Pages

Friday, April 12, 2013

5 patay, P100-M natupok sa 2 sunog






BALAGTAS, Bulacan—Lima katao ang nasawi sa magkahiwalay na sunog na tinatayang tumupok ng mahigit sa P100-milyong ari-arian sa Bulacan noong Linggo, Abril 7.

Ang dalawang sunog ay naganap sa pagitan lamang ng 12 oras. Ang una ay naganap sa Barangay Lolomboy sa bayan ng Bocaue bandang alas-2 ng madaling araw; at ang ikalawa ay sa katabing bayan ng Balagtas kung saan ay nasunog ang pamilihang bayan sa kahabaan ng MacArthur Highway bandang alas-2 ng hapon.

Ang dalawang sunog ay naganap pitong araw matapos masunog ang isang bahay sa bayan ng Hagonoy noong Marso 31o Linggo ng Pagkabuhay.

Ang mga biktima sa bayan ng Bocaue ay nakilalang sina Rodolfo Dela Cruz, 61; ang kanyang maybahay na si Felicita, 51; mga anak na sina Frian, 16; Francis, 11 at apo na si Checy, 11.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP) ang sunog ay umabot ng ikalawang alarma.

Kasalukyang nahihimbing sa tulog ang mag-anak nang maganap ang sunog kaya naipit sila sa loob ng bahay.
Ayon sa mga saksi, malaki na ang apoy nang kanilang makita, gayun pa man, agad silang tumawag ng bumbero.

Batay sa pagtaya ng BFP, umabot sa P500,000 ang halaga ng pinsala.

Sa bayan ng Balagtas, tinupok ng apoy ang palengke sanhi ng sunog na nagsimula bandang alas-2:30 ng hapon.


Tinayang umabot sa P100-M ang halaga ng napinsala sa nasunog na palengke . Umabot sa general alarm ang sunog, ngunit wala pang naiulat na nasaktan.

Ayon sa mga saksi, nagsimula ang sunog sa gawing gitna ng palengke kung saan ay matatagpuan ang isang pawnshop.

Mabilis na na kumalat ang apoy at tinupok agad nito ang 90 porsyento ng palengke matapos lamang ang mahigit isang oras.

Nagbunga ng pagkakabuhol ng trapiko ang sunog dahil ang palengke ay matatagpuan sa kahabaan ng MacArthur Highway.

Dahil naman sa sunog, malaking problema ang hinaharap ng mga tindera sa palengke.

Ang insidente ay ikatlo sa Bulacan sa loob lamang ng isang linggo.

Matatandaan na isang bahay ang nasunog sa bayan ng Hagonoy noong umaga ng Linggo ng Pagkabuhay.

Ang palengke naman ng Balagtas ay ikatlong palengke sa lalawigan na nasunog mula noong 2010.

Noong Agosto 2010,nasunog ang palengke ng Hagonoy at noong Agosto 2012 nasunog ang palengke ng Malolos.Rommel Ramos at Dino Balabo

No comments:

Post a Comment