Pages

Wednesday, March 7, 2012

Driver sa Canada crash kinasuhan na, pamilya ng OFW na namatay nanawagan sa DFA

Larawang kuha ng Royal Canada Mounted Police sa crash site kung saan namatay ang 4 na OFW kabilang si Joey Mangonon ng Bocaue.
MALOLOS— Nilukuban ng kalungkutan ang isang pamilya mula sa bayan ng Bocaue na naghahandang magpunta sa Canada upang sumunod sa kanilang padre de pamilya na si Joey Mangonon, 35.

Ito ay dahil sa kabilang si Joey sa apat na Pilipinong nagtatrabaho sa Coast Edmonton Plaza Hotel na namatay matapos salpukin ng Range Rover ang sinasakyang nilang Dodge Journey van noong Linggo ng gabi, Lunes ng hapon sa Pilipinas.

Isa pang kasam nina Joey ang nakaligtas sa nasabing aksidente, at ayon sa ulat ng CBC News website noong Miyerkoles, Marso 7, nasa kritikal pa itong kalagayan ngunit ligtas na.

Nakaligtas din si Tyler James Stevens, 29, ang driver ng Range Rover na sumalubong at sumalpok sa sasakyan ng mga Pilipino. Si Stevens ay kinasuhan na ng Royal Canada Mounted Police (RCMP).

Dahil naman sa pighati, halos walang masabi ang asawa ni Joey na si Jeanelle kung ang humingi ng ayuda sa Department of Foreign Affairs (DFA) upang maiuwi ang bangkay sa Bocaue.

Ang mag-asawang Mangonon ay may apat na anak.  Sila ay nakatira sa Brgy. Bambang sa bayan ng Bocaue.

Ayon sa mga kaanak, halos hindi matanggap ni Jeanelle ang balkitang natanggap noong Martes ng madaling araw, Marso 6.

Ito ay dahil sa halos isang taong pagtatrabaho ni Joey sa Coast Edmonton Plaza Hotel, nagplano na sila na pepetisyunin ang mag-iina upang makasama niya sa Lungsod ng Edmonton sa Canada.

Ngunit ang lahat ng kanilang pangarap ay naglaho sa isang iglap ng salubungin at salpukin ng Range Rover na minamaneho ni Stevens ang Dodge Journey na sinasakayan ni Joey at mga kasama na hindi pa nakikilala.

Ayon sa mga kaanak ng mga Mangonon, ihahatid lamang nina Joey ang isang kaibigang babae patungo sa Estados Unidos sa pamamagitan ng long driving o mahabang pagbibiyahe mula Edmonton, Canada.

Batay sa ulat ng mga pahayagang Toronto Sun at Vancouver Sun, naganap ang insidente sa kahabaan ng Queen Elizabeth Highway sa timog ng Innisfail may 120 kilometro sa hilaga ng Calgary bandang ala-1 ng hapon sa Pilipinas noong Lunes.

Ang ikalimang biktima ay pasahero ng apat ay inilarawan bilang isang 28 anyos na Pilipina na nasa kritikal na kalagayan sa Alberta Hospital sa Edmonton.

Sinabi rin sa ulat na hindi pa inilabas ang pangalan ng mga biktima dahil hindi pa naipapabatid sa mga kaanak nito ang pangyayari.

Sinabi pa sa ulat na wala sa linya ang suspek at may posibilidad na lasing.  Hindi pumayag ang suspek na magbigay ng breath sample sa pulisya, ngunit nananatili siya sa kustodiya ng mga ito.

No comments:

Post a Comment