Pages

Thursday, December 6, 2012

Ligtas, de-kalidad ang paputok na gawa sa Bulacan



LUNGSOD NG MALOLOS—Tiniyak ng Department of Trade and Industry (DTI) na ligtas at mataas ang kalidad ng mga paputok na gawa sa Bulacan.

Ito ay dahil sa 475 na paputok at pailaw na gawa sa Bulacan ang may product standard (PS) license mula sa nasabing ahensiya, bukod pa sa dagdag na 75 produkto na sumasailalim sa dagdag na pagsusuri upang magkaroon ng katulad na lisensiya mula sa Bureau of Product Standards (BPS).

Ayon kay Zorina Aldana, direktor ng DTI sa Bulacan, ang PS license ay isa sa mga garantiya na ang produkto sa ay de kalidad at ligtas.

“Those that applied and secured PS licensees are following the provisions of Republic Act 7183 or the Firecracker Law,” ani Aldana at iginiit na batay sa nasabig batas, ang mga paputok ay dapat lamang maglaman ng .2 gramo ng kemikal para sa paputok.

Gayunpaman, nilinaw niya na hindi lamang ang nilalamang kemikal ng bawat produktong paputok sa lalawigan ang batay ng pagiging de kalidad nito,

Ipinaliwanag ni Aldana na upang makakuha ang isang negosyante ng PS license, kailangang magsagawa ito ng maayos na proseso sa paggawa ng produkto, at pagkakaroon ng quality management system na umaayon sa pamantayang pambansa at pandaigdigan.

Dagdag pa ni Aldana, “there are also requirements on packaging and labelling. The manufacturer’s name and contact details plus safety labelling must be written on the product.”

Iginiit niya na ang mga nasabing requirement ay nakatuon sa pananagutan ng mga negosyante at isang daan upang ipabatid sa mga kostumer na ligtas at de kalidad ang produkto.

Batay sa tala ng DTI-Bulacan, umaabot na 475 produktong paputok at pailaw sa lalawigan ang may PS license.

Kabilang dito ang ibat-ibang uri ng fountain, aerial fireworks, sawa, judas belt, trompillo, roman candle, luces, Mabuhay fountain, Pagoda fountain at iba pa.

 Ayon kay Aldana, halos magkakapareho ang ilang produkto, nguniit magkakaiba ito ng disenyo.

Batay pa rin sa tala ng DTI, ang mga kumpanyang may PS license sa kanilang produktong paputok sa lalawigan ay ang Dragon Fireworks na nakabase sa bayan ng San Rafael, at Diamond Fireworks sa Pulilan na kapwa may tig-100 produktong may PS license.

Ang iba pa ay ang LF Fireworks sa San Ildefonso (80 produkto), Nation Fireworks sa Baliwag (25), SPM General Merchandise sa Bocaue (40) Pyro Kreation Fireworks sa Sta. Maria town (30), Platinum Fireworks sa Sta. Maria (50), at Phoenix Fireworks sa Sta. Maria (50).

Ang mga kumpanya namang may aplikasyon para sa PS license ay ang Z & N Nicolas Fireworks (20 produkto), ERCY Fireworks (20), A. Santiago Fireworks (10), Purity Fireworks (10) na pawang nakabase sa bayan ng Baliwag; at ang Double L Fireworks na nakabase sa bayan ng Pandi na may 15 produktong naka-aplay.  (Dino Balabo)

No comments:

Post a Comment