Pages

Monday, February 27, 2012

KRIMINALIDAD: Negosyante, mamamayan nangamba sa serye ng pamamaslang

MALOLOS—Muling nagpahayag ng pangamba ang mga negosyante lalawigan ng Bulacan hinggil sa pagtaas ng insidente ng kriminalidad sa lalawigan sa loob ng nagdaang isang buwan.

Inihalintulad naman ito ng ilang Bulakenyo sa mga karahasan sa lalawigan sa unang bahagi ng nakaraang taon na tinampukan ng pamamayagpag at pagsuko ng Dominguez carjack gang, at pagkatanggal sa puwesto ni Senior Supt. Fernando Villanueva, ang dating provincial director ng pulisya sa Bulacan.

Para kay Gob. Wilhelmino Alvarado, mababa pa rin ang kriminlidad sa lalawigan, ngunit nagkataon lamang na nagkasunod-sunod ang mga insidente. Sa pagsisimula ng panungkulan ni Alvarado noong 2010 ay nagwika na ang mabuting pamamahala ay magbubunga ng kaayusan at kapayapaan, na magdudulot naman pagpasok ng mga negosyante sa lalawigan na lilikha ng maraming trabaho.

Kapansin-pansin naman ang pagiging tikom ng bibig ng pulisya, partikular na sa insidente ng pamamaslang sa bayan ng San Miguel na nagpataas ng tensyon sa mga pulitikong posibleng magtunggali sa susunod na taon.

Narito ang ilan sa mga naitalang insidente ng kriminalidad sa Bulacan mula noong huling bahagi ng Enero.

*Apat na hinihinalang kasapi ng Dominguez carjack group ang napatay ng pulisya sa isang shootout sa lungsod ng Meycauyan noong Enero 24 ng gabi.

*Kinabukasan, Enero 25, binaril at napatay ang negosyanteng si Cristina Roxas ng Paombong habang nakasakay ng isang jeepeney di kalayuan sa kapitolyo.  Ito ay matapos na dumalo sa nakanselang pagdinig sa kaso si Roxas na isinampa niya laban sa Dominguez group.  Batay sa inisyal na ulat ng pulisya ng Malolos, posibleng mga kasapi ng Dominguez group ang pumaslang kay Roxas, ngunit sa mga sumunod na araw ay kapansin-pansin ang pananahimik nila.

*Tinangay ng mga armadong kalalakihang nakasuot ng jacket ng pulis ang sports utulity vehicle ng pamilya Hortillosa sa Lungsod ng ng Meycauayan bandang alas-9 ng umaga noong Pebrero 2.  Kasamang tinangay ang buong pamilya kabilang ang anak na buntis.  Inabandona ng mga suspek ang pamilya Hortillosa sa Brgy. San Jose Malino sa Mexico, Pampanga makalipas ang dalawang oras.  Ang sasakyan ay narecover sa Bacolor, Pampanga noong Pebrero 7.

* Dalawang kasama ni Kapitan John “Bong” Alvarez ng Brgy. Sta. Ines, San Miguel ang napatay sa tangkang pagpatay sa kapitan bandang alas-5:30 ng hapon noong Pebrero 6 sa Brgy. San Juan ng nasabig bayan. Nadaplisan sa kanang braso ang kapitan na naunang nagdeklara ng planong pagkandidato bilang alkalde ng San Miguel sa 2013. Tatlong pulis, kabilang ang close in bodyguard ni Mayor Roderick Tiongson ang dinakip at kinasuhan, ngunit itinanggi ng alkalde ang pagkakasangkot.  (basahin ang kaugnay na balita).

* Pinasok at pinagbabaril hanggang mapatay ng limang di kilalang suspek si Abogado Cornelio Cruz sa kanyang tanggapan sa Sapang Palay, Lungsod ng San Jose Del Monte bandang alas-11:30 ng tanghali noong Pebrero 15.

* Makalipas ang halos siyam na oras noong ding Pebrero 15, binaril at napatay naman sa Brgy. Poblacion, Pulilan ang 27-anyos na si Ronel Ramos.

*Kinabukasan, Pebrero 16, natagpuan sa loob ng kanyang inuupahang bahay ang bangkay ni Crisanto Tolentino, isang kawani ni Bise Mayor Bebong Gatchalian ng Malolos.  Dalawang kalalakihang may edad na na 23 anyos ang dinakip, at umaming pinukpok sa ulo at nilaslas ang leeg ng biktima.

* Noong Pebrero 17 ng gabi, iniulat na nawawala ang anim na taong gulang na si Nathania Ashley “Angel” Garcia na natagpuang patay sa likod ng isang abandonadong bahay sa Meadows Subdivision, Brgy. Caypombo, Sta. Maria noong Sabado ng umaga, Pebrero 18.  Dalawang kapitbahay ng biktima ang dinakip at kinasuhan. (Basahin ang kaugnay na balita).

* Sa bayan ng Balagtas, umabot sa halos P1-Milyong piso ang halaga ng mga alahas at salapi na natangay ng mga di kilalang suspek sa Resurreccion Pawnshop matapos maghukay ng lungga mula sa nirentahang TV repair shop.  Natuklasang ang pagnanakaw noong Lunes, Pebrero 20.

*Sa Malolos, apat na kalalakihan ang tumangay ng libo-libong pisong sa Pamana Cooperative sa Brgy. Matimbo noong Miyerkoles, Pebrero 22 bandang alas-11:30 ng umaga.

* Kinahapunan, hindi na umabot ng buhay sa pagamutan ang 14-anyos na si Jericho Fuellas, mag-aaral ng Marcelo H. Del Pilar National High School ng saksakin ng kamag-aral sa Building B, Room 228 ng nasabing paaralan noong bandang alas 4 ng hapon. Sinasabing bahagi ng gang war ang pagpaslang kay Fuellas, ngunit itinanggi ito ng pulis.

Ang mga nabanggit na mga kaso ay ilan lamang sa insidente ng krimininalidad na naitala ng Mabuhay sa loob ng halos isang buwan sa lalawigan ng Bulacan.

Ayon kay Mara Bautista, isa sa mga tagapayo nvg Bulacan Chamber of Commerce and Industry (BCCI), ang mga nasabing insidente ang naghahatid ng maling mensahe di lamang sa mga negosyateng nais mamumuhanan sa lalawigan, kungdi maging sa mga kasalukuyang negosyante sa Bulacan.

Pinuntusan ni Bautista ang pagpapatupad ng kaayusan at katahimikan ng mga opisyal sa lalawigan ng kanyang sabihin na, “masayadong complacent and mga opisyal. We don’t even know their priorities.”

Dagdag pa ni Bautista, “a poorly managed economy with high unemployment and poverty ratio breeds social menace and maladies.  High criminality follows.”

Inayunan din ito ng ilang mamamayan sa Bulacan, partikular ng iba pang negosyante na nagsabing, ang kakulangan sa pagbabantay ng mga pulis sa mga kriminal ay nagsisilbing isang banta hindi lamang sa kanuilang hanap buhay kungdi sa seguridad nila at ng kanilang pamilya.

Binanggit nila na noong nakaraang taon ay hindi itinago ng mga Bulakenyo ang pangamba sa pamamayagpag ng Dominguez carjack group sa lalawigan kung saan ay sinabi nilang nangangamba silang lumabas ng bahay gamit ang kanilang mga sasakyan.

Ang pamamayagpag ng kaso ng insidente ng kriminalidad sa lalawigan noong nakaraang taon ay naging daan upang masibak sa tungkulin si Senior Supt. Fernando Villanueva bilang direktor ng pulisya sa lalawigan.

Siya ay pansamantalang hinalihan ni Chief Supt. Wendy Rosario na pinalitan naman ng kasalukuyang direktor ng pulisya sa lalawigan na si Senior Supt. Fernando Mendez.

Iginiit naman ni Abogado Ted Villanueva, ang pangulo ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) na dapat apurahin ng pulisya ang pagtugis sa mga kriminal upang matiyak ang kaligtasan ng mga Bulakenyo.

Para kay Gob. Alvarado, ang insidente ng kriminalidad sa lalawigan ay nananatiling mababa kumpara sa katulad na panahon noong nakaraang taon.

“Nagkataon lang na nagkasunod-sunod,” ani Alvarado sa kanyang pahayag na isinahimpapawid sa kanyang lingguhang palatuntunan sa DWSS Radio noong Sabado, Pebrero 18.

Matatandaan na sa pagsisimula ng panunungkulan ni Alvarado noong 2012, sinabi niya na “I will put the house in order.”

Ipinangako rin niya ang mabutin pamamahala sa lalawigan na magbubunga ng katahimikan at kaayusan, na magsisilbing panghikayat sa mga negosyanteng nais mamuhunan sa lalawigan.

Para sa punong lalawigan, ang pagpasok ng mga dagdag na negosyante sa lalawigan ay magbubunga ng dagdag  na trabaho sa mga Bulakenyo at hindi na kaunlaran sa lalawigan.

No comments:

Post a Comment