Pages

Monday, May 28, 2012

Araw ng Watawat sa Bulacan, nagpaningas sa nasyonalismo ng mga Bulakenyo




LUNGSOD NG MALOLOS- Muling nabuhay ang diwa ng pagkamakabayan ng mga Bulakenyo habang ginugunita ang mahalagang papel na ginampanan ng pambansang watawat sa pagkakamit ng kalayaan sa pagdiriwang ng Araw ng Watawat na isinagawa sa harap ng gusali ng kapitolyo kahapon.

Sinabi ni Gob. Wilhelmino M. Sy-Alvarado na sinasariwa ng ganitong mga okasyon ang kadakilaan ng mga Pilipinong nagbuwis ng buhay.

“Ang ating watawat ay hindi isang piraso ng tela na nakikipagharutan lamang sa ihip ng hangin gaya ng isang saranggola. Ang bawat kulay at sagisag na taglay nito ay may makabuluhang kasaysayan at batbat ng simbolismo, ito ang sagisag ng ating mga mithiin, simbolo ng ating mga adhikain, laman nito ang kasaysayan ng kahapon, sa silong nito maraming buhay ang nasawi,” pahayag ni Alvarado sa harap ng libu-libong Bulakenyong nakiisa sa pagdiriwang ng Araw ng Watawat.

Ipinahayag din niya na bilang pagpapaalala sa kahalagahan nito, buong taong iwawagayway ang pambansang watawat sa mga pangunahing lugar sa buong lalawigan.

Sinamahan naman ng panauhing pandangal na si Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Chairman Joel Villanueva ang gobernador at iba pang opisyal ng gobyerno sa
pagtataas ng watawat at pag-aalay ng bulaklak sa dambana ni Hen. Gregorio del Pilar.

Ayon pa sa kanya, ang araw ng watawat ay hindi lamang araw ng paglingon sa nakaraan, kundi isa ring pagdiriwang na nagbubukas ng oportunidad para sa lahat.

“Bilang isang Bulakenyo, taas noo nating ipakilala ang ating dakilang lalawigan na naging bahagi ng ating kasaysayan. Nais nating mag-alab pa ang pagmamahal sa bayan. Isa itong oportunidad upang  himukin ang mga kabataan na mahalin ang inang bayan, mag-alay ng talino at lakas para sa inang bayan,” ani Villanueva.

Idinagdag naman ni Bise Gob. Daniel Fernando na hindi tatayo ng matatag ang bandila ng Pilipinas kung walang matibay na kahoy na nagtatayo dito, at ang kahoy na ito ay ang mga Pilipino.

Nagpatimyas din ng nasyonalismo ng mga nagsidalo ang Barasoain Kalinangan Foundation dahil sa kanilang pagtatanghal tungkol sa ebolusyon ng watawat mula pa noong panahon ng Katipunan hanggang sa unang pagwagayway ni Hen. Emilio Aguinaldo ng kasalukuyang watawat ng Pilipinas sa labanan ng Alapan sa Cavite noong Mayo 28, 1898.

Ang kasalukuyang watawat ng Pilipinas ay dinisenyo ni Aguinaldo at hinabi nina Doña Marcela Agoncillo, Lorenza Agoncillo at Delfina Herbosa de Natividad sa Hongkong. Hudyat din ito ng pagsisimula ng paghahanda ng pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan sa Hunyo 12.(PPAO)

No comments:

Post a Comment