Pages

Thursday, March 22, 2012

Pagbubukas ng Balagtas interchange ikinagalak, trapiko sa Plaridel lumuwag



PLARIDEL, Bulacan—Tuwing umaga, nagmamadali sa biyahe ang mag-asawang Bernardo at Tess Vicente patungo sa kanilang tanggapan sa Lungsod ng Quezon mula sa Rocka Village sa Barangay Tabang ng bayang ito.

Ito ay upang makaiwas sa mabigat na daloy ng trapiko sa halos kilometrong Cagayan Valley Road (CVR) mula Rocka Village Complex hanggang Sta. Rita toll plaza sa katabing bayan ng Guiguinto.

Katulad ng libo-libo pang motorista at empleyadong Bulakenyo na sa kalakhang Maynila nagtatrabaho, ginagabi sila ng uwi sa bahay dahil din sa trapiko sa kahabaan ng nasabing lansangan.

Ngunit mula noong Martes ng gabi, Marso 20, napansin nila na lumuwag na ang daloy ng trapiko sa kahabaan ng Cagayan Valley Road na nag-uugnay sa Guiguinto at kabayanan ng Plaridel.

Ito ay anim na oras matapos pasinayaan ang Balagtas interchange at mabuksan sa mga sasakyan ang 6.87 kilometrong Plaridel by-pass na nagsanga mula Barangay Borol 1st ng Balagtas sa kahabaan ng northbound lane ng NLEX hanggang sa Barangay Bulihan ng bayang ito.

“Maluwag talaga, mabilis na biyahe mula Rocka Complex hanggang Sta. Rita exit,” ani Vicente sa isang text message na ipinahatid sa Mabuhay noong Miyerkoles ng gabi, Marso 21.

Sabi pa ni Vicente na isang inhinyero ng Maynilad Water Services Inc., “sana tuloy-tuloy na ito.”

Ang karanasan ni ng mag-asawang Vicente sa mga unang araw ng pagbubukas ng Blagtas interchange ng NLEX at Plaridel by-pass ang ay pangunahing layunin ng proyektong 24.61 kilometrong arterial access road ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ang nasabing proyekto ay mula sa Barangay Borol 1st sa Balagtas at tatahak sa bayan ng Plaridel at Bustos hanggang umabot sa Barangay Maasim, San Rafael na nasa hangganan ng bayan ng San Rafael at San Ildefonso.  Bahagi ng 24.61 kilometrong arterial access road project ang 6.87 kilometrong Plaridel by-pass.

Ayon kay Kalihim Rogelio Singson ng DPWH, kapag natapos ang nasabing proyekto, higit na mapapabilis ang biyahe mula sa silangang Bulacan at mga lalawigan sa silangang Gitnang Luzon patungo sa kalakhang Maynila.

Tinataya nila na aabot lamang sa halos 40 minuto ang biyahe mula San Ildefonso hanggang Lungsod ng Quezoon kapag natapos ang proyekto sa 2014.  Sa dating kalagayan na ang biyahe ay sa CVR dumadaan, ang nasabing 40  minuto ay nagugugol sa pagitan ng Pulilan at Sta. Rita toll plaza.

Bukod sa mabilis na biyahe, sinabi ni Singson na maghahatid ito ng dagdag na kaunlaran sa mga bayan sa silangang Bulacan.

Inayunan naman ito ng mga negosyanteng katulad nina Antonio Tengco at Rudy Kalalang ng Hiyas Water Resoruces Inc., sa Guiguinto at RockaVilla Properties sa bayang ito ayon sa pagkakasunod.

Maging sina Mayor Lorna Silverio ng San Rafael at Mayor Arnel Mendoza ng Bustos ay tigib din ng pag-asa sa pangakong kaunlarang ihahatid ng arterial road project sa kanilang mga bayan.

Bilang dating kinatawan sa kongreso ng ikatlong distrito ng Bulacan, si Silverio ang nagsulong ng upang maituloy at pondohan ng gobyerno ang nasabing arterial road project.

Iro ay sinimulan niyang hilingin kay dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo noong 2007 kung kailan ay iginiit niya na sa pagbubukas ng nasabing arterial road project nakasalalay ang kaunlaran ng silangang bahagi ng Bulacan.

Sa kasalukuyan ay 6.87 kilometro pa lamang ang natatapos sa 24.61 kiloometrong arterial road project, ngunit ayon kay Singson, matatapos sa Hunyo 7.78 kilometrong bahagi ng nasabing proyekto mula Brgy. Bulihan sa bayang ito hanggang sa bayan ng Bustos.

Batay sa tala ng DPWH, 49 poryento na ng ikalawang bahagi ng proyekto ang natatapos.  Kabilang diro ay ang pagtatayo ng pitong tulay.

Upang makatawid naman sa Ilog Angat patungong San Rafael ang proyekto magtatayo ng tulay na may habang 1.12 kilometro  ang DPWH. Ang pondo para sa konstruksyon ng nasabing tulay kasama ang ikatlo at ika-apat na bahagi ng arterial road project hanggang Brgy. Maasim San Rafael ay nakatakdang lagdaan sa huling bahagi ng Marso o unang bahagi ng Abril ng taong kasalukuyan.

Ito ay popondohan ng Japan International Cooperation Agency (Jica).

Kaugnay nito, sinabi ni Ramoncito Fernandez, ang pangulo at Chief Executive Officer (CEO) ng Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC) na ang arterial road project ay isang magandang halimbawa ng programang public-private partnership (PPP) ng administrasyong Aquino.

“In this PPP, the government provided the road infrastructure while the Manila North Tollways Corporation (MNTC) will operate and maintain it as the country’s newest tollway,” ani Fernandez.

Sinabi rin niya na ang MNTC, isang kumpanyang nasa ilalim ng MPTC ay gumastos ng 109-Milyon para sa pagtatayo ng toll plaza sa Balagtas interchange.

Ipinaliwanag naman ni Rodrigo Franco, pangulo at CEO ng MNTC na bukdo dito, namuhunan din ng MNTC ng P22-M para sa operasyon at pagpapanatili ng maayos na kalagayan ng toll system.  installed the fixed and non-fixed equipment necessary for an efficient tollway system.

Hinggilnaman sa sisingiling toll fee sa Balgtas interchange, sinabi ni Edmundo Reyes, executive officer ng Toll Regulatory Board na ito ay batay sa kasalukuyan sinisingil ng Traffic Management Corporation, ang tagapamahala ng MNTC sa NLEX.

“It is based on per kilometer basis, wala ng consultation dahil hindi naman toll increase ang ginawa, ibinatay lang sa existing rate per kilometer,” ani Reyes. (Dino Balabo)

No comments:

Post a Comment