Pages

Tuesday, March 6, 2012

Bulakenyong OFW, 3 pa, patay sa Canada car crash

LUNGSOD NG MALOLOS— Apat na overseas Filipino workers (OFW), kabilang ang isang Bulakenyo ang namatay sa salpukan ng sasakyan sa Canada noong Linggo ng hating gabi sa nasabing bansa.

Bukod rito, isang Pilipina kasama ng mga biktima ang nasa kritikal na kalagayan; samantalang ang suspek na may 29 na taong gulang ay pinalabas na ng ospital.

Batay sa website ng Sun News Network, iniulat na ang insidente ay naganap sa kahabaan ng Queen Elizabeth Highway sa timog ng Innisfail may 120 kilometro sa hilaga ng Calgary bandang ala-1 ng hapon sa Pilipinas.

Ayon pa sa ulat ng Sun, ang mga biktima at kinalala lamang bilang dalawang lalaki na kapwa 35 anyos, isang babae na 39 anyos, at isa pang babae na 52 anyos.

Ang ikalimang biktima, na pasahero ng apat ay inilarawan bilang isang 28 anyos na Pilipina na nasa kritikal na kalagayan sa Alberta Hospital sa Edmonton.
Sinabi rin sa ulat na hindi pa inilabas ang pangalan ng mga biktima dahil hindi pa naipapabatid sa mga kaanak nito ang pangyayari.

Gayunpaman, nanawagan kahapon sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang pamilya ni Joey Mangonon, isa sa mga biktima na nagmula sa bayan ng Bocaue, Bulacan, para sa mabilisang pagbabalik ng labi ng mga biktima.

Nabatid ng maybahay ni Mangonon na si Jeanelle ang pangyayari kahapon ng madaling araw sa pamamagitan ng mga kaibigan.

Ang mag-asawang Mangonon may apat na anak, at nakatira sa Brgy. Bambang, Bocaue.

Isa sa mga kaanak ng mga Mangonon na humiling na huwag ipabanggit ang pangalan ang nagsabi na hindi makapaniwal si Jeanelle sa balita, dahil na rin siya at mga anak ay nakatakda ng sumunod kay Joey sa Edmonton, Canada.

Ayon pa sa kaanak, nabatid nila ang insidente sa pamamagitan ng mga kasama ni Joey sa Coast Edmonton Plaza Hotel kung saan nagtatrabaho ito bilang isa sa mga staff ng housekeeping department ng nasabing hotel.

Iginiit pa ng kaanak na napasama si Joey sa biyahe ng grupo dahil ihahatid ng mga ito ang isa sa mga biktima sa Estados Unidos sa pamamagitan ng cross border driving.

Batay sa website ng Sun,sinalpok ng northbound sports utility vehicle (SUV) na minamaneho ng 29 anyos na suspek ang sasakyan ng mga biktima sa kahabaan ng Queen Elizabeth Highay, ang pangunahing lansangan na nag-uugany sa Edmonton at Calgary.

Sinabi pa sa ulat na wala sa linya ang suspek at may posibilidad na lasing.  Hindi pumayag ang suspek na magbigay ng breath sample sa pulisya, ngunit nananatili siya sa kustodiya ng mga ito.

No comments:

Post a Comment