Larawan mula sa Facebook account ni Cervantes. |
HAGONOY,
Bulacan—Himalang nakaligtas sa tiyak na kamatayan ang isang dating beauty queen
na ngayon ay konsehal ng bayang ito matapos siyang barilin sa ulo noong Martes
ng gabi sa bayan ng Paombong.
Ang
biktima ay nakilalang si Francis Dianne Cervantes, 32, dalaga at residente ng
Barangay Mercado sa bayang ito.
Si
Cervantes na nasa ikatlong sunod na termino bilang konsehal ng bayan ay nagwagi
bilang Miss Earth Philippines-Fire noong 2006.
Ayon
kay Senior Superintendent Joel Orduna, direktor ng pulisya sa Bulacan, ang
konsehala binaril ng dalawang di nakilalang suspek na magka-angkas sa
motorsiklo bandang alas-7:30 ng gabi, Martes.
Ang
konsehala ay naka-angkas noon sa isang motorskilong may plakang 8913-RP at
patungo sa bahay ng kaniyang pamilya sa Long Valley Subdivision na matatagpuan
sa Barangay San Isidro 2, Paombong,
Bulacan.
Ayon
sa saksi, bumaba pa sa motorsiklo ang gunman at binaril si Cervantes.
Ito
ay kinatigan din ni Superintendent Gerardo Andaya, hepe ng pulisya ng bayang
ito na isa sa naunang nakarating sa crime scene.
Ayon
kay Andaya, nakahandusay na sa kalsada ang konsehala at driver ng kanyang
motorsiklo ay pinagbabaril pa ito ng gunman.
Ngunit
himalang nakaligtas ang konsehala sa kabila ng mga tama na tinamo; samantalang
ang kanyang driver na isang babae ay hindi tinamaan.
Agad
na tumakas ang mga suspek samantalang dinaluhan ng mga residente si Cervantes
at isinugod sa Divine Word Hospital sa Barangay SanPablo sa bayang ito.
Matapos
malapatan ng paunang luinas, inilipat ang biktima sa Bulacan medical Center sa
Lungsod ng Malolos at sa University of Santo Tomas Hospital sa Maynila.
Ayon
kay Vice Mayor Pedro Santos, hindi nawalan ng malay si Cervantes ng isugod sa
Divine Word Hospital.
“Conscious
pa daw at nakakausap pa, hindi lang nagsasalita,” sabi ni Santos.
Ikinuwento
rin niya na umabot sa tatlong bala ng baril ang bumaon sa katawan ng dating
beauty queen.
May
mga nagsabi naman na isa ang tumama sa ulo, isa sa leeg at isa sa likod ng
Konsehala.
Samantala,pansamantalang
ikinubli ni Chief Inspector Sherwin Tadeo, hepe ng Paombong PNP ang pangalan ng
driver ni Cervantes dahil ito ang kanilang pangunahing saksi.
Gayunpaman,
ang nasabing driver ay inilarawan bilang isang babae at matalik na kaibigan ni
Cervantes. Dino Balabo