Pages

Saturday, November 2, 2013

Proyektong di pa natatapos, pinangangambahan na

 

MALOLOS—Dalawang proyektong pang-imprastraktura ang Bulacan ang pinangangambahan ngayon sa kabila na hindi pa ito natatapos.

Bukod sa mga proyektong ito, dalawang dam din sa lalawigan at limang hanging bridge ang natukoy ng Mabuhay na pinangangambahan ng mga Bulakenyo batay sa magkakahiwalay na panayam.

Ang pagtitipon ng mga impormasyong ito ay kaugnay ng taunang paggunita sa Undas na karaniwang tinatampukan ng mga nakakatakot na kuwento.

Ang sumusunod ay ilan lamang sa mga imprastrakturang sinasabing pinangangambahan.

 Angat Dam
Bustos Dam
Hanging Bridge sa Gatbuka
Hanging Bride sa Iba
Hanging Bridge sa Abulalas
Hanging Bridge sa Parong-parong
Kanal sa MacArthur Highway
Plaridel-Bustos by-pass road
Hanging Bridge sa Divine Mercy
Rehabilitasyon ng MacArthur Highway sa Calumpit

Narito ang ilang impormasyon kung bakit pinangangambahan ang nasabing imprastraktura.

 Angat Dam. Ang 47-taong gulang na Angat Dam ay matatagpuan sa bulubunduking bahagi ng Norzagaray, Bulacan. Ito ang pinagkukunan ng  97 porsyentong tubig inumin ng kalakhang Maynila. Batay sa pag-aaral ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), ang dam ay nakaupo di kalayuan sa West Marikina Valley Faultline na posibleng gumalaw anumang oras na maaaring ikasira ng dam. Nagpalabas na ng pondo ang Malakanyang para sa rehabilitasyon ng dam, ngunit hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa nasisimulan ang pagpapasubasta para sa pagpapakumupuni nito.

Bustos Dam. Ito ay nagsisilbing after bay regulator dam ng Angat Dam, at matatagpuan sa pagitan ng mga bayan ng San Rafael at Bustos.  Itinuturing na pinakamahabang rubber gate dam sa buong Asya ang Bustos Dam. Ang mga rubber gate nito at huling pinalitan njoong 1998, ngunit sinasabing marupok na dahil sa init ng panahon. Naghanda na ng pondo ang pamahalaang nasyunal para sa pagpapakumpuni nito na tatampukan ng pagaalis ng rubber gate at papalitan ng kongkreto.  Ngunit hanggang sa kasalukuyan ay wala pang aprubadong disenyo para sa pagpapakumpuni.

Hanging Bridge sa Gatbuka.Ang hanging bridge na ito ay nakahanay sa kinukumpuning Gatbuka Bridge sa bayan ng Calumpit. Ito ay itinayo kamakailan lamang upang makaiwas sa disgrasya ang mga tumatawi.  Ngunit umiindayog ang nasabing hanging bridge.  Ayon kina Gob. Wilhelmino Alvarado at Inhinyero Ruel Angeles ng Department of Public Works and Highways (DPWH), patitibayin ang hanging bridge sa pamamagitan ng paglalagay ng mga tahilang bakal upang mabawasan ang pag-indayog.


Hanging Bride sa Iba. Halos 30 na ang hanging bridge na ito na may habang mahigit 300 metro patawid ng Labangan Channel.  Higit na lumaki ang sira nito noong Oktubre 2011 kaugnay ng bagyong Pedring at Quiel. Tumaas ang tubig sa Labangan Channel at bumalandra ang mga water lily sa hanging bridge hanggang sa mapalipit ito. Matagal na itong inirereklamo at ilang beses na ring kinumpuni ngunit hindi pa rin nababawasan ang pangamba ng mga magulang ng mga batang paslit na tumatwid dito araw-araw sa pagpasok sa eskwela.

Hanging Bridge sa Abulalas.Halos kasabay itong itinayo ng hanging bridge sa Barangay Iba.  Ilang beses na ring ipjnakumpuni, ngunit ang mga materyales na ginamit ay mga kawayan lamang.  Araw-araw din itong dinadaanan ng mga batang mag-aaral.
 
Hanging Bridge sa Parong-parong. Katulad ng mga hanging bridge sa Iba at Abulalas, ang hanging bridge na ito na tumatawid sa Sitio Parong-parong San Agustin at Barangay San Pablo ay matagal na ringhinihiling maipakumpuni. Ngunit katulad ng pahayag ng mga opisyal ng mga pamahalaang lokal patingkol sa mga hanging bridge sa Iba at Abulalas, iginiit nila na ang daring nagmamantine nito ay ang Pampanga River Control System (PRCS) na mula pa noong 1992 ay nabuwag na at inilipat sa Pampanga.

Kanal sa MacArthur Highway. Hindi pa natatapos ang kanal na magkabilang bahagi ng MacArthur Highway mula sa Barngayu Longos sa malolos hanggang sa Brgy. Pio Cruzcosa sa Calumpit ay binasag at kinumpuni na. Ito ay Bahagi ng road widening project ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Ngunit ayon kay Bokal Michael Fermin na dalawang beses ng nagkasakit ng dengue, maaaring pangitlugan lamang ng lamok ang  nasabing kanal dahil hindi ito dumadalo sa Labangan Channel.


Plaridel-Bustos by-pass road. Bago pa mapasinayaan ang lansangang itonoong Marso ay inirereklamo na ng mga motorist ang pagiging madilim kung gabi.  Ang totoo, ilan na ang naaksidente doon,kabilang ang isang trak ng military na sumalpok sa isang tricycle.  Bukod dito, walang bakod ang by-pass road kaya’t maraming sumusulpot na sasakyan sa mga kanto nito.

Hanging Bridge sa Divine Mercy.  Sinasabing nasira ng hanging bridge na ito noong 2009 matapos ang pananalasa ng bagyong Ondoy sa bayan ng Marilao. Ito ay nagsisilbing pangunahing daan mula sa barangay Lambakin patungo sa Divine Mercy National Shrine sa nasabing bayan.

Rehabilitasyon ng MacArthur Highway sa Calumpit. Ang proyektong ito ng Department of Public Works and Highways sa pagitan ng Malolos at Calumpit at itinuturing na isang halimbawang proyektong hindi ikinonsulta samga mamamayang maaapektuhan ng proyekto. Dahil lumulubog sa baha ang nasabig lansangan, itinataas ngayon ito ng halos isang metro.  Ang pangamba ng mga residente sa silangang bahagi ng highway ay ang posibleng paglubog ng kanilang mga bahay kapag muling lumakas ang ula katulad noong Agosto 2012.  Ito ay dahil na rin sa dati, kapag umulan ang tubig na umapaw sa mga bukirin sa bahagi ng Plaridel at Calumpit ay tumatawid ng MacArthur Highway at dumadaloy sa bukirin sa bahagi ng Paombong. Ngunit dahil sa taas ng kalasada ngayon, aabot munang isang metro ang lalim ng tubig bago tumawid ng highway at dumaloy patungong Paombong. Maiiwasan lamang ang posibilidadna ito kung huhukayin aat palaaparinang sapang dumadaloy sa may harap ng Cabanas at Grand Royale Subdivision, na dumadaloy naman patungong Paombong.  (Dino Balabo)

No comments:

Post a Comment