Pages

Sunday, January 27, 2013

Katiwalian tutuldukan, ani PNoy




MALOLOS—Muling tiniyak ni Pangulong Benigno Aquino III na tutuldukan niya ang katiwalian sa gobyerno at binigyang diin na ang adhikain ng kanyang administrasyon ay sumasalamin sa prinsipyo ng Unang Republika ng Pilipinas.

Ito ang buod mensahe ng Pangulo na binasa ni dating Senador Ramon Magsaysay Jr., sa ika-114 guning taong pagdiriwang ng pagpapasinaya sa Unang Republika ng Pilipinas na isinagawa sa makasaysayang Simbahan ng Barasoain sa lungsod na ito noong Enero 23.

“Sa tingin ko po ay malinaw na sa lahat na walang puwang para panglalamang ang tuwid na landas.Papanagutin natin ang mga nagsamantala sa katungkulan at kapangayarihan. Sisiguruhin natin na ang interes ng marami ang ating isinusulong, at gagawin natin ang lahat upang tuldukan ang katiwalin upang magdulot ng kaunlaran,”  sabi ng Pangulo sa kanyang mensahe na binasa ni Magsaysay.

Nagbabala rin siya na posibilidad na magbalik sa madilim na kabanata ng kasaysayan ang bansa kung ang mga mamamayan ay mananatiling manhid at magsasawalang kibo sa pag-abuso ng mga opisyal ng pamahalaan.

Hinikayat din ng Pangulo angmga mamamayan na laging alalahanin ang kahalagahan ng kalayaan at Saligang Batas bukod sa “kailangan ang pakikiisa ng bawat Pilipino upang maipagpatuloy ang positibong bunga ng pagtahak sa tuwid na daan.”

Sa nasabing mensahe, nagbalik-tanaw ang Pangulo sa pagtatag ng Unang Republika na tinapukan ng pagbuo ng Saligang Batas na pinagtibay ng Kongreso ng Malolos.

Sinabi niya na 70 pangunahin pinuno sa bansa noong panahong iyon ang nagtipon sa Barasoain at pinagkasunduan ang pangangalaga sa kalayaan.
Sa pagpapatibay nhg Saligang Batas ng Malolos ay iniluwal ang Unang Republika ngv Pilipinas na ayon sa Pangulo ay “sagisag ng katuparan ng mga pangarap na ipinaglaban ng ating mga bayani.”

Binigyan diin niya ang tatlong pangunahing elemento ng pagkakatatag ng Unang Republika: “ang pagkalas mula sa tanikala ng dayuhan, mamumuhay na malaya at nagsasarili, at pagpapatunay sa mundo na ang Pilipinas ay para sa Pilipino.”

Bukod dito ipinaalala niya ang kahalagahan ng Saligang Batas na pinagtibay sa Malolos dahil  “nakapaloob dito ang mga tuntunin na dapat sundin, nagsilbi ito bilang batayan kung paano natin tutuparin ng marangal at mahusay ang tungkulin natin bilang mamamayan at linggkod bayan.”

Ayon sa Pangulo ang pagtukoy sa karapatan ng mamamayan at ng mga namumuno ay ang “ang diwa ang pagkakapantay panatay natin” dahil “bilang mamamayan nagpapailalim tayo sa iisang batas na susundin ng lahat mayaman o mahirap.”

Ngunit sa paglipas ng panahon, may mga taong nagtangka na baluktutimn ang Saligang Batas at tinangkang gamitin ito sa kanilang pansariling interes.

Ayon sa Pangulo hindi magtatagumpay ang mga nagtatangkang baluktutin ang batas, dahil sila ay pipiglan.

Bukod dito, sinabi niya na patuloy ang pagsisikap ng pamahalaan upang lalo pang mapatingkad pa ang demokratikong sistema ng ating bansa na ang ganap na kapangyarihan ay nagmumula at angkin ng sambayanang Pilipino.

Tiniyak din ng Pangulo sa kanyang mensahe na “hindi natin bibiguin ang tiwala ang taumbayan, nakahanda tayong ipagtanggol ang bansa anumang banta at peligro. Ngayon isang bansa tayong may sariling soberanya may sariling batas, pamahalaan at pagkakakilalanlanI Ito ang kongkretong patunay sa tagumpay mga pinunong nakipaglaban para sa ating kalayaan.”  (Dino balabo)

No comments:

Post a Comment