Pages

Monday, May 28, 2012

Araw ng Watawat sa Bulacan, nagpaningas sa nasyonalismo ng mga Bulakenyo




LUNGSOD NG MALOLOS- Muling nabuhay ang diwa ng pagkamakabayan ng mga Bulakenyo habang ginugunita ang mahalagang papel na ginampanan ng pambansang watawat sa pagkakamit ng kalayaan sa pagdiriwang ng Araw ng Watawat na isinagawa sa harap ng gusali ng kapitolyo kahapon.

Sinabi ni Gob. Wilhelmino M. Sy-Alvarado na sinasariwa ng ganitong mga okasyon ang kadakilaan ng mga Pilipinong nagbuwis ng buhay.

“Ang ating watawat ay hindi isang piraso ng tela na nakikipagharutan lamang sa ihip ng hangin gaya ng isang saranggola. Ang bawat kulay at sagisag na taglay nito ay may makabuluhang kasaysayan at batbat ng simbolismo, ito ang sagisag ng ating mga mithiin, simbolo ng ating mga adhikain, laman nito ang kasaysayan ng kahapon, sa silong nito maraming buhay ang nasawi,” pahayag ni Alvarado sa harap ng libu-libong Bulakenyong nakiisa sa pagdiriwang ng Araw ng Watawat.

Ipinahayag din niya na bilang pagpapaalala sa kahalagahan nito, buong taong iwawagayway ang pambansang watawat sa mga pangunahing lugar sa buong lalawigan.

Sinamahan naman ng panauhing pandangal na si Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Chairman Joel Villanueva ang gobernador at iba pang opisyal ng gobyerno sa
pagtataas ng watawat at pag-aalay ng bulaklak sa dambana ni Hen. Gregorio del Pilar.

Ayon pa sa kanya, ang araw ng watawat ay hindi lamang araw ng paglingon sa nakaraan, kundi isa ring pagdiriwang na nagbubukas ng oportunidad para sa lahat.

“Bilang isang Bulakenyo, taas noo nating ipakilala ang ating dakilang lalawigan na naging bahagi ng ating kasaysayan. Nais nating mag-alab pa ang pagmamahal sa bayan. Isa itong oportunidad upang  himukin ang mga kabataan na mahalin ang inang bayan, mag-alay ng talino at lakas para sa inang bayan,” ani Villanueva.

Idinagdag naman ni Bise Gob. Daniel Fernando na hindi tatayo ng matatag ang bandila ng Pilipinas kung walang matibay na kahoy na nagtatayo dito, at ang kahoy na ito ay ang mga Pilipino.

Nagpatimyas din ng nasyonalismo ng mga nagsidalo ang Barasoain Kalinangan Foundation dahil sa kanilang pagtatanghal tungkol sa ebolusyon ng watawat mula pa noong panahon ng Katipunan hanggang sa unang pagwagayway ni Hen. Emilio Aguinaldo ng kasalukuyang watawat ng Pilipinas sa labanan ng Alapan sa Cavite noong Mayo 28, 1898.

Ang kasalukuyang watawat ng Pilipinas ay dinisenyo ni Aguinaldo at hinabi nina Doña Marcela Agoncillo, Lorenza Agoncillo at Delfina Herbosa de Natividad sa Hongkong. Hudyat din ito ng pagsisimula ng paghahanda ng pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan sa Hunyo 12.(PPAO)

Saturday, May 26, 2012

Manalo brothers tetestigo laban sa kasamang akusado ni Palparan




MALOLOS—Nakatakdang tumestigo laban sa mga kasamang akusado ni retiradong Heneral Jovito Palapran ang magkapatid na Reymond at Reynaldo Manalo na kapwa dinukot noong 2006 ngunit nakatakas noong 2007.

Ito ang buod ng pahayag ni Abogado Julian Oliva matapos itakda ni Hukom Teodora Gonzales ng Regional Trial Court (RTC) Branch 14 noong Lunes, Mayo 21 ang mga araw ng pagdinig sa kasong isinampa laban kina Palparan kasama sina M/Sgt. Rizal Hilario, Lt. Col. Felipe Anotado, at S/Sgt. Edgardo Osorio.

Ang mga ebidensiya laban kina Anotado at Osorio ay ihaharap sa korte ng prosekusyon sa Agosto 6, at 27; Setyembre 6 at 21; samantalang hindi pa lilitisin sina Palparan at Hilario na kapwa pa nagtatago hanggang sa ngayon.

Ayon kay Oliva, aabot sa 16 na testigo ang ihaharap nila sa korte kaugnay ng paglilitis kina Anotado at Osorio.

Kabilang sa mga saksing haharap sa korte ay mga opisyal at dating mag-aaral ng University of the Philippines, isang resident eng Barangay San Miguel, Hagonoy na diumano’y nakasaksi sa pagdukot sa mga mag-aaral ng UP na sina  Karen Empeno at Sherlyn Cadapan noong Hunyo 2006.

Ayon kay Oliva, kabilang din sa kanilang saksi na inahaharap sa korte ay ang magkapatid na Manalo na nagmula sa bayan ng San Ildefonso.

Ang magkapatid na dinukot ng mga armadoing kalalakiha sa kanilang tahanan noong Pebrero 14, 2006, sa kainitan ng intensibong kampanya laban sa insureksyon ni Palparan sa rehiyon na nagsimula noong 2005 hanggang sa magretiro siya noong Setyembre 2006.

Batay sa mga pahayag na inilabas ng magkapatid na Raymond at Reynaldo Manalo, sila ay ikinulong at inilipat sa ibat-ibang detachment at safehouse ng militar.

Sinabi nila na sa paglilipat sa kanilang sa ibat-ibang lugar, nakita at nakausap nila ang dalawang mag-aaral ng UP na sina Emepeno at Cadapan.

Ang magkapatid ay nakatakas mula sa isang safehouse sa Pangasinan noonh Agosto 2007.

Hindi nagbigay ng impormasyon si Oliva hinggil sa magiging nilalaman ng testimonya ng magkapatid ngunit para sa mga kasapi ng militanteng grupo sa lalawigan, inaasahang magiging ‘blockbuster’ ito.

Ito ay dahil sa testimonya ng magkapatid ay kauna-unahan sa korte sa Bulacan matapos na sila ay makatakas noong 2007 sa mga dumukot sa kanila.

Bago naman ilabas ni Gonzales ang desisyon hinggil sa unang apat na pagdinig sa saksi at paglalahad ng ebidensiya ng prosekusyon, nagpahiwatig ito na nais niyang matapos agad ang kaso.

Ito ay batay sa pahayag sa korte ng hukom na nakahanda siyang dinggin ng kaso tuwing Lunes bawat linggo.

Ngunit hindi magiging linggo-linggo ang pagdinig sa kaso dahil ang mga abogado ng prosekusyon at depensa ay kapwa may mga nauna nang naitakdang kasong haharapin para sa iba nilang kliyente.

Kaugnay nito, ikinasiya ni Abogado Jose Cruz na kumakatawan kina Anotado at Osorio ang  maagang pagtatakda ni Gonzales ng mgva araw ng pagdinig sa kaso, at ang pagnanais nito na matapos agad ang kaso.

“We welcome that because its better, one witness per court hearing,” ani Cruz.

Hinggil naman sa pagpigil ng Hukom sa mga abogado ni Palparan na sina Abogado Jesus Santos at Narzal Mallari, sinabi ni Cruz na iyon ay bahagi ng proseso ng korte.

Una rito, nagdesisyon si Gonzales na hindi maaaring humarap sa korte sina Santos at Mallari hanggat hindi naipiprisinta o sumusuko ang kanilang kliyente na si Palparan. (Dino Balabo)

Monday, May 21, 2012

Unang panalo sa CLFL naitala ng FUTBULakenyos, Tarlac FC




MALOLOS—Naitala ng mga football club sa Bulacan at Tarlac ang unang panalo sa matagumpay na pagbubukas ng Central Luzon Football League (CLFL) sa Tarlac noong Linggo, Mayo 20.

Kaugnay nito, naghahanda na ang FUTBULakenyos Football Club na nakabase sa lungsod na ito para sa nalalapit nilang sagupaan ng Pampanga Football Club sa Pampanga sa Linggo, Mayo 27.

Sa unang laro matapos magbukas ang CLFL, tinalo ng FUBULakenyos ang Amihan FC ng Lungsod ng Olongapo sa iskor na 5-0.

Hindi rin nagpaiwan ang Tarlac FC sa ikalawang laro ng tambaka nila ang Pampanga FC sa iskor na 5-1.

Ang unang dalawang laro ng CLFL ay isinagawa sa Jose V. Yap Recreational Center sa Lungsod ng Tarlac, ang itinuturing na football capital ng Gitnang Luzon dahil sa nasabing lalawigan matatagpuan ang pinakamaraming football field sa rehiyon.

Ayon kay John Bayarong, coach ng Amihan FC at pangunahing tagapag-organisa ng pangrehiyong liga, limang koponan sana ang maglalaro sa CLFL.

Kabilang dito ay ang Subic FC na binubuo ng mga manlalarong Koreano.

Ngunit hindi nagkalahok sa opening season ng CLFL ang nasabing koponan dahil sa tatlong manlalaro nito ay nasakatan sa huling laro nila sa Lungsod ng Makapti isang linggo bago simulan ang CLFL.

Gayunpaman, sinabi ni Bayarong na bukod sa Subic FC, posibleng madagdagan pa ang mga koponang kalahok sa CLFL.

Ito ay dahil sa maraming manlalaro ng football sa rehiyon ang kasalukuyang nag-oorganisa at nagbubuo ng kanilang koponan.

Ayon kay Bayarong, layunin ng CLFL ang popularisasyon ng larong football sa rehiyon.

Bilang bahagi ng palaro, magsasagawa sila mga home games sa ibat-ibang lalawigang kalahok.

Isang halimbaawa nito ang susunod na laro sa pagitan ng FUTBULakenyos at Pampanga FC sa Pampanga sa Mayo 27.

Ayon ka Emmanuel Robles, ang coach ng FUTBULakenyos, handa na sila sa susunod na laban matapos nilang talunin ang Amihan FC.

Sinabi pa niya na pansamantalang itinakda ang laro ng FUTBULakenyos sa Bulacan sa darating na Hunyo at Hulyo.

Kaugnay nito, sinabi ni Robles na patuloy na rin silang naghahanap ng suporta para sa kanilang koponan.

“Halos kanya-kanyang pamasahe ang mga players, pero sa kabila nito ay tuloy pa rin,” ani Robles.  (Dino Balabo)

Monday, May 14, 2012

700 na kalabaw, bumida sa Pulilan, Bulacan



LUNGSOD NG MALOLOS- Libu-libong katao ang nakiisa sa dalawang araw na Pagdiriwang ng Pulilan Carabao Festival at sumaksi sa pagpapakitang gilas ng 700 kalabaw at pagrampa ng mga naggagandahang mga karosa.

Ayon kay Mayor Vicente Esguerra Sr. ng Pulilan, ang pagdiriwang ng nasabing kapistahan ay pagbibigay-galang kay San Isidro Labrador, ang patron ng mga magsasaka.

“Sa kasaysayan, itoy’ talagang bilang pasasalamat kay San Isidro para sa masaganang ani sa nagdaang taon, kaya makikita n’yo lumuluhod talaga ‘yung mga kalabaw sa tapat ng simbahan, at kaya naman mga kalabaw, dahil sila ‘yung talagang katuwang ng mga magsasaka sa paggawa sa bukid, hanggang sa naging tradisyon na, dinadayo na at naging tourist attraction kaya naman para ipagmalaki ang mayaman nating kasaysayan at kultura, pinaghahandaan natin ito taun-taon,” paliwanag ni Esguerra.

Ayon naman kay Teresita Tetangco, Municipal Information Officer  ng Pulilan, “marami talaga ang nakiisa sa pagdiriwang ngayon, mayroon tayong 700 na makukulay na kalabaw na may body paint, mahigit 40 na komersyal na karosa bukod pa sa 19 na karosang pinaghandaan ng 19 na barangay, at wala tayong motorized na karosa ha, lahat kalabaw ang bumida.”

Laman ng nasabing mga karosa ang mga ipinagmamalaking produkto ng Pulilan gaya ng agrikultura at aquaculture.

“Masaya, makulay at talaga namang kaabang-abang ito hindi lang para sa mga lokal na residente ng Bulacan, kundi maging sa mga turista, kaya naman pinagbubuti ng ating pamahalaan ang pag-promote ng ating turismo, dahil kung masigla ang turismo, magiging masigla din ang kabuhayan ng mga Bulakenyo,” ani Gob. Wilhelmino M. Sy-Alvarado.

Pinuri naman ni Paolo Ajose, isa sa mga sumaksi sa Carabao Festival ang ganda ng gayak ngayong taon.

“Inaabangan ko ‘to taun-taon at kakaiba yung nakita ko ngayon, ang daming kalabaw na lumuluhod, ang gaganda ng floats, it’s really worth the wait, kahit mainit, okay lang, ang ganda,” ani Ajose.

Naging kakaiba at mas maganda nga daw ang gayak ng mga ipinarada dahil sa pakikiisa ng Central Luzon Designers Group at BSU Artist Students na nagpuyat para sa taunang selebrasyon.

“Nagpapasalamat tayo sa lahat ng tumulong at nakiisa para sa ikatatagumpay ng Carabao festival 2012, magkita-kita tayo ulet sa susunod na taon,” pagtatapos ni Mayor Esguerra.(PPAO)

Thursday, May 10, 2012

Marilao honors Cardinal Santos in an exhibit



Ramon Efren R. Lazaro

MARILAO, Bulacan --In celebration of the National Heritage Month and annual feast of St. Michael, the Sining Marileño Inc. in cooperation with SM City Marilao launched “Abito: Pamanang Kasuotan ng mga Pari ng Marilao,” a week-long exhibition that will end today (May 11).

 The exhibit kicked off with folk singing and theatre play replicating the re-enactment of events during the Colonial Era at the event center of SM City Marilao and features 20 antique piece collection of liturgical vestments worn by the parish priests of Marilao.

The “abitos” documented the beauty of embroidery and intricacy of the different Philippine hand-woven holy garments made from indigenous materials and highlighted the legacies of the past and the town’s identity.

Details of the exhibit exuded the indigenous practices and classical artistry wherein Filipino altar vestments are more than a colorful and fine needlework garment used by the priests. They are treasures of Filipinos' unwavering faith, rich culture, heritage and deep rooted traditions.

"Vestments or abitos are important aspect of our culture. They are the narratives of our faith and our glorious past. They are enshrined to bring us closer to the Creator", explained Jaime Salvador Corpuz, a Bulacan historian and added "I am glad that SM Supermalls was able to accommodate this kind of exhibit. It helps to educate the public on our rich history and our strong faith in God."

Most of the garments featured in the exhibit were selected ecclesiastical garments of priests in the town of Marilao from 1920 to 1950.

Highlighting the exhibit was the ceremonial robe of Father Rufino Santos, the first Filipino Cardinal of the Catholic Church in 1932.

Also featured were some garments by Father Roberto de la Cruz (1934- 1938), Father Marcelino Fajardo (1938-1939), Father Gabino Baluyot (1939- 1945), Father Florentino Fuentes (1945- 1954), Father Angel Pengson (1954- 1956) and Father Avelino Santos (2001-present).

Wednesday, May 9, 2012

DISASTER PREPAREDNESS: Kahit wala pang EAP, sisimulan ang info drive


MALOLOS—Ang karanasan ang pinakamahusay na guro.

Muling nagkahubog ang kasabihang sa lalawigan dahil ngayon pa lamang ay nagsisimula ang paghahanda sa kalamidad sa pangunguna ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMC), pitong buwan matapos lumubog ilang bayan sa Bulacan sa bahang hatid ng bagyong Pedring at Quiel.

Ito ay sa kabila na hindi pa natatapos ang inihahandang Emergency Action Plan (EAP) ng Tonkin & Taylor International, ang kumpanyang kinontrata ng pamahalaan para  magsagawa ng pag-aaral sa katatagan ng Angat Dam.

“Mainam na ang handa para hindi mapinsala,” ani Liz Mungcal, ang hepe ng PDRRMC.

Sinabi niya sa Mabuhay na simula sa Mayo 24 ay pangungunahan ng PDRRMC ang information drive o paghahatid ng impormasyon para sa kahandaan ng mga mamamayan sa pagtugon sa kalamidad.

Ito ay isasagawa sa 70 barangay ng mga bayan ng Norzagaray, Angat, San Rafael, Bustos, Baliuag, Pulilan, Plaridel, Calumpit, Paombong ay Hagonoy na pawang matatagpaun sa gilig ng Ilog Angat.

Makakasama ng PDRRMC sa nasabing kampanya ang National Power Corporation ((Napocor), Pampanga Flood Forecasting and Warning Center (PFFWC), Common Purpose Facilities na namamahala sa Ipo Dam, at ang pamunuan ng 10 bayang nabanggit.

Ayon kay Mungcal, layunin ang kanilang kampanya na mabigyan ng sapat na kaalalaman hinggil sa pagtugon sa kalamidad tulad ng pagbaha ang mga residente.

Ang impormasyong kanilang ipamamahagi ay bahagi ng EAP na kanilang ihanda.  Ito ay bukod pa sa EAP na na tinatapos ng Tonkin & Taylor.

“Matatapos na yung EAP namin pati yung family preparedness plan ay taposna rin yung draft,” ani Mungcal at sinabing ang impomasyong nilalaman ng mga ito ay sisimulan na nilang ipabatid s amga tao.

Ilan sa binanggit niyang impormasyon at batay sa karanasan ng mga Bulakenyo sa pagbahang hatid ng bagyong Pedring at Quiel noong Setyembre at Oktubre.

“Imporatante na ngayon pa lamang ay matutunan na ng mga tao ang mga dapat ihanda kapag nalalapit ang panahoin ng tag-ulan, pati yung mga lugar lilikasan nila kung kinakailangan,” aniya.

Sinabi pa ni Mungcal, na tinatapos na rin nila ang pagbuo sa color coding sa panahon ng kalamidad.

Bahagi nito ay batay sa panukala ng Mabuhay matapos pagbaha noong nakaraang taon.

Sa nasabing panukala, ipinaliwanag ng Mabuhay kahalagahan ng paghahatid ng kaalalam sa taumbayan kung anong kulay ang dapat nilang ilawit sa labas ng bahay kung baha,

Ito ay upang matukoy ng mga sumasaklong rescue group kung alin ang dapat bigyan ng unang prayoridad, lalo na kung walang kuryente at putol ang komiunikasyon sa pamamagitang ng telepono.

Ang nasabing panukala ay unang ipinabatid ng Mabuhay kay Provincial Administrator Jim Valerio noong Oktubre matapos ilahad ang karanasan sa pagbaha sa Hagonoy.

Inihalimbawa ng Mabuhay kay Valerio ang mga kababaihang buntis at mga maysakit na hindi agad nasaklolohan ng mga rescue group, dahil nasa loob ito ng bahay.

Ianyunan ni Valerio ang panukala at ipinayo sa PDRRMC sa buuin ang konsepto nito upang higit na makatugon sa pangangailangan ng mamamayan.

Bukod dito, ipinanukala ng Mabuhay kay Valerio na isalibro ang EAP sa halip na ipalimbag s amga brochure.

Ito ay dahil sa ang mga brochure ay karaniwang itinatapon lamang, samantalang ang mas makakapal na babasahin tulad ng libro ay iniingatan at iniuuwi sa bahay.

Sa panayam ng Mabuay kay Mungcal, sinabi niyan na ipalilimbag din nila bilang isang libro ang kanilang EAP, at bukod dito, magpapalimbag din sila sa anyo ng komiks.

Ito ay upang higit na maingganya ang mga mamamayang Bulakenyo ang na basahi ang impormasyon sa paghahanda sa kalamidad.

“Kumbaga kasi sa labanan, ang pinakamabisang sandata natin ngayon ay kaalamang hatid ng impormasyon para maging handa ang tao, kaya tinututukan namin ang information drive,” ani Mungcal.  (Dino Balabo)

Friday, May 4, 2012

Pintor na walang daliri inspirasyon ang hatid sa paligsahan





By Dino Balabo

MALOLOS – Katulad ng mga kapwa pintor, maingat sa pagtitimpla ng kulay si Jason  Dequillo.

Kalkulado at tiyak ang bawat hagod ng kanyang pinsel at paleta sa canvas, samantalang taimtim ang kanyang isipan sa mga hugis na kanyang ipinipinta.

Ngunit kakaiba siya sa mga kapwa pintor dahil sa walang daliri sa dalawang kamay ng 34-anyos na si Dequillo, kaya’t ang kanyang pinsel at paleta ay iniipit lamang niya sa kanyang dalawang kamay sa pagbibigay kulay, hubog at buhay sa larawang ipinipinta.

Ang kalagayang ito ay hindi ikinahiya ni Dequillo, samantalang inspirasyon ang hatid nito sa mga kapwa pintor partikular na sa 136 lumahok sa on-the-spot painting contest na pinangunahan ng Diyosesis ng Malolos noong Sabado, Abril 28.

Kaugnay nito, napabilang si Dequillo sa 10 pintor na tumanggap ng karangalang banggit sa kalahating araw na paligsahan sa pagpipinta.

“Mas gusto kong sumali sa mga regular category kaysa dun sa handicapped category, kasi gusto kong ituring nila akong normal na tao,” ani  Dequillo sa panayam habang maingat na kinukulayan ang kanyang obra maestrang may sukat na 18 pulgada ang taas at 24 na pulgada ang lapad.

Dahil isinilang na walang mga daliri, sinabi ni Dequillo na hindi siya nahihirapan sa pagpipinta at ang pakiramdam niya ay para din siyang may daliri.

Iginiit pa niya na mula sa edad na 15-taong gulang ay nagsimula na siyang magpinta, at naging hanap buhay niya ito.

“Alam ko na bawat isa ay binigyan ng kakayahan ng Diyos, pero sa akin, palagay ko ay yung tiyaga at pagpupursige ang pinakamagandang kaloob na nakatulong sa akin,” ani ng pintor na nagmula sa Alabang, Muntinlupa.

Ikinuwento niya na sa kanyang pagsisimula sa pagpipinta, hindi siya itinuring na seryoso at minaliit ang kanyang kakayahan.

Ngunit siya ay tinulungan at tinuruan ng mga beteranong pintor na katulad nina Vincent Ramos at Fred Villanueva.

“Kung hindi dahil sa kanila, hindi ako uunlad, talagang pinagtiyagaan din nila ang pagtuturo sa akin,” ani Dequillo.

Inamin niya na ang tulong at pagtuturo ng mga beteranong pintor ay lalong nagpataas ng kakayahan at tiwala sa sarili.

Ito ay nagbunga ng mga ibat-ibang pagkilala kabilang na ang pagkakabilang niya sa unang tatlong kalahok sa taunang prestihiyosong paligsahan ng Government Service Insurance System (GSIS), at bilang isa sa mga finalist sa Harvest painting contest ng Arts Association of the Philippines (AAP) noong nakaraang taon.

Bilang isang pintor, ipinagmamalaki ang kanyang mga naipintang larawan o portrait, kabilang dito ay ang portrait ni Senador Panfilo Lacson, Dr. Gerry Genuino, at mga alkalde ng mga bayan at lungsod sa timog ng kalakhang Maynila.

Hinggil sa isinagawang on-the-spot painting contest ng Diyosesis ng Malolos, sinabi niya na sekundarya na lamang ang pagwawagi.

Sa halip ang pangunahing layunin niya ay higit na mapaunlad ang kakayahan at maialay sa Diyos ang kanyang kakayahan at likhang sining.

Ang paglahok ni Dequillo ay ikinagalak ng mga kapwa pintor na nagpahayag na sila ay lalong nahikayat at nabigyan ng inspirasyon.

“He can inspire you, but his perseverance will also stimulate you to work harder,” ani Nards Gomez ng lungsod na ito.

Kaugnay nito, nasungkit ni Jonathan Joven ng Lungsod ng San Jose Del Monte ang unang karangalan sa on-the-spot painting contest, kasunod si Ronson Culibrini ng lalawigan ng Rizal, at Nilo Badajos ng Hagonoy.

Ang 10 namang nagkamit ng karangalang banggit ay sina Dequillo, Gomez, Marilou Solano, Edwin Ladrillo, Edwin Flores, Demetrio Padua, Julian Guiligan, Emmanuel Balboa, at ang magkapatid na Edu at Eliseo Perreras Jr.

Ayon kina Fr. Dars Cabral, tagapangulo ng Commission on Social Communications ng Diyoses ng Malolos, ikinagulat nila ang bilang ng mga pintor na lumahok.

 “We are very grateful to the Arts Association of the Philippines for helping us organize this event,” aniya at sinabing ang mga likhang sining ay kanilang ilalabas sa isasagawang eksibisyon.

Ipinaliwanag pa ni Cabral na paghahatian ng pintor at Diyosesis ang kikitain sa mapagbebentahan ng likhang sining sa eksibisyon bilang bahagi ng ika-50 Jubileo ng Diyosesis ng Malolos.

Ikinagalak din ni Fidel Sarmiento, pangulo ng AAP ang pagbibigay daan ng diyosesis para sa mga pintor.

Sinabi niya na ang mga katulad na paligsahan ay patuloy na nagpapaunlad sa kakayahan ng mga pintor na kasapi ng AAP.

Tuesday, May 1, 2012

AAP tutol sa paglilipat ng GSIS art collections sa Nat'l Museum

By Rommel Ramos
LUNGSOD NG MALOLOS--Nagpahayag ng pagtutol ang mga kasapi ng Arts Association of the Philippines (AAP) sa plano ng Government Service Insurance System (GSIS) na ilipat sa pambansang museo ang mga koleksyong likhang sining nito.
 
Ayon kay Fidel Sarmiento, pangulo ng AAP, plano ng GSIS na ilipat na sa National Museum ang mga paintings na kasalukuyang iniingatan sa GSIS Museum, kasama ang obra maestra ni Juan Luna na "The Parisian Life."
 
Aniya, priceless at national treasure na ang ibang mga paintings sa GSIS museum na pinangangambahan nilang mapinsala sa panahon pa lamang ng paglilipat nito.
 
May kalumaan na kasi ang mga paintings na posibleng magkaroon ng damage sa pagbyahe mula sa GSIS at national museum.
 
Ayon kay Sarmiento, napakataas ng value o halaga ng likhang sining sa koleksyon ng GSIS.
 
Hindi rin naman sila duda sa kakayanan ng national museum para sa preserbasyon ng mga paintings mula sa GSIS ngunit bakit daw hindi na lamang hayaan sa GSIS museum ang mga paintings na naroon na.
 
Binigyang diin niya na mas pabor sa mga art lovers ang GSIS Museum dahil libre  ang pagbisita doon, samantalang may bayad sa national museum.
 
Panawagan din nila na sana daw ay huwag ding itigil ng GSIS ang ilan pang paintings activities sa sandaling mailipat na ang mga paintings sa national museum dahil ito na rind aw ang isa sa pinagkukunan ng pagkakakitaan nilang mga painters. (Rommel Ramos)