Pages

Thursday, March 1, 2012

Modernong Pamilihang Bayan ng Balagtas, inaasahang tapos sa Abril


 
LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan, Peb. 27 (PIA) - Bagamat sa buwan pa ng Abril inaasahan ang pormal na pagbubukas ng isinasagawang renobasyon ng modernong Pamilihang Bayan ng Balagtas, bukas na ito sa mamimili at patuloy na nakakatangap ng positibong reaksyon.

Ito ang kinumpirma ni Balagtas Mayor Romy Castro dahil kahit sumasailalim pa ang
nasabing pamilihang bayan sa renobasyon patuloy itong nagsisilbi sa tao at kasiyahan sa mga mamimili dahil sa nakikitang kalinisan nito.

Ani Mayor Castro, ang public market na sinimulan noong Enero ay nasa halos 52 porsyento na ang natatapos sa ginagawang renobasyon at inaasahang pormal na bubuksan sa Abril 2012.

“Ang kalinisan at magandang kita ng mga vendor sa palengke ang aming prayoridad kaya sa tulong ng aming engineering at market office minarapat naming isa-ayos at pagandahin ang aming pamilihang bayan”, ani Castro.

Humihingi rin ang punong bayan ng paumanhin at konsiderasyon sa mga mamimili sa kaunting abala habang isinasagawa ang pagsasa-ayos ng palengke.

Ang pag-uupgrade ng Balagtas Public Market na aagapay sa pagsulong ng North Food Exchange (NFEX) project ay umaani na ng positibong reaksyon sa publiko partikular sa mga mamimili.

“Hindi ko na nararamdaman ang hassle sa ngayon kapag ako ay bumibili sa palengke dahil hindi na maputik at wala ng nagliliparang mga langaw at kung ano-ano. Ang feeling ko ay komportable at para akong nasa first class na public market”, sabi ni Remedios Dela Cruz, isang suki sa palengke.

Sinabi naman ni Vicente Alcoriza, market master ng naturang bayan na bagamat patuloy ang isinasagawang renobasyon sa palengke, hindi naputol ang pagtitinda ng mga vendors dito matapos ayusin ng pamahalaang bayan at ng Balagtas Vendors Association ang kapakanan sa pagitan ng mamimili at ng mga nagtitinda.

“Siniguro namin na hindi mahihinto ang operasyon ng palengke at “business as usual’ kahit isinasagawa ang renobasyon dahil pangunahing pangangailangan ito ng aming kababayan at ito rin ang gusto ng aming Mayor”, sabi pa ni Alcoriza.

Ang renobasyon ng Balagtas Public Market ay ginawa upang maging kapantay nito ang ibang modernong palengke sa bansa at upang mapataas ang kita at ginhawa sa mga vendors at maging ng mga mamimili, dagdag pa ni Rolly Danes, municipal information officer.

Bago ito, ang NFEX na sinasabing magiging Divisoria ng Central Luzon ay kasalukuyan na rin idinedevelop sa Brgy. San Juan, Balagtas. Ang 130 ektaryang agro-industrial complex ang inaasahang magiging sentro ng kalakalan at pagkain sa rehiyon mula sa produktong galing ng Northern Luzon. (CLJD/VFC-PIA 3)

No comments:

Post a Comment