Pages

Tuesday, April 3, 2012

Imbes na mag-penitensiya, maging mabuting Kristiyano



MALOLOS—Tutol pa rin ang simbahang Katoliko sa pagpapapako sa krus at penitensiya kung Semana Santa, at sa halip ay ipinayo sa mga mananampalataya na maging mabuting Kristiyano.

Kaugnay nito, limang deboto ang inaasahang muling lalahok sa taunang pagpapako sa krus sa Barangay Kapintangan sa bayan ng Paombong samantalang natapos na ang panimulang rehabilitasyon sa ilang pasilidad doon.

Ayon kay Obispo Jose Oliveros ng Diyosesis ng Malolos, hindi dapat gayahin ng mga Kristiyano ang pagpapapako sa krus na ginawa ng Panginoong Hesu-Kristo mahigit 2,000 taon na ang nakakaraan.

Sa halip, nakatala sa Bibliya na itinuro ni Hesu-Kristo sa kanyang mga taga-sunod na pasanin ang kanilang krus araw-araw.

“The Lord taught us to come carry our cross daily and follow him.  He did not say come and reenact My crucifixion,” ani Oliveros.

Ipinaliwanag niya na ang krus ay isang simbolo ng pagdurusa ng tao na pinasan ng Panginoon.

 “During the Lenten season we are given the opportunity to mortify ourselves, and mortification means sacrificing or dying to one self,” paliwanag pa ng Obispo.

Binigyang diin niya na ang paggaya sa pagpapapako sa krus ay isa lamang popularized religiosity o pagpapakita ng pagiging relihiyoso.

“We were asked by Jesus Christ to be a good Christian,” ani ng Obispo at itinanong kung ang mga nagpapapako sa krus ay nagsisimba o nangingilin at kung nagsisilbi bilang isang mabuting Kristiyano.

Iginiit pa niya na dapat din samantalahin ng mga Kristiyano ang panahon ng Semana Santa upang magnilay, magsisi, magbago at pagtibayin ang pananampalataya sa Diyos.

Kaugnay nito, tinatayang hindi bababa sa limang deboto ang muling lalahok sa taunang pagpapako sa krus sa Barangay Kapitangan, Paombong sa nalalapit na Biyernes Santo.

Ayon kay Michael Katigbak, isa sa mga lalahok, posibleng dalawang babaeng deboto ang magpapapako sa krus.

“Malamang po ay lima hanggang anim, at dalawa ang babae na ipapako,” ani Katigbak na nasa ika-anim na taon ng pagtupad sa kanyang panata na ipako sa krus kung Biyernes Santo.

Sinabi naman ni Roman Gregorio, ang pangulo ng Samahang Katandaan sa Kapitangan na kasalukuyang din nagsasagawa ang pag-oorganisa para sa kaayusan ng taunang pagpapapako sa krus.

Sinabi ni Gregorio na nagkikipag-uganayan sila sa pamunuan ng mga gumaganap na Hudyo na siyang nagunguna sa pagpapako upang matiyak kung ilan ang lalahok.

Samantala, ibinalita ni Jose Clemente, tagapangulo ng Bulacan Tourism Conventions and Visitors Board (BTCVB) na natapos na ang inisyal na rehabilitasyon sa entablado sa gilid ng kapilya ng Sto. Cristo sa Kapitangan.

Ang nasabing entablado ang siyang pingtatayuan ng krus kung saan ipinapako ang mga deboto.

Bukod sa pinalapad ang laki ng entablado, ipinatanggal din ng BTCVB ang pader sa likod nito upang maging ang mga deboto at turistang nasa likod ng entablado ay mapakanood rin.

Muli ay binigyang diin ni Clemente ang kahalagahang pangturismo ng Barangay Kapitangan.

Iginiit niya na hindi na ito kailangang igawa ng promosyon dahil dinarayo na ito ng mga tao.

Ngunit ang kailangang ay dagdag na rehabilitasyon sa mga lansangan at ilang pasilidad upang higit na mapalawak ang lugar.

Pinuntusan din ni Clemente ang kawalan ng mga directional signs o mga karatula na nagtuturo ng daan patungo sa Barangay Kapitangan.

Napansin din ito ng Mabuhay dahil ni isang directional sign partikular sa kahabaan ng MacArthur Highway mula Guiguinto hanggang Malolos at Calupit ay wala.  (Dino Balabo)

No comments:

Post a Comment