Pages

Saturday, December 1, 2012

Mamamahayag, mag-aaral nagsanib sa Bulacan sa paggunita sa Maguindanao massacre




MALOLOS—Hindi bababa sa 200 mamamahayag at mag-aaral ng ibat-ibang pamantasan sa Bulacan ang lumahok noong Miyerkoles ng gabi, Nobyembre 21 sa paggunita ng ikatlong taon ng Maguindanao massacre.

Kaugnay nito, isang mas malawakang pagkilos ang ang isinagawa sa Maynila noong Biyernes, Nobyembre 23 ng ibat-ibang samahan ng mamamahayag sa paggunita ng karumaldumal na pamamaslang at paggunita sa International Day to End Impunity.
Ang pagkilos ng mga mamamahayag sa Maynila ay tinampukan ng parada ng 153 kabaong bilang simbulo ng pamamaslang sa katulad na bilang ng mga mamamahayag sa bansa mula noong 1986.
 
“Dapat ng matigil ang pamamaslang sa mga mamamahayag dahil kawawa ang susunod na henerasyon,” sabi ni Rommel Ramos, ang vice chairman ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) Bulacan Chapter.
 
Inayunan din ito nina Carmela Reyes-Estrope at Shane Velasco na kapwa kasapi rin ng NUJP at kapwa guro sa pamamahayag sa Bulacan State University.

Binigyang diin pa nila na isa sa susi upang makaiwas sa pamamaslang ay ang pagiging responsableng mamamahayag.

Sa kanyang pahayag, binigyang pansin din ni Velasco na g lugar na pinaghdausan nito.

“Nasa harap tayo ngayon ng gusali ng Regional Trial Court at sumisigaw ng katarungan sa harap ng bantayog ng tatlong lalaking nagsulong ng La Solidadridad.

Ang kanyang tinutukoy ay ang bantayog nina Gat Jose Rizal, at mga Bulakenyong sina Gat Marcelo H. Del Pilar at Mariano Ponce.
Ayon kay Velasco, sa panahon ng tatlong bayni, ipinakipaglaban nila ang malayang pamamahayag, ngunit sa kabila nito, patuloy na hinahamon ang kasalukuyang salinlahi ng mga banta sa buhay ng mga mamamahayag.

 “Ang hamon sa atin at sa susunod na herasyon ay hindi lamang proteksyunan ang sarili, sa halip ay sikaping maging magaling at sikaping hindi matatapakan ang karapatan sa pamamahayag.
 
Binigyan diin pa niya na na sa hanay ng mga mamamahayag, ang kredibilidad ay tanging nagsisilbing lisensya sa pagpapatuloy ng pamamahayag,

Iginiit naman ni Nestor Torres ng UNTV 37 ang pagiging mapagkumbaba ng mga mamamahayag upang magsilbing modelo sa mga pamayanan.

Binigyang diin na mahalaga lamang ang buhay dahil sa tungkulin at ipinaalala sa mga kabataang mamamahayag ang tungkulin sa pamamahayag ng katotohanan.

Kaugnay nito, hindi itinago ni Ramos ang pagkadismaya sa pagwawalang bahala sa nasabing okasyon ng mas nakararaming mamamahayag sa lalawigan.

“Maraming kulang sa atin ngayong gabi” sabi ni Ramos at ipinaliwanag na mas maraming mag-aaral ang lumahok sa nasabing pagtitipon, ngunit iilan ang lumahok na mamamahayag.

Ayon kay Ramos, ipinakita sa kanya ng Provincial Public Affairs Office (PPAO) ang talaan ng mga mamamahayag sa lalawigan at ang bilang ay umaabot sa halos 500.

“Marami ang nagmamalaki na mahuhusay silang mamamahayag, ngunit kapag adbokasiya para sa malayang pamamahayag ang gagawin, nasaan sila,” sabi Ramos na siyang nagsisilbing station manager ng Radyo Bulacan.

Idinagdag pa niya na “siguro kung may pulitikong mamimigay ng pera dito, tiyak na mahaba ang pila nila.”

 Nagpahayag din ang mga mag-aaral na lumahok sa paggunita.

Ayon kay Rick Laurenz Enriquez, ang mga pamamaslang sa mga mamamahayag ay naghahatid ng pangamba sa kanila bilang mga mag-aaral ng pamamahayag.

Para naman kay Ehris Villafane, hindi sila magsasawa na makiisa sa katulad na paggunita upang patuloy na maimulat ang mga mga mamamayan sa lumalalang kultura ng impunity sa bansa.

Bilang isang mag-aaral ng Bachelor of Science in Information Technology, binigyang diin ni Joan Condero na bilang tao at estudyante na may karapatan din silang malaman ang nangyayari sa kanila, at ipaglaban ang tamang pamamahayag sa Pilipinas

Para naman kay Archieval Mariano ng Pace Setter, ang opisyal na pahayag ng Bulacan State University, sa pananahimik ng kabutihan, naghahari ang kasamaan.

Sinabi ni Mariano na hindi pa tapos ang laban ang katulad na paggunita sa mga pinaslang na mamamahayag ay bahagi lamang ng mas malawak na laban para sa malayang pamamahayag sa bansa.

Sa isang pahinang pahayag naman, hinamon ng NUJP Bulacan ang administrasyong Aquino na ”bigyang kahulugan, kulay at hubog ang kanyang pangako.”

Ipinalala rin ng NUJP sa Pangulo na “matagal ng tapos ang kampanya na tinatampukan ng pangako ng mga kandidato.  Oras na upang kumilos at makinig at patunayan sa sambayanang Pilipino na “kami ang Boss mo.”

Ayon pa sa NUJP-Bulacan, ang patuloy na pamamayagpag ng culture of impunity sa bansa at isang banta sa demokratikong lipunang pilit na itinataguyod at ipinakipaglaban sa noong 1896, 1945, at Edsa noong 1986.

“Kung ang pamamaslang sa mga mamamahayag ay magpapatuloy, anong kinabukasan ang naghinhintay sa mga mag-aaral ng pamamamahayag ngayon, at maging sa susunod na salinlahing Pilipino kung ang mga tagapaghatid ng balita at katotohanan ay namumuhay sa mundo ng takot,” ani ng NUJP sa pahayag na inilabas.

Iginiit pa nila na “bilang tagapaghatid ng balita’t impormasyon, ang mga mamamahayag ay dapat manatiling malaya hindi lamang sa impluwensiya ng makakapangyarihang diyos-diyosan, kungdi ay maging sa banta ng karahasan at pananakot.” (Dino Balabo)

No comments:

Post a Comment