Pages

Tuesday, October 9, 2012

Jonjon balik kongreso, Imelda Papin kumasa sa SJDM


Kinatawan Joselito Mendoza, Ikatlong Distrito ng Bulacan


LUNGSOD NG MALOLOS—Inaasahang magiging mainit ang tunggalian ng mga kandidato sa pagka-kongresista sa limang distrito ng lalawigan kabilang ang lone district ng San Jose Del Monte.

Ito ay dahil sa mga kandidatong nagmula sa pamilya ng mga pulitikong matagal nang naglilingkod sa lalawigan ang nagsipagsumite ng kanilang Certificate of Candidacy (COC), ngunit mayroon din na halos ay nakatitiyak na ng panalo.

Kabilang sa kanila ay sina Kinatawan Joselito Mendoza (LP) na nagsilbing gobernador ng lalawigan noong 2007 hanggang 2010.

Sa kabila ng mga kumalat na balitang kakandidatong gobernador, si Mendoza ay muling kakampanya bilang kinatawan ng ikatlong distrito ng Bulacan.

Ngunit inaasahang hindi magiging madali ang magiging kampanya ni Mendoza dahil siya ay hinahamon ng tatlo pang kandidato na nagmula rin sa pamilya ng mga pulitiko.

Ito ay sina Jose Cabochan (NUP) ng San Miguel na nagsilbing kinatawan ng ikatlong distrito noong huling bahagi ng dekada 80 hanggang 1992.

Nagbalik naman sa pagkandidato si Ricardo “Ricky” Silverio Jr., ng Partido ng Masang Pilipino.

Si Ricky ay anak ni Ricardo Silverio Sr., na nagsilbing kinatawan ng ikatlong distrito mula 1992 hanggang 2001 at nagsilbing alkalde ng bayan ng San Rafael hanggang 2010.

Bukod sa kanila, nasumite rin ng COC para sa pagka-kongresista ang indipendienteng si Enrique Viudez II ng San Ildefonso.

Si Viudez ay nagsilbing alkalde ng San Ildefonso mula 1998 hanggang 2001, at bilang bokal ng ikatlong distrito mula 2004 hanggang sa kasalukuyan.

Inaasahan ding magiging mainit ang labanan sa ikalawang distrito na nakakasakop sa mga bayan ng Bocaue, Balagtas, Guiguinto, Plaridel, Pandi, Bustos at Baliuag.

Ito ay dahil sa patapos na ang tatlong sunod na termino ni kinatawan Pedro Pancho.

Isa sa mga kandidatong nais humalili kay Pancho ay ang kanyang anak na si Gavini ng NUP.

Ngunit inaasahang hindi ito magiging madali dahila ang kapatid ni dating gobernador Joselito Mendoza ay kandidato rin bilang kinatawan ng ikalawang distrito.

Ito ay si Pedrito Mendoza na kilala bilang Doc Pete na kumakandidato rin sa ilalim ng bandila ng LP. Ang mga Mendoza ay nagmula sa bayan ng Bocaue.

Ang iba pang kandidato sa ikalawang distrito ay ang mga indipendienteng sina Jaime Villafuerte, Pancho Ordanes, Joseph Cristobal, at Antonio De Borja ng PDP-Laban.

Sa unang distrito, makakatungali ni Kinatawan Marivic Alvarado ng NUP ang indipendienteng si Sahiron Salim na isang dating opisyal ng pulisya.

Sa ika-apat na distrito ay makakatunggali ni incumbent Congresswoman Linabelle Ruth Villarica ng LP ang indipendienteng si Jovel Lopez.

Inaasahan namang magiging masaya ngunit mainit ang tunggalian sa pagkakongresista ng lone district ng San Jose Del Monte.

Ito ay dahil sa makakasagupa ng incumbent representative na si Arthur Robes ang mang-aawit at jukebox queen na si Imelda Papin.

Si Papin ay isinilang sa Presentacion, Camarines Sur at nahalal na Bise Gobernador ng nasabing lalawigan noong 1998.

No comments:

Post a Comment