Pages

Friday, April 12, 2013

Lubog na ang Aroma Beach ngunit tigib ng alaala





HAGONOY, Bulacan—Punta tayo sa Aroma Beach!

Ito ang karaniwang maririnig kung tag-araw sa mga kabataan sa bayang ito ilang dekada na ang nakakaraan.

Ang kanilang tinutukoy ay ang isang mabuhanging paltok sa baybayin ng bayang ito sa pagitan ng mga islang barangay ng Pugad at Tibaguin.

Libre ang paliligo sa Aroma Beach na ang pangalan ay hango sa halaman sa tabing dagat na ang tinik ay may isa hanggang dalawang pulgada ang haba.

Dahil nasa baybayin ng dagat, ang Aroma Beach na ayon sa matatandaan nag-iisang beach sa lalawigan, ay nararating lamang sa pamamagitan ng bangkang de motor.


Ito ay hindi kakatwa dahil sa kabila na ang lalawigan ng Bulacan ay may baybaying dagat, ito ay napapaligiran ng mga palaisdaan.

Para sa mga residente ng bayang ito sa baybayin ng look ng Maynila, ang Aroma Beach ay isang paraisong paliguan kung tag-araw.

Bukod sa libre ang paliligo doon, maaari pang makahuli ng mga isdang dagat o kaya mangapa ng mga talaba at alimasag na naiuulam o napupulutan ng mga dumarayo.

“Mahirap malimutan ang Aroma Beach, naging bahagi na iyan ng aming kabataan,” sabi ni Manolito Fabian, 43, dating residente ng Barangay Mercado na ngayon ay nakatira sa bayan ng Paombong.

Inayunan din ito ni Inhinyero Bernardo Vicente ng Maynilad Water Services Incorporated na dating nakatira sa barangay Sta. Monica ng bayang ito ngunit ngayon ay nakatira sa bayan ng Plaridel.

Ikinuwento ni Vicente na bilang dating mag-aaral ng St. Anne’s Catholic High School (SACHS) sa bayang ito, nakarating siya Aroma Beach noong siya ay nasa high school nong huling bahagi ng dekada 80.

Ang mga karanasan nila at alaala sa nagdaang panahon patungkol sa Aroma Beach at dala pa rin nila sa muling pagbisita sa nasabing lugar noong Linggo, Marso 31.

Ngunit ang mga matulain larawang nakintal sa kanilang isipan ay naglaho.

Ito ay dahil sa ang dating mabuhanging paltok na tinatawag na Aroma Beach ay lumubog na sa tubig dagat.

Sa paglusong nina Fabian at Vicente sa dating paltok ng Aroma Beach, umabot sa leeg nila ang tubig ng dagat.

Ngunit katulad sa nagdaang panahon, nadoon pa rin ang kanilang kasiyahan na marating at makapaligo sa Aroma Beach kasama ang kanilang mga kaklase noong High School sa SACHS na ngayon ay tinatawagng St. Anne’s Catholic School (SACS).

“Talon na, mababaw naman, kayang kaya natin ito,” ang pag-aanyaya ni Fabian sa mga kaklaseng noo’y nakasakay pa sa bangkang malaki.

Matapos magtanong sa piloto ng bangka, nagtalunan na rin sa tubig ang mga kaklase niyang sina Froilan Alvarado, Roderick Dela Cruz, Alfredo Lunes, Arnel Sebastian, at Emelito Villanueva.

Siyempre, habang nagsisipaligo panay naman ang kuha ng larawan ng mamamahayag na ito na kaklase rin nila.

Nakasabay rin nilang maligo ang isang pangkat ng mga bakasyunistang nagmula pa sa Lungsod ng Malabon na dumayo sa Aroma Beach sakay din ng isa pang malaking bangka.

Nandoon din ang mga kabataang residente ng Barangay Pugad at Tibaguin na mga nagsipagpasikat sa pagta-tumbling sa tubig mula sa balikat ng kanilang kasama.

Katulad noong kanilang kabataan, nagkayayaan ang magkakaklase na mangap sa baklad na pag-aari ni Lunes na isang kagawad ng Pugad.

Nanguna si Fabian na buong kasiyahang nanisid ng huli sa baklad, ngunit sa kanyang paglitaw ay isang maliit na alimangong bato ng nakasipit sa kanyang hinlalaki.

Lalong nadagdagan ang kasiyahan ng magkakaklase at nagpatuloy si Fabian sa paninisid. Sa muling paglitaw niya at isang kanduli naman ang hawak.

 Sa panayam, nagbalik tanaw si Lunes sa dating kalagayan ng Aroma Beach.

Ikinuwento niya malaki na ang nabago sa bayabayin ng Bulacan.

Ayon kay Lunes, noong dekada 80, kahit maglakad ka ng isang kilometro sa dagat ay hanggang bewang lang ang tubig, ngunit ngayon, sa dating paltok ay hanggang leeg ang tubig.

Sinabi niya na nagsimulang lumubog ang Aroma Beach nong kalagitnaan ng dekada 90.

Batay sa mga naunang pahayag ng mga dalubhasa, ang paglubog ng baybaying dagat katulad ng Aroma Beach ay sanhi ng pagtaas ng tubig sa dagat na dulot ng pagkalusaw ng mga niyebe sa mas malalamig na bansa.

Bukod dito, sinasabi rin ng mga dalubhasa na ang baybayin ng Bulacan ay lumulubog dahil sa land subsidence o paglubog ng lupa.

Ito ay sanhi raw ng sobrang paghugot ng tubig mula sa ilalim ng lupa o ground water na pinadadaloy ng water district sa bawat tahanan.

Dahil sa mga kalagayang ito, ang kabuhayan sa baybaying dagat at lumiiit, maging ang posibilidad ng turismo.

Gayunpaman, ilan ang nagpapayo na sa kabila na lubog na ang Aroma Beach ay maaari pa rin itong maging destinasyon ng mga turista sa lalawigan.

Ayon kina Alvarado at Vicente, ang kailangan lamang ay makabuo ng tour packages kung saan ang mga turista ay susunduin ng malaking bangka mula sa kabayanan ng bayang ito upang marating at makapaligo sa Aroma Beach.  Dino Balabo

1 comment:

  1. Maari po bang makahingi ng lumang larawan ng Aroma Beach?

    Ako po ay nagtungo dito nito lamang nakaraang Mayo.., ang iinaakala kong bakawan lamang ay parte pala ng dating Aroma Beach. . . .

    ReplyDelete