Pages

Saturday, June 22, 2013

3rd Regional ASEAN Dengue Day, gaganapin ng DOH sa Bulacan



Ni Shane Frias Velasco


LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan,--Umulan man o umaraw, tuluy na tuloy sa darating na Lunes ang pagdadaos ng 3rd Regional ASEAN Dengue Day sa lalawigan ng Bulacan. Pangungunahan ito ni Department of Health (DOH) Assistant Secretary Eric Tayag na sesentro sa kampanya na pag-ibayuhin ang 4 o’clock habit na paglilinis ng mga lugar na posibleng pinamumugaran ng lamok.

Ayon sa Provincial Health Office (PHO), hanggang nitong Hunyo 1, 2013, umabot sa 960 na pinagsususpetsiyahang kaso ng Dengue ang naitala sa Bulacan na may dalawang napaulat na namatay. Ipinaliwanag naman ni Dr. Joy Gomez na bagama’t ganito ang datos ng kaso sa lalawigan ng nasabing sakit, pababa naman aniya bilang ng dinadapuan ng Dengue mula sa 299 noong Enero, 216-Pebrero, 159-Marso, 128-Abril at 104 nitong nakaraang Mayo.

Patuoy namang nagtala ng pinakamaraming kaso ng Dengue ang lungsod ng San Jose del Monte, na may pinakamataas na populasyon sa 21 bayan at tatlong lungsod sa Bulacan, na umabot sa 153. Pangalawa naman ang mga lungsod ng Meycauayan na 120, sinundan ng Malolos na 101 at 93 sa bayan ng Sta. Maria.


Nabuo ang pagdadaos ng ASEAN Dengue Day mula nang pagtibayin ng mga lider ng mga bansang kasapi sa Association of South East Asian Nations (ASEAN) noong 2011, na magkaisa ang mga bansa at bumuo ng mekanismo upang mabawasan ang bilang ng mga namamatay sa sakit na Dengue. Layunin din nito na isulong ang kalinisan sa lahat ng lugar at pagkakataon lalo na ngayong tag-ulan.

Samantala, bilang bahagi ng 3rd Regional ASEAN Dengue Day, nakatakda ring magsagawa ng pagbabahay-bahay si Asec. Tayag sa isang barangay upang tiyakin na sumusunod ang mga mamamayang Bulakenyo sa 4 o’clock habit. Inaasahan din na pangungunahan ng katwuang na kalihim ang pagsayaw ng Stop, Look and Listen. 

Ani Dra. Gomez, “ ang ibig sabihin ng Stop, huminto at itapon lahat ng bagay na pinagtataguan ng lamok tulad ng mga tubig sa mga flower bases, LOOK, kapag alas 4 ng hapon, doon gawin ang mas malawak na paglilinis dahil sa oras na ito nagsisimulang mamugad ang mga lamok. At makinig,  LISTEN, sa mga ahensiya ng pamahalaan, lokal o nasyonal kung paano mas magiging epektibo pa ang paglaban sa sakit na Dengue.” (SFV/PIA-3/BULACAN)

No comments:

Post a Comment