Pages

Saturday, August 10, 2013

Tigil mula ang pagtatayo ng pabahay sa SJDM





LUNGSOD NG SAN JOSE DEL MONTE, Bulacan—Tigil muna ang pagtatayo ng mga bahay para sa mga pamilyang iskwater o socialized housing sa lungsod na ito matapos magdeklara ng moratorium.

Gayunpaman, sa kabila ng moratorium na matatapos sa Abril 2014, magpapatuloy ang paglilipat ng mga pamilyang iskwater mula sa kalakhang Maynila patungo sa lungsod na ito nagsimula mahigit 50 taon na ang nakakaraan.

Kaugnay nito, ipinahayag ni Gob. Wilhelmino Alvarado ang patuloy na pagsuporta sa programa ng administrasyong Aquino hinggil sa paglilipat sa lalawigan ng mga iskwater mula sa kalakhang Maynila.

Dahil sa moratorium sa SJDM, inialaok niya ang ibang bayan sa lalawigan upang mapaglipatan, ngunit binigyang diin niya na kailangan ang pakikipag-ugnayan sa mga pamahalaang lokal at pagsunod sa mga itinatakda ng kasalukuyang land use plan o gamit ng lupa.

Ayon kay Eduard Ignacio, ang administrator ng lungsod ng SJDM, ang moratorium ay ipinabatid ni Mayor Reynaldo San Pedro kay Kalihim Mar Roxas ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa isang pulong na isinagawa sa lungsod na ito noong Lunes, Agosto, 5.

Ang pulong na isinagawa matapos ihatid ni Roxas at nina Social Welfare Secretary Dinky Soliman at Public Works Secretary Rogelio Singson sa lungsod na ito ang 87 pamilyang iskwater mula sa Lungsod ng San Juan sa kalakhang Maynila.

Ang mga nasabing pamilya ay inihatid sa San Jose Heights, isang proyektong pabahay ng National Housing Authority (NHA) sa Barangay Muzon.


Nilinaw ni Ignacio na ang pansamantalang ipinatitigil ng moratorium ay ang reklasipikasyon o pagsasalin ng gamit ng lupa sa lungsod upang pagtayuan ng mga socialized housing projects.

Ang mga socialized housing project ay karaniwang pinaglilipatan ng mga iskwater at maralitang mga taga-lungsod,

Ayon kay Ignacio, ang moratorium ay may bisa hanggang sa katapusan ng Abril sa susunod na taon, maliban na lamang kung ito ay paiikliin o higit na palalawigin ng Sangguniang panglungsod na naunang nagpatibay nito.

 Iginiit pa niya na layunin ng moratorium na pansamantaolang pabagalin ang paglobo ng populasyon ng SJDM na ayon sa 2010 census ay nasa 454,000 na ngunit ngayon ay tinatayang umaabot sa 730,000.

“Sobra na talaga ang laki ng populasyon naming,punong-puno na ang San Jose,” ani Ignacio at iginiit na hindi sila nawawalan ng problema sa paghahatid ng socialservices dahil sa kinakapos ng pondo.

Bukod dito, mga iskwater lamang ang inililipat sa SJDM, at hindi ang pondo na nakatakda sa mga ito mula sa pinagmulang pamahalaang lokal. Dino Balabo

No comments:

Post a Comment