Pages

Saturday, December 21, 2013

Ligtas ang Angat Dam sa katatapos na lindol, Bulakenyo nabahala







MALOLOS—Tiniyak ng mataas na opisyal ng National Power Corporation (Napocor) na ligtas at walang naging sira ang Angat Dam matapos maramdaman sa Bulacan ang magnitude 4.9 na lindol noong Miyerkoles ng gabi, Disyembre 18.

Ikinabahala naman ito ng maraming Bulakenyo, kahit na ang ilan ay nagsabing hindi nila naramdaman ang nasabing lindol na ang sentro ay natukoy sa San Quintin, Pangasinan, ganap na alas-10:46 ng gabi noong Miyerkoles.

Ang paglindol ay naganap limang araw matapos isagawa ang pinagsamang earthquake at Angat Dam break drill sa lungsod ng Malolos noong Biyernes, Disyembre 13.

Layunin ng nasabing drill ay mapataas ang kaalaman at kahandaan ng mga Bulakenyo sa posibilidad ng pagkasira ng Angat Dam na maaaring ihatid ng lindol na may lakas na 7.2 na lilikhain ng napipintong paggalaw ng Marikina West Valley Faultline.

Ayon kay Inhinyero Rodolfo German, walang naging epekto sa 45-taong gulang na Angat Dam ang lindol noong Miyerkoles ng gabi.

Si German ay ang general manager ng Angat River Hydro Electric Power Plant (ARHEPP) ng Napocor na siyang namamahala ng Angat Dam sa bayan ng Norzagaray, Bulacan.

Dahil dito, sinabi niya na hindi na rin kailangang magsagawa ng pagsusuri sa Angat Dam.

”Maliit lamang yung intensity na yun para magkaroon ng effect at isagawa ang assessment,” sabi ni German sa panayam ng Mabuhay sa telepono noong Huwebes, Disyembre 19.

Idinagdag pa niya na hindi dapat katakutan ang lindol noong Miyerkoles dahil sa ito ay malayo sa tinatayang magnitude 7.2 na lindol na ihahatid ng paggalaw ng MWVF.

Batay sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), umabot sa magnitude 4.5 ang nasabing lindol.

Ngunit batay sa ulat ng United States Geological Survey sa kanilang website, ang lindol ay may lakas na 4.9 manitude.

Ang lindol ay naramdaman sa mga lungsod ng Caloocan, Mandaluyong, Dagupan, Baguio at bayan ng Binalonan, Pangasinan na may lakas na intensity 3; samantalang ang intensity 2 ay naramdaman sa mga lungsod ng Quezon, Pasig, Taguig, Gapan, Pasay, Cabanatuan, Palayan,  at mga bayan ng Pantabangan sa Nueva Ecija, at sa Baler , Aurora.

Naramdaman din ito sa Bulacan na ipinangamba ng maraming Bulakenyo dahil sa katatapos lamang ng pagsasagawa ng earthquake at Angat Dam break drill.

Layunin ng nasabing drill na mapalawak ang kaalaman at kahandaan ng mga Bulakenyo sa posibilidad ng malakas na lindol na maaaring sumira sa Angat Dam na maghahatid ng pagragasa ng tinatayang mahigit sa 800-Milyong kubiko metro ng tubig mula sa Angat Dam.

Marami sa mga Bulakenyo ang nagpahayag ng kanilang pangamba sa pamamagitan ng social media partikular na sa fan page ng Mabuhay Newspaper Bulacan.

Isa sa nakapanayam ng Mabuhay ay si Dante Orillos ng Leighbytes Conputer Center sa  Crossing ng Malolos.

Ayon kay Orillos, nagulat siya ng bilang umuga ang lupa at kinabahan.

Ito ay dahil sa posobilidad na masira ang Angat Dam.

Sa kabila naman na hindi naramdaman ng ibang Bulakenyo ang lindol ay nangamba rin sila matapos itong mabalitaan kinabukasan.

Kabilang sa kanila ay sina Sol Santos, Eric Regalado, Jeff Lobos at Katricia Carlos.

Nagpahayag sila ng takot ngunit nagpasalamat din dahil hindi nasira ang Angat Dam. Dino Balabo

No comments:

Post a Comment