Pages

Tuesday, July 10, 2012

Kidlat ang inspirasyon ng Bulakenyong imbentor na nagwagi sa Thailand



MALOLOS—Kidlat ang nagsilbing inspirasyon sa kabataang Bulakenyong imbentor na nagwagi ng gintong medalya sa ika-8 International Exhibition for Young Inventors (IEYI) sa Thailand.

Bukod sa kanya, tatlo pang kabataang Pilipino ang nagwagi ng gintong medalya sa nasabing paligsahan na isinagawa sa Bangkok International Trade and Exhibition Center (Bitec) noong Hunyo 28 hanggang 30.

Dahil dito, pumang-apat ang Pilipinas  sa siyam na bansang lumahok.

Narito ang kabuuang resulta batay sa bilang ng gintong medalyang natanggap ng bawat bansang lumahok.  Malaysia, pito; Taiwan, pito; Thailand, lima; Pilipinas, apat; Japan, tatlo; Indonesia, tatlo; Hongkong, dalawa; Singapore, isa; at ang Vietnam ay walang napanaluhang medalyang ginto.

Ang susunod na IEYI ay isasagawa sa bansang Malaysia sa susunod na taon.

Ang Bulakenyong imbentor ay si Kelvin Ghell Faundo, 15, isang residente ng Obando  ngunit kasalukuyang nag-aaral sa Valenzuela City Science High School, kung saan siya ay nasa ika-apat na taon na ng pag-aaral.

Ang dalawa pang kaklase na Faundo na sina Kiervin Zabala, at Patrick John Larin ay nagwagi rin ng gintong medalya; samantalang isa pang mag-aaral mula sa Batasan Hills National High School ang nag-uwi ng ika-apat na medalyang ginto para sa bansa.

Si Faundo ay nagwagi ng gintong medalya dahil sa kanyang imbensyong lahok na tinawag na thermoelectric griller with heat conversion and electrical powering capacity.

Ito ay binubuo ng isang simpleng ihawan, isang heat sink at thermoelectric generator.

Sa panayam ng mamamahayag na ito sa telepono kay Faundo, sinabi niya na nakakuha siya ng inspirasyon para sa kanyang imbensyon mula sa kidlat.

Ipinaliwanag niya na ang kidlat ay nalilikha sa pagsasanib ng mainit at malamig na hangin sa himpapawid.

Ayon sa batang imbentor, ang konseptong ito ng pagsasanig ng init at lamig ang nagbigay sa kanyang ng ideya sa pagbuo ng kanyang imbensyon.

Ipinaliawanag niya na sa pamamagitan ng uling na sinindihan na ginagamit sa pag-iihaw, naghahalo ang init at lamig sa thermoelectric generator.ng kanyang imbensyon upang lumikha ng kuryente.

“Kahit isang piraso lang ng uling, makakagenerate na ng kuryente,” ani Faundo.

Nilinaw pa niya na na ang kuryenteng nalilikha ng kanyang imbensyon ay sapat para sa pagbibigay ng kuryente sa mga cellular telephone.

Iginiit pa niya na mas malaki ang ihawan at mas marami ang uling na gagamitin, mas maraming kuryente ang malilikha.

Ayon pa sa batang imbentor, gumastos lamang siya ng P1,000 para mabuo ang kanyang ihawang nakakalikha ng kuryente.

Ang batang imbentor ay nagmula sa pamilya ng mahuhusay sa matematika.

Ang kanyang ama at ina na sina Guillermo at Franceline Bautista-Faundo ay kapwa guro ng Matematika sa Obando National High School.  Ang mag-asawa ay kapwa nagmula sa Barangay San Jose sa bayan ng Hagonoy.

Ang nakatatandang kapatid na babae ng batang imbentor na si Karen ay nakatapos ng kursong Electrical  Engineering at nakapasa na sa board examination, samantalang ang kanyang nakababatang kapatid na si Kenneth ay naging kampiyon sa mga paligsahan sa Matematika at Scie-Damath. (Dino Balabo)

1 comment: