Pages

Saturday, September 28, 2013

BANGKA: Mabentang produkto sa mga lugar na laging binabaha





CALUMPIT, Bulacan—Hindi nakaranas ng pagbaha si Ernesto Robles sa loob ng mahigit 10 taong pamamalagi sa Gitnang Silanganbilang isang overseas Filipino worker (OFW).

Ngunit sa unang walong buwan niyang pamamalagi sa bayang ito matapos siyang umuwi noong Enero, muli niyang naranasan ang baha na tumagal ng halos isang buwan.

Ito ay dahil sa ang kanilang tirahang lugar—ang Sitio Pulo sa Barangay San Jose ng bayang ito ay nagsisilbing catch basin ng bahang hatid ng ulan at pag-apaw ng Ilog Angat.

Bilang bahagi ng kanyang plano sa tuluyang pananatili sa bayang ito, plano na rin ni Robles ang bumili ng isang bangka bilang bahagi ng adaptasyon sa taon-taong pagbaha.

Dahil dito, binisita niya ang tindahang nagbebenta ng bangkang yari sa fiberglass sa Barangay Bulusang ito noong Sabado, Setyembre 7.

“Kailangan mag-adjust kami, kawawa yung mga bata kapag pumapasok sa eskwela, nababasa sa baha,” sabi ni Robles patungkol sa kanyang dalawang anak na kasalukuyang nag-aaral sa kolehiyo.

Ngunit sa plano ni Robles,hindi lamang ang mabigyan ng maayos na transportasyon ang kanyang dalawang anak kung panahon ng pagbaha.

Pinag-iisipan na rin niya ang paggamit sa bangka bilang bahagi ng kanyang bagong hanapbuhay.

Dahil dito, pinagpaplanuhan niya ang pagbili ng mas malaking bangka na yari sa fiberglass at kanyang itong palalagyan ng makina upang magamit bilang passenger boat o pampasahero.

Sa kalagayang ito, inaasahang aabot sa P25,000 hanggang P30,000 ang magagasatos ni Robles.

Ayon kay Editha Banag, isang negosyanteng nagtitinda ng bangka sa Barangay Bulusan, ang isang bangkang may habang 16 na talampakan ay nagkakahalaga ng P9,000.

Ito ay may kakayahang magsakay ng hangagng pitong pasahero.

Ang mas mahaba naman na may sukat na 24 na talampakan na makapagsasakay  hanggang 12 pasahero ay nagkakahalaga ng P14,000.

Hindi pa kasama ang makina sa nasabing presyo ng dalawang nabanggit na bangka.

Ayon kay Banag, nagsimula silang magbenta ng bangkang yari sa fiberglass sa Barangay Bulusan mahigit tatlong taon na ang nakakaraan.

Ang mga bangkang kanilang ibinebenta ay gawa sa Lungsod ng San Fernando sa lalawigan ng Pampanga.

“Palagi na kasing binabaha ang Calumpit kaya naisipan naming magbenta ng bangka,” sabi niya.

Iginiit pa ni Banag na nitong nakafraang Agosto kung kailan ay muling lumubog sa baha ang bayang ito, umabot sa 10 ang kanilang naibenta.

Ikinuwento rin niya na naubos ang kanilang bangkang itinitinda, kaya ang bangkang gamit ng kanyang pamilya ay naibenta rin.

Ito ay dahil sa pagpi[pilit ng isang kostumer sa bayan ng Hagonoy na bilhin ang kanilang bangka.

“Sabi niya, kailangang-kailangan nila ng bangka, di daw pwede na kami lang ang mabubuhay,” sabi ni Banag ng may ngiti.


Sa mas naunang pahayag, sinabi ni dating Senador Orlando Mercado,ang kasalukuyang secretary general ng Eastern Regional Organization for Public Administration (EROPA) na an gmga taong nakatira sa mga lugar na palagiang sinasalanta ng kalamidad ay natuto ng mag-adapt sa sitwasyong pinalulubha ng epekto ng climate change.

Ngunit ang adaptasyon ng mga mamamayan sa climate change ay nakadepende sa kakayahang pinansiyal ng mga ito.

Ang mga may sapat na pera ay nagagawang lumipat ng tirahan, tulad ni dating Bokal Pat Laderas na dati ay nakatira sa Hagonoy, ngunit ngayon ay lumipat na sa Malolos.

Ang mga kapos naman sa pananalapi ay walang magawa kungdi harapin ang hamon na hatid ng kalamidad.

Dahil dito,binigyang ni Mercado na kailangang kumilos ang pamahalaan upang maagapayanan ang taumbayan sa paghahanda sa kalamidad.

Ipinanukala rin niya ang paggamit ng may P24-Bilyong pork barrel ng mga kongresista sa mga programang tutugon sa disaster risk reduction sa climate change adaptation. Dino Balabo

No comments:

Post a Comment