Thursday, October 18, 2012

Aswang sa Bulakan, pinabulaanan

Larawan mula sa sharosem.wordpress.com


BULAKAN, Bulacan—Pinabulaanan ng mga residente ng bayang ito ang kumalat na balita hinggil sa aswang kaugnay ng pagkamatay ng mga baboy at mga itik kamakailan.

Ang nasabing balita at kumalat na rin sa Lungsod ng Malolos kung saan ay may napabalita na ring gumagalang aswang sa Barangay Sabitan.

Ayon kay Dr. Roberto Ramirez ng bayang ito, hindi totoo na aswang ay may kagagawan ng ng pagkamatay ng mga baboy at biik sa Barangay Balubad noong isang linggo.

Sinabi niya na posibleng pinalaki na lamang ang tsismis upang takutin ang mga tao na lumabas kung gabi ngayong nalalapit ang halalan.

“Laging may mga ganyang balita na pinalalaki ng mga tsismis, pag may namatay na hayop, ang itinuturo ay aswang,” ani Ramirez na kandidatong alkalde sa bayang ito.

Ang kanyang pahayag ay inayunan ni Wilfredo Carpio ng Barangay Sta. Ana na nagsabing hindi na uso ang aswang sa panahong ito.

“Moderno na ngayon, di na uso ang aswang, may nananakot lang para dahil nalalapit na ang halalan at hindi dumalo ang mga tao sa mga pulong kung gabi,” ani Carpio na tatlong beses na nahalal na konsehal ng bayang ito.
Larawan mula sa blog.strangenewsdaily.net

Binigyang diin din ni Carpio na batay sa kuwento ng matatanda, ang aswang ay nambibiktima ng mga tao at hindi mga hayo katulad ng baboy at itik.

Natawa naman ang iba pang residente sa nasabing balita at pabirong sinabi na ”anong aswang, wala na nun, pero yung nang-aaswang meron.”

Ang tinutukoy nilang nag-aaswang ay mga kalalakihang naninilip sa mga kababaihan.

Sa Lungsod ng Malolos, kumalat rin ang balita na may gumagalang aswang partikular na Barangay Sabitan.

Ang balita ay ipinahatid ng mga residente sa Radyo Bulacan, isang lokal na himpilan ng radyo sa lalawigan noong Miyerkoles, Oktubre 17.

Batay naman sa naunang pahayag ng beteranong mamamahayag na si Benjamin Gamos na mas kilala sa tawag na “Tatang Ben”, ang pananakot kaugnay ng aswang ay unang ng ginamit ng mga Amerikano sa Pampanga noong dekada 50 at 60.

Sinabi ni Tatang Ben na isang operatiba ng Central Intelligence Agency ng Amerika ang nagdisensyo ng plano upang mapigilan ang pag-oorganisa ng mga Huk sa Pampanga sa pangunguna ni Luis Taruc
“Para hindi lumabas ng gabi ang mga tao at dumalo sa pag-oorganisa ng mga Huk, ginamit nung Amerikano ang konsepto ng aswang,” ani Tatang Ben.

Ito ay sa pamamagitan ng paglalagay ng dalawang butas sa leeg ng bangkay ng dalawang hinihinalang Huk.

Nang matuklasan ang mga bangkay kinabukasan, agad na kumalat ang balita na ang mga iyon ay biktima ng aswang na naging sanhin upang matakot ang mga tao.

4 comments:

  1. for my own opinion po a.... my mga aswang po talagang kumakain ng hayop lalo na kung hindi sila
    kumain ng tao .....

    ReplyDelete
  2. kakaiba ang pagkamatay ng mga hayop.. bakit wala silang maipakitang salarin kung anong nilalang ang gumawa nun?

    ReplyDelete