Pages

Wednesday, March 26, 2014

Konsehal Dianne Cervantes nakaligtas sa pamamaril


Larawan mula sa Facebook account ni Cervantes.


HAGONOY, Bulacan—Himalang nakaligtas sa tiyak na kamatayan ang isang dating beauty queen na ngayon ay konsehal ng bayang ito matapos siyang barilin sa ulo noong Martes ng gabi sa bayan ng Paombong.


Ang biktima ay nakilalang si Francis Dianne Cervantes, 32, dalaga at residente ng Barangay Mercado sa bayang ito.

Si Cervantes na nasa ikatlong sunod na termino bilang konsehal ng bayan ay nagwagi bilang Miss Earth Philippines-Fire noong 2006. 

Ayon kay Senior Superintendent Joel Orduna, direktor ng pulisya sa Bulacan, ang konsehala binaril ng dalawang di nakilalang suspek na magka-angkas sa motorsiklo bandang alas-7:30 ng gabi, Martes.

Ang konsehala ay naka-angkas noon sa isang motorskilong may plakang 8913-RP at patungo sa bahay ng kaniyang pamilya sa Long Valley Subdivision na matatagpuan sa  Barangay San Isidro 2, Paombong, Bulacan.

Ayon sa saksi, bumaba pa sa motorsiklo ang gunman at binaril si Cervantes.

Ito ay kinatigan din ni Superintendent Gerardo Andaya, hepe ng pulisya ng bayang ito na isa sa naunang nakarating sa crime scene.

Ayon kay Andaya, nakahandusay na sa kalsada ang konsehala at driver ng kanyang motorsiklo ay pinagbabaril pa ito ng gunman.

Ngunit himalang nakaligtas ang konsehala sa kabila ng mga tama na tinamo; samantalang ang kanyang driver na isang babae ay hindi tinamaan.

Agad na tumakas ang mga suspek samantalang dinaluhan ng mga residente si Cervantes at isinugod sa Divine Word Hospital sa Barangay SanPablo sa bayang ito.

Matapos malapatan ng paunang luinas, inilipat ang biktima sa Bulacan medical Center sa Lungsod ng Malolos at sa University of Santo Tomas Hospital sa Maynila.

Ayon kay Vice Mayor Pedro Santos, hindi nawalan ng malay si Cervantes ng isugod sa Divine Word Hospital.

“Conscious pa daw at nakakausap pa, hindi lang nagsasalita,” sabi ni Santos.

Ikinuwento rin niya na umabot sa tatlong bala ng baril ang bumaon sa katawan ng dating beauty queen.

May mga nagsabi naman na isa ang tumama sa ulo, isa sa leeg at isa sa likod ng Konsehala.

Samantala,pansamantalang ikinubli ni Chief Inspector Sherwin Tadeo, hepe ng Paombong PNP ang pangalan ng driver ni Cervantes dahil ito ang kanilang pangunahing saksi.

Gayunpaman, ang nasabing driver ay inilarawan bilang isang babae at matalik na kaibigan ni Cervantes. Dino Balabo

Friday, March 21, 2014

100,000 aso’t pusa babakunahan kontra rabis

Mga kasapi ng AFPRescom habang nagbabakuna sa aso Hagonoy.  DB

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan, Humigit kumulang 100,000 aso’t pusa ang target mabakunahan ng Provincial Veterinary Office (PVO) ngayong summer kontra rabis.

Sinabi ni Provincial Veterinarian Voltaire Basinang na kasabay ng kanilang pagbisita sa mga barangay upang magbakuna ay nagsasagawa na rin sila ng information, education and communication drive; libreng konsultasyon; libreng pagkakapon o kastrasyon; at libreng neutering, deworming at mange treatment.

Sinimulan ng PVO ang pagbabakuna sa mga barangay sa lungsod ng San Jose del Monte na siyang nagtala ng pinakamataas na animal bite cases sa Bulacan noong nakaraang taon.

Ito ay sinundan ng mga barangay sa Calumpit, Norzagaray, Angat, Guiguinto, Santa Maria, San Miguel at Balagtas.

Samantala, nakatakda ang libreng pagbabakuna sa lungsod ng Meycauayan sa Marso 20; Bulakan- Marso 21; lungsod ng Malolos- Marso 25; barangay Tabe, Malis, Ilang-Ilang at Tiaong, Guiguinto sa Marso 26; Obando sa Marso 27; Hagonoy sa Marso 28; Paombong sa Abril 1; Hagonoy sa Abril 3; at Pandi, Norzagaray, Santa Maria, Guiguinto at Hagonoy sa Abril 4.

Ang rabis ay isang nakamamatay na viral infection na kumakalat sa pamamagitan ng laway ng mga hayop na infected at pumapasok sa katawan kapag nakagat o kaya ay sa bukas na sugat.

Noong 2013, 13 tao ang kumpirmadong namatay sa probinsya sanhi nito. (CLJD/VFC-PIA 3)

Thursday, March 20, 2014

Misteryosong imahe dinadagsa sa Divine Mercy Shrine

National Shrine of Divine Mercy sa Marilao,Bulacan. Larawan mula sa interaksyon.com



MARILAO, Bulacan— Dumadagsa na ang mga deboto sa Divine Mercy National Shrine sa bayang ito isang buwan bago ang kwaresma.

Ito ay dahil sa balitang kumalat hinggil sa misteryosong image na nakunan ng kakakabit lamang na mga close circuit television (CCTV) camera.

Kaugnay nito, sinabi ni Father Pros Tenorio na magsasagawa ng imbestigasyon ang Diyosesis ng Malolos upang suriin at beripikahin ang nasabing imahe. “Hindi pa namin masabing miraculous dahil ang Obispo ang
magdedeklara niyan,” sabi ni Tenorio sa isang telephone interview kahapon.

Pangungunahan ni Obispo Jose Francisco Oliveros ng Diyosesis ng Malolos ang imbestigasyon, at pagkatapos nito ay saka maglalabas ng ulat at deklarasyon. Sa kasalukuyan ay tinipon ni Tenorio ang mga materyales na susuriin kabilang ang CCTV at cellular phone footage ng misteryosong imahe.

Ang imahe ay nakunan mula alas 12 ng madaling araw hanggang alas 6 ng umaga noong Marso 3. Nakita sa CCTV footage ang larawan ng animo ay hugis ng imahe ni Hesukristo sa Divine Mercy.
 
Larawan mula sa crispypataatkarekare.com
Ang imahe na animo’y ay isang liwanag ay nakita sa isang kuwarto na walang ilaw. Hindi na muling nakita ang imahe matapos itong makunan ng CCTV noong Marso 3.

Ipinaliwanag ni Tenorio na ang 24 na CCTV camera ay ipinakabit nila kamakailan lamang bilang paghahanda sa pagdagsa ng mga debotong dumarayo sa pambansang dambana kapag kuwaresma.

Kaya’t ikinagulat nila nang makunan nito ang isang larawang inilalarawan bilang “misteryoso.” Habang nalalapit naman ang kwaresma, sinabi ng pari na mapaghimala man o hindi ang imahe,ito ay nagpapaalala ng paghahanda ng sarili.

Ipinaalala niya na bukod sa pisikalna paghahanda, nararapat ding ihanda ng bawat tao ang espiritu sa nalalapit na kwaresma. Dala nito ang mensahe ng panalangin, kawang-gawa at pag-aayuno.

Nilinaw niya na ang pananalangin ay pakikipag- ugnayan sa Diyos, ang kawang-gawa ay sa kapwa tao at ang pag-aayuno ay pakikipag- ugnayan sa sarili. Idinagdag pa ni Tenorio ang pagbabalik loob sa Diyos na mapagmahal at handang magpatawad ng mga kasalanan.

Kaugnay ng balita sa misteyosong imahe,kinumpirma ni Tenorio ang pagdagsa ng mga deboto sa pambansang dambana. Sinabi niya na bigla ang pagdami ng mga debotong bumibisita bawat araw mula nang lumabas ng balita.

Nagpahayag din siya ng pag-asa na higit na marami ang dadagsa sa dambana sa nalalapit na Huwebes at Biyernes Santo. Dino Balabo

Sunday, March 16, 2014

UMUUSAD NA: Kasong pandarambong vs. Alvarado, 6 pa





MALOLOS—Umuusad na ang reklamong pandarambong na isinampa laban kay Gob. Wilhelmino Alvarado at anim pang opisyal ng kapitolyo.

Ito ay sa kanilang pahayag ng punong lalawigan na hindi pa sila nakakatanggap ng liham mula sa Ombudsman upang magpaliwanag.

Ayon kay Antonio Manganti, nagbalik siya sa tanggapan ng Ombudsman noong Biyernes, Marso 7 at napag-alaman niya na may numero na ang reklamong pandarambong na kanyang inihain noong Pebrero 14.

Si Manganti ay isang dating aktibista at rebelde na sumuko at naglingkod sa kapitolyo mula 2001 hanggang 2009.

“Sa wakas, na-evaluate at may numero na ang kaso.  Ibig sabihin ay mabilis ang paggulong ng kaso,” sabi ni Manganti saMabuhay ng siya ay makapanayam sa telepono noong Lunes ng gabi, Marso 10.

Ang nasabing pahayag ay inilathala rin Manganti sa kanyang Facebo0ok account, kasama ang numero ng kaso na FF-L-14-0057.

Ang kasong isinampa ni Manganti ay nagh-ugat sa ulat ng Commission on Audit para sa taong 2012 kung saan ay binaggit na umaabot sa P287-Milyon ang pondo ng kapitolyo na unliquidated.

Ngunit sa pahayag ni Gob. Alvarado, iginiit niya na walang masama sa ulat ng COA, bukod pa sa na-liquidate na raw ang nasabing pondo.

Ito ay muling binanggit ng punong lalawigan sa mga mamamahayag na dumalo sa biglaang press conference na ipinatawag noong Biyernes, Marso 7.

Matapos ang paliwanag, inusisa ng Mabuhay kay Alvarado kung binigyan na sila ng katibayan ng COA na ang inungkat na pondo ni Manganti ay na-liquidate na.

Ayon sa gobernador, wala pa silang natanggap, at wala paring inilalabas na credit advise ang COA.

Binigyang diin niya na hindi lang ang kapitolyo ang hindi pa nabigyan ng credit advise ng COA, kungdi maging ang ibapang pamahalaang lokal sa bansa.

Kaugnay nito, nananawagan si Manganti sa bawat Bulakenyo na maki-isa sa paglaban sa katiwalian.

“Magsama-sama tayo, itaguyod at ipagtanggol natin ng sama-sama an gating kapakanan at karapatan laban pandarambong at katiwalian sa pamahalaan,” aniya.

Bukod dito, nilinaw niya hindi magkaugnay ang kasong isinampa niya laban kay Alvarado at isinusulong na na recall election sa punong lalawigan.

Ngunit ayon kay Alvarado, ginagamit ng mga kalaban niya sa pulitika ang kasiong pandarambong upang mahikayat ang mga Bulakenyo na lumagda sa isinusulong na recall election.

Binigyang diin pa niya na ito ay isang pamumulitika at isang demolition job.

Ngunit para kay Manganti, dapat sagutin ni Alvarado ang usapin ng pandarambong sa halip na ilarawan ito bilang isang pamumulitika.

Iginiit pa ng dating rebel returnee na malinaw ang usapin sa kasong kanyang isinampalaban sa gobernador at anim pang opisyal ng kapitolyo.

Ang iba pang opisyal ng kapitolyo na kasama sa kasong pandarambong ay ang mga kasapi ng finance committee ng kapitolyo na sina Provincial Treasurer Belinda Bartolome, Provincial Budget Officer Marina Flores, Provincial Accountant Marites Friginal, Provincial Planning and Development Officer Arlene Pascual, dating Provincial Administrator Jim Valerio,  at Provincial General Services Officer Inhinyera Marina Sarmiento na nagbitiw sa tungkulin noong nakaraang taon.  Dino Balabo

Trak ng bumbero pang-museo na, laging sira


 
Dahil sa mga lumang trak ng bumbero marami ang nangangamba sa sunog.  Ed Margareth Barahan




MALOLOS –Sana ay huwag magkakasunog sa aming bayan.

Ito ang panalangin ng mga residente ng magkatabing bayan Guiguinto at Balagtas sa Bulacan ngayong buwan ng Marso kung kailan ginugunita ang fire prevention month.

Ang panalanging ito ay may kaugnay na sa kalagayan ng mga fire truck sa dalawang bayan.

Ngunit hindi ito dahil sa walang lamang tubig, sa halip ay luma na ang mga fire truck at laging may sira.

Batay sa paglalarawan ni Guiguinto Municipal Administrator Abogado Edilberto Cruz, ang fire truck ng kanilang bayan ay matanda na dahil sa ito ay 45 taon na.

Ang fire truck naman sa bayan ng Balagtas ay nabili noong 1997 at palagiang sira.

Katunayan, noong nakaraamng taon, nagkasunog sa Guiguinto Elementary School na katapat lamang ng munsipyo ng Guiguinto at agad na rumesponde ang mga bumbero dala ang fire truck.

Ngunit ilang minuto na sa sunog ang fire truck at hindi pa nagkapagbuga ng tubig dahil sa nasira ang water pump.

“Kasalukuyan po naming ipinakukumpuni ngayon,” sabi ni Cruz sa isang panayam ng Radyo Bulacan nitong Miyerkolespatungkol sa 45 taong fire truck na ayon sa mga residente ay dapat ng ilagay sa museum.

Gayunpaman, sinabi ni Cruz na may isa pa silang fire truck, ngunit ito ay may kaliitan, kaya’t hindi sapat ang tubig sa pag-apula ng malalaking sunog.

Bilang isang primera klaseng bayan, sinabi ni Cruz na sa unang termino ng kanyang kapatid na si Mayor Ambrosio Cruz noong 1998 hanggang 2001 ay nakapagpundar ang bayan ng isang malaking fire truck.

Ngunit sa panahon ng administrasyon ni dating Mayor Isagani Pascual mula 2007 hanggang 2013 ay nawala ang fire truck.

Kinumpirma din ito ni Mayor Cruz sa isang panayam noong Miyerkoles.

Binigyang diin pa niya na nakikipag-ugnayan na rin sila sa Department of Interior and Local Government upang mapagkalooban ng fore truck.

Bukod dito,nakikipag-ugnayan din ang pamahalaang bayan sa mga lokal na negosyante upang makabuo g isang volunteer fire brigade na makakatulong sa Bureau of Fire Protection ng bayan.

Sa katabing bayan ng Balagtas, nagpahayag din ng pangamba ang mga residnete dahil sa kalagayan ng kanilang fire truck ngayon buwan ng Marso.

Ito ay dahil daw sa laging sira ang fire truck ng Balagtas.

Noong nakaraang taon, rumesponde sa isang grassfire ang nasabing fire truck at ilang daang metro na lamang ang layo sa grassfire ay tumirik pa.

Ang kalagayang ito ay nasaksihan pa ng mga TV crew ng GMA News Network na nagcover sa nasabing grassfire.

Ayon sa pamunuan ng BFP Balagtas laging nasisira ang makina ng kanuilang trak.

Dahil dito,lagi silang nagsasama ng isang mekaniko sa bawat pagresponde upang makumpuni agad ang trak at mapatakbo at matiyak na makakarating sa sunog. Dino Balabo