU na itaas pa ang uri ng serbisyo na ibinibigay sa mga mamamayan.

“Kamakailan ay itinanghal ang ating lalawigan bilang isa sa mga Gawad Pamana ng Lahi awardees at recipient ng Seal of Good Housekeeping. Kung kaya sa pamamagitan ng gawaing ito ay inaasahan naming maibahagi ang karangalang ito sa iba pang lokal na pamahalaan upang mahimok rin sila na higit pang paunlarin ang serbisyong ipinagkakaloob sa ating mga kalalawigan,” ani Alvarado.###

No comments:

Post a Comment