Pages

Sunday, December 23, 2012

Ang Pasko ng pamilya ng nawawalang UP student




MALOLOS—Sa ika-anim na sunod na Pasko, tanging ang larawan lamang ni Sherilyn Cadapan ang makakapiling ng kanyang ama at ina sa hapag ng noche buena.

Ang kalagayang ito ay taliwas sa paggunita ng Pasko ng mas maraming pamilyang Pilipino kung kailan ay masayang magkakasama-sama ang bawat kasapi.

Ngunit para sa pamilya Cadapan, hindi mailalarawan ang kalungkutan.

Sa kanila nito, umaasa pa rin si Erlinda, ina ni Sherilyn na muling makakapiling ang kanyang anak.

Sa esklusibong panayam ng Mabuhay, inamin ni Erlinda ang kalungkutan.

“Bawat araw na nadagdag sa paghahanap sa kanya is a long agony,” sabi niya patungkol sa kanyang anak na si Sherilyn, isa dalawang mag-aaral ng University of the Philippines (UP) na dinukot ng mga armadong kalalakihan sa bayan ng Hagonoy noong Hunyo 2006.

Ang ikalawang mag-aaral ng UP ay si Karen Empeno na ang pamilya ay nagmula Bataan.

Ayon kay Erlinda, halos hindi nakakatulong ang gobyernod sa pag-aresto kay retiradong Heneral Jovito Palparan at sa paghahanap sa kanyang anak, ngunit umaasa pa rin siyang muli itong makikita.

“Kahit  hindi nakakatulong ang gobyerno sa paghahanap kay Palaparan at kay Sherilyn, may Diyos na tumutulong, kaya kung nasaan ka man Sherilyn, manatili kang matatag, magkikita pa rin tayo,” ani Erlinda.

Huling nakipiling ng Pamilya Cadapa sa pagdiriwang ng Pasko si Sherilyn noong 2005 o anim na buwan bago siya dukutin sa Hagonoy.

Mula noon, naglaho ang sigla ng paggunita ng pamilya sa Pasko.

“Yung picture na lang niya ang kasama naming sa mesa at yung picture pa ring iyon ang makakasama naming ngayong Pasko,” ani Erlinda at nagsimulang mabasag ang tinig..

Habang pinapahid ang luhang umagos sa mga mata, nagpahayag si Erlinda ng pagkadismaya sa patuloy na pagkukulang ng gobyerno sa pag-aresto kay Palparan na inakusahan niya na sangkot sa pagdukot sa kanyang anak.
Erlinda Cadapan, ina ni Sherilyn


Ayon kay Erlinda, si Palparan ay hindi pangkaraniwang pugante na nagtatago sa kamay ng batas.

Ito ay dahil sa kilalang kilala ang heneral ng mga ahensiya ng gobyerno na dapat maghanap at umaresto sa kanya,

“Yung ibang kriminal na hindi kilala ay nahuhuli, bakit si Palparan na kilalang kilala ay hindi makita,” ani Erlinda.

Dahil dito, nagpahayag din siya ng duda sa pulisya at maging sa kakayahan ng military na hulihin ang heneral.

Iginiit pa niya na isang taon na ang nakalipas matapos mahgpalabas ng warrant of arrest laban kay Palparan ang korte sa Bulacan.

Sa kabila naman ng di pagpapakita ng heneral ay nagpapatuloy ang pagdinig sa kasong kidnapping na isinampa laban sa kanya.

Dahil sa pagtatago ng henera na binansagang “Berdugo,” muli siyang hinamon ni Erlinda ng sabihing, “dati ang tapang mong humarap sa Kongreso at sabihing ikaw ang implementor ng Oplan Bantay Laya ni Gloria Arroyo, ngayon ay ipakita mo ang tapang mo at humarap sa korte at patunayan na ikaw ay inosente.”  (Dino Balabo)

No comments:

Post a Comment