Pages

Monday, December 24, 2012

SPECIAL REPORT (2/3): Nasaan ang mga isda? Ang unti-unting paglalaho ng samut-saring buhay sa baybayin ng Bulacan





CALUMPIT, Bulacan—Napailing si Caridad Robles habang binibilang ang perang kinita sa pagbebenta ng lutong ulam sa tanggapan ng Department of Justice (DOJ) sa lungsod ng Quezon.

Ito ay dahil sa tantiya niya ay kapos ang kanyang kinita para sa baon at panggastos ng kanyang dalawang anak na nag-aaral sa Bulacan Polytechnic College (BPC) at Buacan State University sa lungsod ng Malolos.

Bilang isa sa mga libo-libong Bulakenyang may asawang overseas Filipino worker (OFW), pinagtitiyagaan niya ang pagtitinda ng mga lutong isda at ba pang lamang dagat sa ibat-ibang tanggapan sa kalakhang Maynila tatlong beses isang linggo.

Sa kanyang pagsisimula ng pagtitinda may anim na taon na ang nakakaraan, maganda ang kanyang kita dahil nakakabili siya ng paninda sa punduhan ng bayan ng Hagonoy sa mababang halaga.

Ngunit ang sitwasyong ito ay unti-unting nagbago sa patuloy ng pagbaba ng produksyon ng isda sa lalawigan, partikular na mga huli sa karagatan sa mga nagdaang taon.

Ang kalagayang ito ay hindi maitatanggi dahil maging mga biyahera at tindera ng isda sa bayan ng Hagonoy ay napapansing ang karaniwang isda na kanilang naititinda sa bawat araw ay mga ionalagaan, lumaki at huli sa mga palaisdaan, samantalang ang dating masagang huli sa karagatan ay unti-unting naglalaho.

Ito ang isa samga pangunahing dahilan ng pagtaas ng presyo ng isda at patuloy na pagliit ng kinikita ng mga maliliit na tinderang katulad ni Robles samantalang patuloy na tumataas ang bilihin at lumalaki ang gastos ng pamilya.

“Kailangang magtiyaga, kasi kung aasa lang sa padala ng mister ko ay hindi makapag-aaral ang mga bata, sa ganitong paraan, kahit pang-araw-araw na gastos o baon ay kinkita na,” sabi niya.

Ang pagbaba ng produksyon ng isda ng Bulacan ay isinisisi ng mga mangingisda, opisyal at mamamayan sa patuloy na polusyon sa kailugan.

Ito, ayon sa mga opisyal ay sanhi ng kawalan ng disiplina sa pagsisinop ng basura at kawalan ng matinong programa ng pamahalaan para sa pagpapatupad ng solid waste management.

Katunayan, patuloy pari ang operasyon ng mga dumpsites sa maraming bayan sa lalawigan  samantalang itinatakda ng batas na dapat ay sanitary land fill (SLF) na ang gamitin.

Para naman sa mga maliliiit na mangingisda at namamalaisdaan, isa sa mga pangunahing sanhi ng polusyon ay ang sobrang paggamit ng aqua feeds ng mas malalaking palaisdaan na kinumpirma naman ng Integrated Services for the Development of Aquaculture (Isda), ang samahan ng malalaking namamalaisdaan sa Bulacan at iba pang lalwigan sa Gitnang Luzon.

Gayunpaman, sinabi ni Lito Lacap, tagapangulo ng Isda na kinikilala ng kanilang mga kasapi ang paggagalik sa tradisyunal na pamamaraan ng pamamalaisdaan kung saan ay tampok ang hinndi paggamit ng aqua feeds sa pagapapalaki ng isda sa pagitan ng bawat pag-anii.

Bilang isang lalawigan sa baybayin ng Manila Bay, ang Bulacan ay isa sa mga nangungunang lalawigan sa bansa sa larangan ng produksyon ng bangus mula sa mga palaisdaan.

Bukod dito, isa rin ang Bulacan sa tatlong pangunahing lalawigan sa produksyon ng talaba, tilapia at mga sugpo, ayon sa tala ng Bureau of Agricultural Statistics (BAS) sa pagitan ng 2001 at 2004.

Ngunit ayon sa matatandang mangingisda at namamalaisdaan sa lalawigan, ang kasaganang ito ay hindi maikukumpara sa kasaganaang hatid ng galanteng karagatan sa mga nagdaang dekada.

“Noon, hindi ka na lalayo sa baybayin ng dagat at mapupuno na ang bangka mo” ani Rodolfo Cabangis,59, isang mangingisda mula sa Barangay Pugad ng bayan ng Hagonoy patungkol sa pangingisda sa baybayin ng Manila Bay noong dekada 50 hanggang 70.

Ngunit ngayon, ang mga mangingisda sa bayang ng Hagonoy ay nakakarating sa bukana ng Manila Bay sa Isla ng Corregidor upang mangisda dahil sa halos wala ng mahuli sa baybayin ng Bulacan.

Ipinagmalaki pa niya na kahit pamamalakaya lamang ang hanapbuhay noon ay nakakayang pag-aralin ng mga magulang ang kanilang mga anak hanggang kolehiyo.

Ngunit dahil sa masaganang biyaya mula sa karagatan, marami namang kababata niya ang naging kampante sa pamumuhay at mas minabuting maging mangingisda, sa halip na magtapos ng pag-aaral.

Bilang isang mangingisda sa halos 30 taon, sinabi ni Cabangis na may mga pagkakataon sa mga nagdaang panahon na halos lumubog ang kanilang bangka sa dami ng mga isdang nahuhuli sa karagatan.

Kabilang dito ang mga isdang dalagang bukid, sapsap, maya-maya, kanduli, apahap, mamamale, kitang, maging mga alimasag, pusit, galunggong at marami pang iba.

“Marami nahuhuli noon, napakarami ng kabuhayan noon, mamimili ka ng huhulihin noon at yung maliiit itinatapon lang namin, pero ngayon ultimo dulong hinuhuli ngayon,” sabi niya at iginiit na maging ang maliliit na isda na tulad ng dyako at langaray na dati ipinakakain sa manok at baboy ay tinutuyo na rin at ibinebenta.

Inayunan ito ni Carlos Garcia, isang namamalaisdaan sa bayan ng Bulacan na nagsilbi rin Kapitan ng Barangay Perez.

Ayon kay Garcia, sadyang masagana ang isda sa karagatan noong dekada 60 kaya’t maging sa kailugan ng Bulakan ay sagana ang mga ito.

“Dati kahit sa likod ng munisipyo ng Bulakan ay maraming nahuhuling alugasin, pero ngayon, kahit tilapia ay pailan ilan na lamang.

Ilan sa sinisi nila sa pagliit ng pagiging maramot ng karagatan ngayon ay ang patuloy na pagdumi ng tubig sa karagatan at kailugan.

Hindi rin lingid kina Gob. Wilhelmino Alvarado at Bise Gobernador Daniel Fernando ang pagbabago sa kailugan.

Sa panayam, ikinuwento ng dalawng pinakamataas na opisyal sa lalawigan ang kanilang karanasan noong kanilang kabataan.

Ayon kay Alvarado, sa ilog ng Barangay Sto. Rosario sa bayan ng Hagonoy noong sila ay bata pa.

“Iyon ang aming swimming pool noon, malinaw at malinis ang tubig noon,” ani ng gobernador at iginiit pa na maging sa ay maraming nahuhuli sa kailugan ngayon.

Ngunit bukod sa pagiging malinis ng ilog noong siya ay bata, binigyang diin din ni Alvarado ang samut-saring halaman dati ay tumutubo sa mga gilid ng ilog.

“Dati ay may mga diliwaryo, kulasi, sasa, palapat, bakawan at balanggot sa gilid ng ilog,” sabi niya at idinagdag na ito ay napalitan na ng mga bahay.

Para naman kay Max Crisostomo, ang pangulo ng Hagonoy Municipal Cooperative Development Council (MCDC), hindi lamang ang pagtatatayo ng mga bahay ang sanhi ng pagkaubos ng mga samut-saring halamang nabubuhay sa gilid ng mga ilog na nagiging tahanan at itlugan ng mga isda at iba pang lamang tubig.

Ipinaliwanag ni Crisostomo na ang pagpapalawak ng mga palaisdaan ay isa sa mga dahilan ng pagkaubos ng mga ibat-iang halaman sa mga gilid ng ilog.

Sinabi niya na ang mga pilapil ng palaisdaan ay dating natataniman ng mga punong kahoy, ngunit sa paglipas ng panahon ang mga ito ay hinawan ng mga namamalaisdaan upang hindi mapagkublihan ng mga magnanakaw ng isda sa palaisdaan kung gabi.

Igniit pa ni Crisostomo bukod sa mga isda, maging mga ibon at iba pang hayop ay naapektuhan ng pagkaubos ng mga punong kahoy tulad ng bakawan sa mga pilapil ng palaisdaan.

Kabilang dito ay ang ibat-ibang uri ng ibog kabilang ang Philippine Mallard o Philippine wild duck na dati sa marami ang matatagpuan sa baybayin ng Bulacan.

Bukod sa mga bakawan, hinawan din ang mga sasahan sa bayan ng Paombong upang bigyang daan ang produksyon ng mga isda sa palaisdaan.

Isang epekto naman nito ang pagbaba ng produksyon ng suka mula sa sasa kung saan ay mas nakilala ang bayan ng Paombong, kaya’t sa kasalukuyan malaking porsyento ng sukang ibinebenta sa nasabing bayan ay nagmumula na sa lalawigan ng Quezon.

Para naman kay Fernando, nakakahigit ang kawalan ng disiplina sa pagsisinop ng basura sa lalawigan.

Ikiunuwento niya na noong siya ay isang tinedyer sa Barangay Tabang sa bayan ng Guiguinto, palagi silang naliligo sa patubig sa Barangay Santor at Barangay Look 2nd sa katabing lungsod ng Malolos.

Ngunit ngayon, halos hindi na mapaliguan ang nasabing patubig at ayon kay Fernando maging ang mga kailugan ay nakakahalintulad na rin ng basurahan.

Ito ay hindi itinanggi ni Abogado Henry Villarica, ang asawa ni Kinatawan Linabelle Ruth Villarica ng ika-apat na distrito ng Bulacan.

Ayon sa abogado, noong bata sila ay sa ilog sila ng Marilao naliligo, ngunit nagyon, kahit matilansikan lang siya ng tubig mula sa nasabing ilog, siya ay parang nadidiri dahil sa dumi nito.

Ang pahayag ni Abogado Villarica ay hindi maitatanggi dahil noong 2008, ang kailugan ng Marilao-Meycauayan-Obando ay napabilang sa 30 pinakamaruruming lugar sa buong mundo.

Ang polusyon naman sa nasabing kailugan ay isinisi sa halos 100-taon ng kapabayaan at pag-abuso ng mga pabrika ng sapatos, alahas at battery recycler na dati’y nagpapatapon ng waste water sa kailiugan.

Batay sa tala ng Department of Environment and Naturl Resources (DENR), ang nasabing kailugan kasama ang mga ilog ng Bocaue, Balagtas at Guiguinto ay nakakabilang sa mga ilog na “biologically dead.”

Ang kalagayang ito ay hindi nalihim kay Inhinyero Herminio Del Rosario, kaya’t minabuti nilang mag-asawa na ibenta ang minanang palaisdaan ng kanyang maybahay sa Barangay Saluysoy Meycauayan.

“Hindi na mapakinabangan, hindi na halos makabuhay ng isda,” ani ng Inhinyero.

Sa iba pang bayan sa lalawigan, lumalaki rin ang posibilidad na mabenta ang mga bukirin at palaisdaan dahil sa pananaw ng mga magsasaka at namamalaisdaan ay lumipas na ang panahon ng pagiging produktibo nito.

Ang pananaw na ito ay kumikilala sa kalagayan ng patuloy na polusyon sa tubig.

Sa kalagayang ito, ang mga higit na apektado ay ang mga maliliit na mangingisdang katulad ni Cabangis at tinderang katulad ni Robles.

Ito ay dahil sa hindi sila katulad ng mga namamalaisdaan na maaaring ibenta ang palaisdaang pinagkukunan ng kabuhayan.

Dahil hindi naman maibebenta ni Cabangis karagatang dating pinagkukunan ng kabuhayan, lumipat na siya ng hanap buhay.

Sa kalagayan naman ni Robles, umaasa siya na kapag nakatapos ang kanyang mga anak sa kolehiyo ay hindi na siya masyadong dedepende sa pagtitinda ng lutong isda sa mga tanggapan sa kalakhang Maynila.

Ang malaking tanong ngayon ay saan kukuha ng kabuhayan ang susunod na salinlahi ng mangingisda at tindera ng isda kung patuloy na mawawasak ng polusyon ang katubigang pinagkukunan ng kabuhayan ng kasalukuyang salinlahi?  (Dino Balabo)

(PAALALA MULA SA PATNUGOT:  Ito ang ikalawa sa tatlong ulat na bunga ng pagsasaliksik ng may akda bilang isa sa mga kalahok sa Environmental Investigative Reporting Fellowship sa ilalim ng International Women's Media Foundation (IWMF) na nakabase sa Washington DC, USA.  Ang may akda ay isa sa 10 mamamahayag na sumasalalim sa isang taong fellowship training na nagsimula noong Hunyo).

No comments:

Post a Comment