Pages

Thursday, March 20, 2014

Misteryosong imahe dinadagsa sa Divine Mercy Shrine

National Shrine of Divine Mercy sa Marilao,Bulacan. Larawan mula sa interaksyon.com



MARILAO, Bulacan— Dumadagsa na ang mga deboto sa Divine Mercy National Shrine sa bayang ito isang buwan bago ang kwaresma.

Ito ay dahil sa balitang kumalat hinggil sa misteryosong image na nakunan ng kakakabit lamang na mga close circuit television (CCTV) camera.

Kaugnay nito, sinabi ni Father Pros Tenorio na magsasagawa ng imbestigasyon ang Diyosesis ng Malolos upang suriin at beripikahin ang nasabing imahe. “Hindi pa namin masabing miraculous dahil ang Obispo ang
magdedeklara niyan,” sabi ni Tenorio sa isang telephone interview kahapon.

Pangungunahan ni Obispo Jose Francisco Oliveros ng Diyosesis ng Malolos ang imbestigasyon, at pagkatapos nito ay saka maglalabas ng ulat at deklarasyon. Sa kasalukuyan ay tinipon ni Tenorio ang mga materyales na susuriin kabilang ang CCTV at cellular phone footage ng misteryosong imahe.

Ang imahe ay nakunan mula alas 12 ng madaling araw hanggang alas 6 ng umaga noong Marso 3. Nakita sa CCTV footage ang larawan ng animo ay hugis ng imahe ni Hesukristo sa Divine Mercy.
 
Larawan mula sa crispypataatkarekare.com
Ang imahe na animo’y ay isang liwanag ay nakita sa isang kuwarto na walang ilaw. Hindi na muling nakita ang imahe matapos itong makunan ng CCTV noong Marso 3.

Ipinaliwanag ni Tenorio na ang 24 na CCTV camera ay ipinakabit nila kamakailan lamang bilang paghahanda sa pagdagsa ng mga debotong dumarayo sa pambansang dambana kapag kuwaresma.

Kaya’t ikinagulat nila nang makunan nito ang isang larawang inilalarawan bilang “misteryoso.” Habang nalalapit naman ang kwaresma, sinabi ng pari na mapaghimala man o hindi ang imahe,ito ay nagpapaalala ng paghahanda ng sarili.

Ipinaalala niya na bukod sa pisikalna paghahanda, nararapat ding ihanda ng bawat tao ang espiritu sa nalalapit na kwaresma. Dala nito ang mensahe ng panalangin, kawang-gawa at pag-aayuno.

Nilinaw niya na ang pananalangin ay pakikipag- ugnayan sa Diyos, ang kawang-gawa ay sa kapwa tao at ang pag-aayuno ay pakikipag- ugnayan sa sarili. Idinagdag pa ni Tenorio ang pagbabalik loob sa Diyos na mapagmahal at handang magpatawad ng mga kasalanan.

Kaugnay ng balita sa misteyosong imahe,kinumpirma ni Tenorio ang pagdagsa ng mga deboto sa pambansang dambana. Sinabi niya na bigla ang pagdami ng mga debotong bumibisita bawat araw mula nang lumabas ng balita.

Nagpahayag din siya ng pag-asa na higit na marami ang dadagsa sa dambana sa nalalapit na Huwebes at Biyernes Santo. Dino Balabo

No comments:

Post a Comment