Pages

Thursday, April 26, 2012

Bienvenido Ramos, patnugot at kolumnista, 82





Ka Bien Ramos     
MALOLOS—Nabahiran ng lungkot ang pagbubunyi ng Mabuhay sa pagtanggap ng dalawang parangal na tinanggap sa taunang Community Press Award ng Philippine Press Institiute (PPI) noong Martes, Abril 24.

Ito ay dahil sa pagpanaw ng beteranong mamamahayag na si Bienvenido “Ka Bien” Ramos ng Malolos sa edad na 82 noong araw na iyon.

Si Ka Bien ay isa sa mga batikang kolumnista ng Mabuhay mula noong 1995.  Siya rin ang dating sumusulat ng editoryal ng pahayagang ito.

Bilang isang mamamahayag, si Ka Bien ay nagsilbing punong patnugot ng Liwayway Magazine sa mahabang panahon.

Ngunit nagretiro siya sa pagiging patnugot sa Liwayway dahil sa panggigipit ng noo’y administrasyon ni dating Pangulong Ferdinand marcos na nagsailalim sa bansa sa batas military na umagaw sa malayang pamamahayag.

Sa kanyang isang artikulo na muling inilathala ng Mabuhay sa sinundang sipi nito, sinabi ni Ka Bien na kaya siya nagretiro sa Liwayway ay hindi niya maatim ang panggigipit sa pamamahayag noong nasa ilalim ng batas military ang bansa.

Ganito rin ang kanyang tinuran sa kanyang paglahok sa pagdiriwang ng World Press Freedom Day sa bakuran ng kapitolyo noong nakaraang taon.

Iginiit pa niya sa nasabing pagdiriwang na mapalad ang mga mamamahayag ngayon dahil sa walang hadlang sa malayang pamamahayag.

Ipinaalala rin niya sa mga mamamahayag ang pagiging responsible dahil sa anumang oras ay maaaring makialam ang gobyerno.

Si Ka Bien ay isinilang sa Malolos noong Enero 15, 1930, at pumanaw dahil sa atake sa puso nitong Abril 24 sa edad na 84.

Ang kanyang labi ay kasalukuyang nakahimlay sa kanilang tahanan sa Barangay Sto. Cristo, at nakatakdang ihatid sa huling hantungan sa Linggo, Abril 29 sa Legacy Memorial Park sa lungsod na ito

Siya ang ikalawang kolumnista ng Mabuhay na pumanaw mula noong 2000.  Matatandaan na pumanaw si Ricardo Veloira, isa pang beteranong mamamahayag at kolumnista ng Mabuhay ang pumanaw ilang ton na ang nakakaraan.

Noong nakaraang taon, ang tagapagtatag, tagapaglathala’t punong patnugot ng Mabuhay na si Jose Leetai Pavia ay pumanaw.  Ang pagluluksa sa kanya ay natapos nitong Abril 18, ang ika-isang taon ng kanyang pagpanaw.  (Dino Balabo)

No comments:

Post a Comment