Pages

Monday, March 5, 2012

Tubig sa Ilog Angat, salain upang mainom

MALOLOS – Sa tulong ng makabagong pamamaraan, mas higit na pakikinabangan ang tubig na dumadaloy sa may 100-kilometrong Ilog Angat sa halip na masayang at makapaminsala.

Ito ang buod ng panukala ni Antonio Nangel, ang tagapamahala ng National Irrigation Administration (NIA), matapos ang kanyang pagbisita sa kapitolyo noong Lunes, Pebrero 27.

Ayon kay Nangel, ang pagtatayo ng filtration system o pagsala sa tubig na dumadaloy sa ilog ay mas higit na pakikinabangan.

“We need new innovations to address our water needs and utilize our potentials,” ani Nangel.

Ipinaliwanag niya na ang tubig sa ilog ay maaaring padaluyin sa maliliit na tinggalan ng tubig kung saan ito ay masasala at magagamit bilang tubig inumin.

Ayon kay Nangel, kapag nasala ang tubig, mapapadaloy ito sa mga tahanan ng mga water district o padaluyang tubig.

Ikinuwento rin ng administrador na ang nasabing sistema ay hindi nabago.

Bilang patunay, binanggit niya na ito ay ginagawa na sa Lungsod ng Masbate kung saan ay sinasala ang tubig sa ilog upang magamit sa mga tahanan bilang inumin.

“We have so much potentials in Bulacan, but we are not utilizing it. It’s about time we utilize water on Angat River instead of letting it drain to Manila Bay,” ani Nangel.

Iginiit pa niya na nakipag-ugnayan na siya sa Department of Agriculture (DA) at Department of Public Works and Highways upang bigyang pansin ang panukala.

Ayon pa kayNangel, isang kumpanyang pag-aari ng mga Pilipino na may kasamang taga-ibayong dagat ang nagpapatupad ng katulad na proyekto.

Bukod naman sa pakinabang sa tubig, ipinaliwanag niya na mababawasan nito ang pinsalang hated sa mga bayan sa gilid ng Ilog Angat.

“Lumubog ang bulacan sa baha noong nakaraang taon, pero hindi na dapat maulit yan kung may filtration system,” aniya.

Inayunan din ito ni Gob. Wilhelmino Alvarado na nagsabing ang tubig sa ilog Angat ay nasasayang lamang dahil tuluyan itong dumadaloy sa Manila Bay.

Ayon pa sa gobernador, malaking tulong sa mga water district o mga pambayang padaluyang tubig ang panukala ni Nangel dahil sa bukod sa makakadagdag ito sa padadaluying tubig, mababawasana ng paghugot ng tubig sa ilalim ng lupa.

Ayon sa gobernador, mula pa noong 1995 ay natuklasan na ng mga dalubhasang nagsagawa ng pag-aaral sa kalagayan ng Bulacan na natutuyo ang ground water o mga balon sa ilalim ng lupa ng Bulacan.

Batay naman sa tala ng National Water Resources Board (NWRB), maging ang mga balon ng tubig sa lalawigan ng Pampanga ay nasa kritikal ng kalagayan.

Sinasabi ng nasabing ulat na hindi na sapat ang tubig sa ilalim ng lupa sa pangangailangan ng lumolobong populasyon.

No comments:

Post a Comment