Pages

Wednesday, July 18, 2012

Titulo sinungkit, kasaysayan itinala ng Futbulakenyos sa CLFL




SUBIC BAY FREEPORT—Lumikha ng kasaysayan ang ang mga manlalarong Bulakenyo  ng sungkitin nito ang kauna-unahang kampeonato sa Central Luzon Football League (CLFL).

Ito ay dahil sa matagumpay na kampanya na tinampukan ng pananaig sa lahat ng laban, bukod sa pagtanggap ng manlalaro ng FutBulakenyos Football Club na si Larry Ramos ng Golden Boot Award na katumbas ng pagkilalang most valuable player.

Sa pagkasungkit ng kampeonato, naiuuwi ng Futbulakenyos ang tropeong Sinukuan, ang perpetual trophy ng liga na muling paglalaban sa mga susunod na season.

Ang tropeo at parangal ay tinanggap ng Futbulakenyos sa Trader’s Hotel sa Subic Bay Freeport sa Zambales noong Sabado ng gabi, Hulyo 14 matapos ang dalawang kambal na sagupaan sa Remy Field noong araw ding iyon.

“Nagpapasalamat kami sa pakiisa ng lahat sa tagumpay ng ligang ito, siguro time lang namin ngayon kaya nakuhan yung magandang break,” ani Emmanuel Robles, coach ng Futbulakenyos, an ang mga kasapi ay karaniwang mag-aaral ng Bulacan State University (BulSU).

Iginiit pa niya na sa sa kabila ng kakulangan sa pananalapi, ay nanaig ang mga Bulakenyo sa bawat laro dahil sa pagkakaisa at indibidwal na kakayahan ng manlalaro.

Isa sa palatandaan ng kakulangan sa pananalalapi ng Futbulakenyos ay ang kakulangan ng bilang nga manlalaro nito na nakadalo s amga nagdaang laro.

Ang bawat koponan sa football ay may 25 manlalaro, ngunit may mga pagkakataon na 14 hanggang 16 na manlalaro lamang ang naglalaro sa koponan ng Bulacan.

Ito ay dahil sa kakulangan ng pamasahe na pansamantalang tinugunan ng ilang manlalarong nagsisipagtrabaho na.

Sa loob ng dalawang round ng liga, nagtala ng anima na panalo ng Futbulakenyos ng talunin nila ang lahata ng kasaling koponan sa liga.

Unang nilang tinalo ang Lighthouse Amihan FC sa iskor na 5-0; kasunod ay ang Pampanga FC, 5-1; at Tarlac FC, 3-1.

Sa ikalawang round, muli nilang tinalo ang Tarlac FC, 2-0; Lighthouse Amihan FC, 3-2; at Pampanga FC sa iskor na 9-1 noong Sabado.

Ang kampeonato ay nasungkit na ng Futbulakenyos ng talunin nila sa ikalawang pagkakataon ang Lighthouse Amihan FC noong Hulyo 1, ngunit hindi ito naging balakid sa paghahangad nila ng mataas nga antas na laro noong Sabado ng talunin nila ang Pampanga FC sa pagtatapos ng unang season ng CLFL.
“Kahit sigurado na kaming champion, gusto pa rin naming ipakita ang mataas na antas ng paglalaro kahit no-bearing game ang laban,” ani Robles at idinagdag pa na “the CLFL deserves the best game.”

Dahil sa ikalawa nilang panalo sa Pampanga FC, tinuldukan ng Futbulakenyos ang ang unang season ng CLFL na walang talo.

Ang huling panalo naman ng FutBulakenyos ay tinampukan ng anim na goal mula kay Larry Ramos na tumanggap ng golden boot award.

Sa anim na laro, umabot sa 12 ang goal ni Ramos, ngunit ang puntos na naitala niya laban sa Pampanga FC ay ang pinakamataas sa isang laro na itinala ng isang manlalaro sa liga.

Bukod sa golden boot award, nagkaloob din ng CLFL ang Best Goal Keeper award kay Edriel Tagaan ng Lighthouse Amihan FC.

Ang Lighthouse Amihan ang tumanggap ng parangal na first runner-up sa inaugural season ng CLFL kasunod ang Talrac FC at ang Pampanga FC.

Sa ikalawang laro noong Sabado, tinambakan ng Lighthouse Amihan ang Tarlac FC sa iskor na 7-3.

Para sa susunod na season ng CLFL, inihayag ni John Bayarong, coach ng Lighthouse Amihan ang plano para sa pagsasagawa ng liga ng Futsal o indoor football.

Sinabi ni Bayarong na napapanahon ang Futsal dahil sa ito ay maisasagawa kahit tag-ulan.

Tinatayang 10 koponan mula sa ibat-ibang lalawigan ng Gitnang Luzon ang lalahok sa liga ng Futsal.

Kaugnay nito, nagpasalam din si Christian de Ocampo, coach ng Tarlac FC at isa sa unang nag-organisa ng CLFL sa paglahok ng bawat koponan.

Sinabi niya na matagal na nilang pangarap ang pagkakaroon ng liga ng football sa rehiyon.

Binigyan diin niya na layunin nito ay hindi lamang mapataas ang popularidad ng football, sa halip ay upang makahikayat at makatuklas ng mga kabataang manlalaro. (Dino Balabo)

Tuesday, July 10, 2012

Kidlat ang inspirasyon ng Bulakenyong imbentor na nagwagi sa Thailand



MALOLOS—Kidlat ang nagsilbing inspirasyon sa kabataang Bulakenyong imbentor na nagwagi ng gintong medalya sa ika-8 International Exhibition for Young Inventors (IEYI) sa Thailand.

Bukod sa kanya, tatlo pang kabataang Pilipino ang nagwagi ng gintong medalya sa nasabing paligsahan na isinagawa sa Bangkok International Trade and Exhibition Center (Bitec) noong Hunyo 28 hanggang 30.

Dahil dito, pumang-apat ang Pilipinas  sa siyam na bansang lumahok.

Narito ang kabuuang resulta batay sa bilang ng gintong medalyang natanggap ng bawat bansang lumahok.  Malaysia, pito; Taiwan, pito; Thailand, lima; Pilipinas, apat; Japan, tatlo; Indonesia, tatlo; Hongkong, dalawa; Singapore, isa; at ang Vietnam ay walang napanaluhang medalyang ginto.

Ang susunod na IEYI ay isasagawa sa bansang Malaysia sa susunod na taon.

Ang Bulakenyong imbentor ay si Kelvin Ghell Faundo, 15, isang residente ng Obando  ngunit kasalukuyang nag-aaral sa Valenzuela City Science High School, kung saan siya ay nasa ika-apat na taon na ng pag-aaral.

Ang dalawa pang kaklase na Faundo na sina Kiervin Zabala, at Patrick John Larin ay nagwagi rin ng gintong medalya; samantalang isa pang mag-aaral mula sa Batasan Hills National High School ang nag-uwi ng ika-apat na medalyang ginto para sa bansa.

Si Faundo ay nagwagi ng gintong medalya dahil sa kanyang imbensyong lahok na tinawag na thermoelectric griller with heat conversion and electrical powering capacity.

Ito ay binubuo ng isang simpleng ihawan, isang heat sink at thermoelectric generator.

Sa panayam ng mamamahayag na ito sa telepono kay Faundo, sinabi niya na nakakuha siya ng inspirasyon para sa kanyang imbensyon mula sa kidlat.

Ipinaliwanag niya na ang kidlat ay nalilikha sa pagsasanib ng mainit at malamig na hangin sa himpapawid.

Ayon sa batang imbentor, ang konseptong ito ng pagsasanig ng init at lamig ang nagbigay sa kanyang ng ideya sa pagbuo ng kanyang imbensyon.

Ipinaliawanag niya na sa pamamagitan ng uling na sinindihan na ginagamit sa pag-iihaw, naghahalo ang init at lamig sa thermoelectric generator.ng kanyang imbensyon upang lumikha ng kuryente.

“Kahit isang piraso lang ng uling, makakagenerate na ng kuryente,” ani Faundo.

Nilinaw pa niya na na ang kuryenteng nalilikha ng kanyang imbensyon ay sapat para sa pagbibigay ng kuryente sa mga cellular telephone.

Iginiit pa niya na mas malaki ang ihawan at mas marami ang uling na gagamitin, mas maraming kuryente ang malilikha.

Ayon pa sa batang imbentor, gumastos lamang siya ng P1,000 para mabuo ang kanyang ihawang nakakalikha ng kuryente.

Ang batang imbentor ay nagmula sa pamilya ng mahuhusay sa matematika.

Ang kanyang ama at ina na sina Guillermo at Franceline Bautista-Faundo ay kapwa guro ng Matematika sa Obando National High School.  Ang mag-asawa ay kapwa nagmula sa Barangay San Jose sa bayan ng Hagonoy.

Ang nakatatandang kapatid na babae ng batang imbentor na si Karen ay nakatapos ng kursong Electrical  Engineering at nakapasa na sa board examination, samantalang ang kanyang nakababatang kapatid na si Kenneth ay naging kampiyon sa mga paligsahan sa Matematika at Scie-Damath. (Dino Balabo)

Bantayog ni Plaridel hiniling itayo sa harap ng kapitolyo ng Bulacan





LUNGSOD NG MALOLOS—Inendorso ng pamilya ng bayaning si Gat Marcelo H. Del Pilar ang konseptong disenyo para sa bantayog nito na hiniling na itayo sa harap ng Kapitolyo.

Ang kahilingan sa pagtatayo ng bantayog ng dakilang propagandista ay hiniling ng Sangguniang Bayan (SB) ng Bulakan batay sa mungkahi ni Konsehal Rosalie Lava na ipatupad ng Kapitolyo ang nilalaman ng Seksyon 24, Kabanata ika-2 ng New Provincial Administrative Code (NEPAC) ng Bulacan.

Ito ay matapos lumiham sa SB ng Bulakan si Alex Balagtas, ang kurator ng Pamabansang Dambana ni Gat Marcelo H. Del Pilar sa bayan ng Bulakan, na nagpapaalala ng nilalaman ng NEPAC.

Ayon sa NEPAC, si De Pilar ay ang piling bayani ng Bulacan at ang kanyang bantayog ay dapat itayo sa sentrong isla ng parke sa harap ng Kapitolyo malapit sa MacArthur Highway.

Ayon kay Abogada Benita Marasigan-Santos, isa sa mga apo ng bayani, nakarating sa kanilang kaalaman ang pagkilos para sa panukalang pagtatayo ng bantayog.

Sinabi niya na natanggap din nila ang konseptong disenyo mula kay Isagani Giron, ang dating pangulo ng Samahang Pangkasaysayan ng Bulacan (Sampaka).

Ang kosepto ay nilakipan pa ng dibuho ng iskultor na si Ernie Mandap.

“Magalang namin itong ini-endorso upang agad na maipatupad at nang mailantad sa madla sa ika-15 ng Agosto ng kasalukuyang taon bilang hudyat ng pagbubukas ng Buwan ng Bulakan, bilang bahagi rin ng Buwan ng Kasaysayan at paggunita sa ika-162 guning taong pagsilang ng ating dakilang bayani mula sa ating dakilang lalawigan,” ani Marasigan-Santos sa kanyang liham kay Gob. Wilhelmino Alvarado noong Mayo 28.

Idinagdag pa niya ang paunang pasasalamat sa punong lalawigan at iginiit na ang bantayog ay magsisilbing paalala at inspirasyon sa mga kabataan sa kasalukuyan at sa mga susunod na panahon.

“Nawa’y patuloy nating isulong ang buhay, diwa, panulat at kabayanihan ni Gat Marcelo H. Del Pilar, isang dakilang Bulakenyo ay bayani ng lahing Pilipino,” ani Marasigan Santos.

Batay naman sa koseptong disenyo nina Giron at Mandap, ang bantayog ni Del PIlar ay may taas na 10 talampakan mula sa paa hanggang sa tuktok ng ulo upang ipamalas sa lahat ang kadakilaan nito.

Ang bantayog ay ititindig sa isang pedestal na may limang talampakan ang taas na may hugis na malaking sisidlan ng tinta kung saan isinasaok ang pluma o dip pen na ginamit ni Del Pilar sa kanyang pagsulat.

Sa likod naman ng pedestal at rebulto ng bayani ay ang dip pen nib o aserong ulo ng pluma na may taas na 25 talampakan mula sa paanan ng pedestal.

Ang dip pen nib ay sumisimbulo sa buhay ni Del Pilar na ginamit sa paglaban sa mga prayle at kolonyanistang Kastila at paghikayat sa sambayanan sa paninindigan para sa karapatang pangkabuhayan at panglipunan, ani Giron.

Idinagdag pa niya na sa likod ng rebulto at aserong ulo ng pluma ay ang magkapatong na pader na may taas na 14 na talampakan.

Ang kanang bahagi ng pader ay kapapalooban ng apat na pahayag at pamphlet na sinulat ni Del Pilar. Ito ay ang Diaryong Tagalog, La Soberania Monacal en Filipinas, La Frailocracia Filipinas, at La Solidaridad.

Ang kaliwang bahagi naman ng pader ay kapapalooban ng imahe ng bituin at araw katulad ng nakalagay sa pambansang bandila.

Ayon pa kay Giron, ang sahig na pagtatayuan ng bantayog ay kulay berde na humigit kumulang sa 10 talampakan, at sa palibot ng bantayog sa gitna ng sahig na berde ay ang kulay dilaw na imahe ng araw. (Dino Balabo)

Tuesday, July 3, 2012

Bulacan Med Center, tuloy ang bigay ng libreng gamutan sa mga may dengue



Ni: Shane Frias Velasco
 
LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan, Hulyo 3 (PIA) -- Patuloy ang pagkakaloob ng libreng serbisyong pangkalusugan para sa mga Bulakenyong tinamaan ng dengue sa Bulacan Medical Center (BMC) at mga ospital na pinapatakbo ng pamahalaang panlalawigan.

Sa ginanap na ikalawang “Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Anti-Dengue Day” sa lungsod ng San Jose del Monte, ipinahayag ni gobernador Wilhelmino Sy-Alvarado na naglaan ng malaking pondo upang masigurong magagamot ang mga Bulakenyong tinamaan nito.

“Kung nagkataon naman po na walang handang gamot para sa dengue sa ating ospital, lumapit lamang po sa ating tanggapan sa kapitolyo at ibibili po namin kayo (ng gamot) sa Mercury Drug,” dagdag pa niya.

Kaugnay nito, nagpalabas naman ng Executive Order No. 2012-10 si Alvarado na nag-uutos sa lahat ng 569 na barangay sa Bulacan na maglunsad at panatilihin ang kalinisan alinsunod sa pambansang kampanya ng Department of Health (DOH) na Aksyon Barangay Kontra Dengue (ABKD) laban sa dengue.

Para sa gobernador, “ang pagbasag at pagsira sa mga iniitlugan ng lamok ang pinakamainam na sandata laban sa dengue. Kaya kinakailangan ay lahat ng madidilim na lugar sa barangay ay paaliwalasin at linisin dahil paboritong bahayan ng lamok iyan. Dapat ding takpan ang mga lalagyan ng malilinaw na tubig dahil hindi naman dumadaloy iyan eh. Doon sila nangingitlog.”

Isang nakamamatay na sakit ang dengue kung kaya’t ipinapayo naman ni Dr. Jocelyn Gomez ng Provincial Health Office (PHO) na dalhin na sa pinakamalapit na ospital ang sinumang magkakaroon ng lagnat na hindi bumababa sa loob ng dalawang araw. Maiiwasan din aniya ito kung may sapat na kaalaman ang bawat mamamayan hinggil sa sakit na dengue.

Kaugnay nito, pinag-ibayo ng DOH ang kampanya laban sa dengue sa pamamagitan ng pagtatalaga ng bagong tungkulin ng mga Barangay Health Workers (BHW). Ang sistema, araw-araw nang babantayan kung sino ang magkakaroon ng lagnat at kung ito ba ay tatagal ng dalawang araw. Kapag nagkagayon, agad na dadalin ng BHW ang pasyente sa pinakamalapit na pampublikong ospital upang agad na gamutin nang libre.
  
Unang ipinatupad ang kampanya sa lungsod na ito dahil ang San Jose del Monte ang may pinakamaraming naninirahan sa buong lalawigan. Ayon kay Dr. Bethzaida Banaag, city health officer, may 700 BHW sa kalungsuran habang ang mga rural health units (RHU) sa limang malalaking barangay ang kinumpleto ang mga gamit na pagsugpo at paggamot sa dengue.

Samantala, pinapurihan naman ni Dr. Leonita Gorgolon, direktor ng DOH-Center of Health Development (CHD), ang Bulacan dahil sa pagkakaroon ng Provincial Health and Sanitation Code. “Kinikilala natin ang kontribusyon ng lalawigan para sa masmalusog na mamamayan. Pinasasalamatan din natin si gobernador Alvarado dahil naisulong niya na magkaroon ang Bulacan ng ganitong code na nagsisilbing direksiyon sa masmabuting serbisyong pangkalusugan.” (CLJD/SFV-PIA3)

Bilang ng mga kaso ng dengue mas mataas ng 12 porsyento kumpara noong nakaraang taon


Ni Carlo Lorenzo J. Datu

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga Hulyo 3 (PIA) -- Tumaas ng 12 porsyento ang mga naitalang kaso ng dengue sa Gitnang Luzon mula Enero hanggang ika-30 ng Hunyo ngayong taon kumpara sa kahalintulad na panahon noong nakaraang taon.

Inilahad ni Jesse Fantone, hepe ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit ng Department of Health-Center for Health Development 3 (DOH-CHD 3), na pumangalawa ang Gitnang Luzon sa Metro Manila sa may pinakamaraming naitalang kaso sa buong kapuluan na umabot sa 6,241.

Sa pitong lalawigan, Nueva Ecija ang may pinakamaraming kaso na pumalo sa 1,785 kasunod na Bulacan- 1,745, Pampanga- 1,167, Bataan- 677, Tarlac-488, Zambales-348 at Aurora- 31.

Dagdag pa ni Fantone na umabot sa labing isa ang bilang ng mga namatay dahil sa dengue sa Rehiyon Tres sa nabanggit na panahon kung saan lima rito ay mula sa Nueva Ecija, tatlo sa Pampanga at tig-isa mula sa Bataan, Bulacan at Tarlac.

At ngayong patuloy na lumolobo ang bilang ng mga kaso, hinihimok ng DOH-CHD 3 ang publiko na magsagawa ng mga clean-up drive sa kani-kanilang mga komunidad at puksain lahat ng posibleng maging mga breeding sites ng mga lamok tulad ng mga lumang gulong, bote, lata, at baradong alulod.

Iginiit ng ahensya ang importansya ng paglilinis hindi lamang ng mga tahanan at paaralan kundi iba pang lugar tulad ng simbahan at palengke at maging ng mga kalye at playground dahil hindi malalaman kung saan maaaring makagat ng lamok na may dalang dengue kaya importanteng maging malinis ang buong paligid.

Ang dengue ay isang sakit na nakukuha sa kagat ng lamok na tinatawag na Aedes aegypti.

Karaniwang sintomas nito ang mataas na lagnat, matinding pananakit ng ulo, pananakit ng katawan at kasukasuan, pagsusuka, pananakit ng mata, at mapupulang butlig sa balat. (WLB/CLJD-PIA 3)