Tuesday, July 29, 2014

40 toneladang bigas ang donasyon ng Taiwan sa Bulacan




MALOLOS—Maagang donasyon.

Ito ang mga katagang ginamit ni Gob. Wilhelmino Alvarado sa pagbibigay sa Bulacan ng donasyon ng pamahalaan at mga negosyante ng Taiwan.

Ang donasyon na ipinamahagi rin agad samga Bulakenyo ay pormal na ipinagkaloobnoong Linggo, Hulyo 13, o tatlong araw bago manalasa ang bagyong Glenda sa lalawigan.

Ang pagbibigay ng donasyon ay nasa ilalim ng programang “Love from Taiwan” na isinagawa sa ikatlong sunod na taon.

Ayon kay Jonhson Lu, isa sa mga opisyal ng Taiwan Association in the Philippines, umabot sa 180 tonelada ng bigas ang kanilang ipinagkaloob sa Pilipinas sa taong ito.

Kabilang dito ang 20 tonelada na ipinagkaloob sa pamahalaang panglalawigan, tig-10 tonelada sa bayan ng San Ildefonso at Calumpit; at 140 tonelada sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda sa Leyta at Samar.

Ayon kay Lu, ang mga bigas na ipinamahagi ay sobra sa inilaang bigas ng Taiwan sa kanilang mamamayan.

Ipinagpasalamat naman ni Gob. Alvarado ang donasyon na inilafrawan niya bilag “Love gift.”

“Kapag po sila ay nagdadala ng tulong sa ating bansa, hindi po nila nalilimutan ang kanilang pangalawang tahanan, ito po ang lalawigan ng Bulacan. For this, you deserve our gratitude. These 2,000 sacks of rice are not just donation from the Taiwan government but considered as a love gift,”  sabi ng gobernador sa pagtanggap ng donasyon noong Hulhyo 13.

Sinabi rin ng gobernador na ang bawat isang donasyon na tinatanggap ng lalawigan ay nagdudulot ng kaluwagan sa mga Bulakenyo.

“Despite of our differences we were able to show them that we are one brotherhood under God,” dagdag pa ni Alvarado.

Kaugnay nito, ikinagalak ng mga tumanggap ng donasyon ang maikling talumpati ni Jack Fang ng Taipei Economic Cultural Office in the Philippines.

Ito ay dahil sa ang kanyang talumpati ay binigkas niya sa wikang Pilipino.

“Ang bigas na ito ay galing pa sa Taiwan, sana ay maging simbolo ito ng love from Taiwan o ang pagmamahal ng Taiwan para sa kalapit bansa nito, ang Pilipinas. Naniniwala kami na marapat lamang nating tulungan ang mga nangangailangan upang mapanatili ang kabutihan sa mundo. Sana maalala ninyo ang Taiwan ‘di lamang bilang kalapit na bansa kundi isa ding totoo at malapit na kaibigan,” wika ni Fang.

Tumanggap ng tig-isang sako ng bigas na may timbang na 10 kilo bawat supot mula sa Taiwan at isang grocery bag naman mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang 150 na mga kasapi ng Bulacan Federation of Jeepney Operators and Drivers Association (BFJODA), 250 para sa Integrated Federation of Tricycle Operators and Drivers Association of Bulacan (TODA), at 500 na may mga kapansanang Bulakenyo, 100 na mga beterano, 250 na solo parents, 700 na Senior Citizens at 50 na mga Dumagat

Dumalo din sa gawain sina Taiwan Association in the Philippines Active President Andy Cheng, dating pangulo at CEO ng Green Era Biotech Juhn Lu, dating pangulo Wayne Chi, Vice President Johnson Lu, Vice President Tom Lin, Vice President David Kung, Vice President Tsung Fu Lee, Secretary General Robert Huang, Vice Secretary General Donfo Liu, Consul ng asosasyon at Rosita Cabalonga, HR Manager ng Teh Hsin Phils., kinatawan ni Ku Chien Chang, Vice President ng asosasyon. Dino Balabo

No comments:

Post a Comment