Showing posts with label biography. Show all posts
Showing posts with label biography. Show all posts

Wednesday, July 2, 2014

PLARIDEL: Hindi lang propagandista, siya ang utak ng Katipunan





MALOLOS—Hindi lamang isang progandista si Gat Marcelo H. Del Pilar, siya ang utak ng Katipunan.

Ito ang bunga ng masusing pananaliksik ni King Cortez sa mga nalathala at hindi nalathalang salaysay ng mga kasapi ng Kataas-taasang Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK) patungkol kay Del Pilar na kilala rin sa kanyang pangalan sa panulat na Plaridel.

Bukod dito, ipinaliwanag ni Cortez na ang kilusang Propaganda na pinangunahan nina Plaridel, Mariano Ponce, Dr. Jose Rizal at Graciano Lopez-Jaena sa Espanya ay hindi hiwalay sa Kilusang Katipunan sa Pilipinas na iniuugnay ng mga aklat pangkasaysayan kay Gat Andres Bonifacio.

Sa halip, ang Kilusang Propaganda ay bahagi ng Samahang Katipunan na kumilos sa Pilipinas, Espanya at Hongkong na ang pangulo  ay si Plaridel na siya ring may inisyatiba ng pagtatayo nito.

Bilang isang kilusan, ang Samahang Katipunan ay may sariling Saligang Batas, istraktura ng gobyerno, at mga sistema dahil ang pangunahing layunin nito ay mapabagsak ang noo’y naghaharing pamahalaang Kastila sa bansa, at mapalitan ng pamahalaan ng mga Pilipino.

Ngunit ang layuning ito ng Samahang Katipunan ay lihim at nasa dulo na ng agenda, at ang nasa una at ang pangharap na layunin ay isinulong ng kilusang Propaganda sa pamamagitan ng kampanya sa Espanya  upang magkaroon ng reporma sa Pilipinas.

“Buong-buo ang plano ni Marcelo H. Del Pilar para sa pagpagpapalaya sa bayan at pagkakaroon ng mga Pilipino ng sariling pamahalaan.  Lahat ng kilos nila ay nakaplano at may malinaw na layunin,” sabi ni Cortez sa isang esklusibong panayam.

Bahagi ng mga plano ni Plaridel ay ang pagsusulong ng reporma bago magsagawa ng rebolusyon.


Ipinaliwanag ni Cortez na sa kabila na si Plaridel ay nakilala bilang isang dakilang propagandista, hindi nakahiwalay ang kilusang ito sa kilusang Kaitpunan sa bansa at maging isa ibayong dagat.

Iginiit niya na batay sa mga nalathalang libro,ang kilusang propaganda na bahagi lamang ng mas malawak na kilusang Katipunan na ang pagtatayo ay nagmula sa inisyatiba ni Plaridel.

Bilang patunay, ipinakita niya ang nilalaman ng nalathalang salaysay ni Aguedo del Rosario, isa sa mga unang kasapi ng KKK.

Batay sa salaysay ni Del Rosario, ang Katipunan ay itinatag noong Hulyo 7,1892 sa pangunguna nina Deodato Arellano, Teodoro Plata, Ladislao Diwa, Valentin Diaz at Andres Bonifacio sa pamamagitan ng inisyatiba ng abogadong si Plaridel na noo’y nasa Barcelona kasama ng iba pang Pilipinong nagsasagawa ng kampanya para sa reporma sa Pilipinas.

Sa nasabi ring salaysay, inihayag ni Del Rosario ang layunin ng Katipunan na magkamit ang Pilipinas ng lehitimong reporma na magpapaunlad sa mga kondisyon sa bansa noon; at sa huli ay mapalaya ang Pilipinas sa pamamahala ng Espanya.

“Malinaw sa pahayag ni Aguedo Del Rosario na si Del Pilar ang utak o mastermind ng pagbubuo at pagtatayo ng Katipunan, pero ang dahil nasa Espanya siya noon, ang nanguna dito sa Pilipinas ay ang bayaw niyang si Deodato Arellano at sina Bonifacio,” ani Cortez.

Bukod dito, binanggit din ni Cortez ang bahagi ng librong inilathala ni Father John Schumacher patungkol sa Katipunan kung saan ay sinabi nito na ang propaganda ay “the first step rather than the ultimate goal.”

Binigyang diin pa niya na batay sa mga nalathalang tala ng kasaysayan, sumali na lamang si Bonifacio sa Samahang Katipunan na nagpapatunay na hindi siya ang nagbuo at nagtatag nito.

Ayon pa kay Cortez, ang pahayag na ito ni Del Rosario na inilathala ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ay nagpapatunay na hindi lamang isang inspirasyon sa Katipunan ang panulat ni Plaridel, sa halip ay may direktang partisipasyon ang panglalawigang bayani ng Bulacan.

Batay sa iba pang tala, hindi naputol sa inisyatiba ang partisipasyon ni Plaridel sa Katipunan, sa halip ay siya ang umakda ng by-laws o mga batas nito, maging ng Kodigo penal ng Katipunan na ang mga kopya ay nakuha ng mga Kastilang sumalakay sa pinagtataguan ng mga dokumento ni Bonifacio matapos mabunyag ang Kilusang Katipunan.

Ayon kay Cortez, ang pag-akda ng mga patakaran at Saligang Batas ng Katipunan ay isa sa mga kontribusyon ni Plaridel bilang isang matagumpay na abogado.

Dahil ang mga impormasyong ito ay hindi na bago, iginiit ni Cortez na maging sina Epifanio Delos Santos, Renato Constantino at ang manunulat ng kasaysayan na si Zaide ay alam ang mga ito.

Ngunit isa man sa kanila ay walang tumindig at nagpakilala kay Plaridel bilang utak ng Katipunan.
 
Ang mananaliksik na si King Cortez.
Batay sa kanyang pananaliksik, ang mga paninindigan ni Plaridel ay nagsimula sa Bulacan kaya’t sinabi niya na ang konsepto ng pagkabansa ng Pilipinas ay nagmula sa Bulacan.

Binigyang diin niya na batay sa mga ulat ng mga Kastila sa  Bulacan, si Plaridel at ang kanyang kaanak na si Luis Del Pilar ay ang mga “di na nasusulat na batas sa Bulacan.”

Ito ay nangangahulugan na kahit walang opisyal na posisyong hinahawakan sina Plaridel sa Bulacan ay sila ang nasusunod.

“Isang edukadong lider at mula sa pamilyang ilustrado si Del Pilar, pero ang kanyang husay at galing ay napag-ugnay niya ang pagiging edukado at ilustrado sa masang Pilipino. Nakatuntong ang kanyang mga paa sa lupa at hindi nanatili sa pedestal ng  mga ilustrado.  Kaya ilustrado man o mayaman at mahirap, maging mga Kastila ay pinakikinggan siya. Ganyan kalaki ang impluwensiya ni Plaridel, siya ang kingpin sa Bulacan noong panahon niya,” ani Cortez.

Bilang patunay na si Plaridel ang di nasusulat na batas sa Bulacan, binanggit ni Cortez ang bahagi ng nilalaman ng aklat na inilathala ng Bulakenyong si Antonio Valeriano.

Sa libro din ni Valeriano natala ang plano ni Plaridel para sa Katipunan kung saan ay binigyang diin niya ang dalawang kilusan nakikilos sa liwanag at sa dilim—ito ay ang kilusang Propaganda na kumilos sa liwanag at Kilusang Katipunan na kumilos ng palihim hanggang sa nabunyag.

Iginiit pa niya na batay sa mga tala, may pagkakataon sa Malolos na halos ay dalawang buwan na walang nagpapabinyag dahil sa utos ni Plaridel na nagpapatunay ng kanyang impluwensiya maging sa mga masa.

Batay naman sa salaysay ni Mariano Ponce, sinabi ni Cortez na si Plaridel ang nagturo sa kanila (Ponce) ng pagmamahala sa tinubuang lupa.

Ang pagtuturong ito ay naganap sa Distrito Trozo ng Tondo malapit sa bakuran ng University of Santo Tomas (UST) sa Maynila kung saan ay natira si Plaridel sa bahay ni Padre Maraino Sevilla noong 1880.
 
Ang nasabing distrito, ayon kay Cortez ay pugad ng mga Pilipinong may makabayang kaisipan katulad nina Pedro Serrano-Laktaw, Emilio Jacinto, Jose Dizon, Macario Sakay, Jose Ramos, Jose Rizal at marami pang iba.

Sa nasabi ring lugar unang nabuo ang plano sa pagtatayo ng masonriya sa Pilipinas noong 1891 na pinangunahan nina Serrano-Laktaw at Ramos; at ang La Liga Filipina.

Batay sa pananaliksik ni Cortez, ang diwa ng masonriya ay isa sa mga pundasyon ng Katipunan, na pinayabong ng edukasyon dahil ang Distrito Trozo ay malapit lamang sa UST. Dino Balabo

Sunday, February 2, 2014

Ka Blas



Kung siya ay nabubuhay ngayon, si Blas Fajardo Ople ay 87 taong gulang.

Ngunit siya ay inagaw ng kamatayan noong Disyembre 14, 2003 habang patungo sa Bahrain upang tumupad sa isang misyong diplomatiko bilang Kalihim ng Department of Foreign Affairs.
***
Kilala sa tawag na “Ka Blas”, siya ay isinilang sa bayan ng Hagonoy noong Pebrero 27, 1927.

Ang kanyang ama ay si Felix Antonio Ople, isang mandadaras o taga-kumpuni ng bangka; at ang kanyang ina ay si Segundina Fajardo.
***
Sa kanyang pagsilang, kayakap niya ang kahirapan, ngunit hindi ito naging hadlang sa kanya upang magsikap hanggang sa magtagumpay.

Ngunit hindi isang simpleng tagumpay ang kanyang nagawa.  Sa halip naging susi siya siya ng pagbabago sa buhay ng maraming pamilya.
***
Ito ay dahil si Ka Blas ang umakda ang Philippine Labor Code na nilagdaan upang maging batas ni dating Pangulong Ferdinand Marcos noong 1974.

Ang nasabing batas, ayon sa mga abogado ay halos di nababago o”basically intact.”
***
Sabi pa ng mga abogado at mag-aaral ng abogasya sa Bulacan, ang Philippine Labor Code na inakda ni Ka Blas ay kahanga-hanga.

Ito ay dahil sa ang umakda ay hindi naman isang abogado.
***
Ngunit ang higit na kahanga-hanga ay ang pagsisikap ni Ka Blas na makaahon mula sa kahirapan.

Ito ang bahagi ng kanyang buhay na hindi niya inilihim kanino man sapagkat  ang mga hamong kanyang pinagdaanan ang humubog sa kanya bilang isdang tao, bilang isang mamamayan, bilang isang mambabatas, at lider ng kanyang henerasyon na hanggang ngayon ay nararamdaman ang kontribusyon sa kasalukuyang salinlahi.
***
Sa batang edad, nagsikap si Ka Blas. Araw-araw naglalakad siya ng nakatapak makapasok lamang saHagonoy Central School.

Sa kabila ng kalagayang ito, nagtapos siya bilang valedictorian ng kanyang klase.
***
Sa ilang panayam ng Promdi kay Ka Blas sa Senado sa pagitan ng 2000 at 2001, ilang beses niyang nabanggit na noong graduation day niya nanghiram, lamang siya ng sapatos sakanyang kaanak upang makadalo at mai-deliver ang kanyang valedictory address, bukod sa personal na tanong na “kumusta na ang Central” (Hagonoy central School).

Ngunit hindi pa natatapos ang kanyang valedictory address ay masakit na ang kanyang paa dahil maliit ang sapatos na nahiram.  Dahil dito, pauwi pa lang siya ay hinubad na niya ang sapatos.
***
Noong high school, nag-aral siya sa Hagonoy Institute (HI) kung saan siya ay naging numero unong mag-aaral, sa kabila ng pagiging isang working student.

Kasama ang kanyang kapatid na si dating Bulacan Vice Governor Bernardo Ople, kapwa sila nagsilbi bilang janitor sa HI. At kapag may pagkakataon at nagpapahinga sila sa bahay ni dating Bulacan Governor Tomas Martin naang bahay ay di kalayuan sa HI.
***
Sa edad na 16 hanggang 18 ay napasama si Ka Blas sa mga mandirigmang Bulakenyo na nakipaglaban sa mga sundalong Hapones.

Kabilang siya sa mga sundalong Bulakenyo na nagpasuko kay Heneral Yamashit sa Kiangan Province noong 1945.
***
Bilang isang kabataang gerilya, hindi lamang kagitingan ang nakita ng mga kasama kay Ka Blas.  Nakita rin sa kanya ang sipag sa pag-aaral at pagbabasa.

Ito ay dahil sa hindi lamang riple ang laging dala ni Ka Blas, kadalasan ay may dalang libro, at kapag may libre oras ay nagbabasa kahit sa ilalim ng mga dayami na pinagkukublihan.
***
Matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig, nagtungo sa kalakhang Maynila si Ka Blas at nagtrabaho sa pier bilang isang estibador.

Dito niya nakita at naranasan ang ‘cabo system’ sa trabaho na ipinangako niyang babaguhin pagdating ng panahon at nabago nga niya ng siya ay maging Ministro ng Paggawa simula noong 1967.
***
Ang buhay ni Ka Blas matapos ang digmaan hanggang sa mapabilang sa hanay ng mga technical assistant ni dating Pangulong Ramon Magsaysay ay hindi simple, ngunit makulay.

Ito ang panahon kung kailan siya ay nakilala bilang isang magaling na mamamahayag.
***
Ayon sa kuwento ni Benjamin Gamos, isang beteranong mamamahayag sa Bulacan, ipinasok si Ka Blas ng kanyang Ninong bilang isang public relations writer ng Boy Scout of ther Philippines (BSP).

Ang kuwento ay nagsimula sa pagsundo kay Ka Blas sa kanyang bahay sa Hagonoy hanggang sa tanggapan ng BSP kung saan ay inuri siyang mabuti ng nooy chairman ng ahensiya.
***
Ayon kay Tatang Ben, hindi agad nagtiwala ang chairman ng BSP kay Ka Blas ngunit dahil kaibigan ang Ninong ni Ka Blas ay pinagbigyan na magsulat.

Kahit medyo may hangover pa daw ay hiniram lang ni Ka Blas ang typewriter ng BSP chairman at sinimulan ang pagsusulat ng isang editoryal.
***
Ilang minuto lamang ay natapos ang ipinasulat kay Ka Blas at ng mabasa ng BSP Chairman ay hindi lamang ito humanga, sa halip ay nagsabi pang, “superman ba yang inaaanak mo?”

Ang isa pang kuwento ay ang pagpasok ni Ka Blas sa Manila Times bilang desk editor.  Kaalinsabay nito ang pagsusulat niya ng kolum na “Jeepeney Tales” sa Daily Mirror, isang sister publication ng Manila Times.
***
Kung si dating Senador Benigno Aquino ang itinuturing na pinakabatang reporter ng Manila Times noong panaghong iyon; si Ka Blas naman ang pinakabatang kolumnista ng sister publication nito na Daily Mirror.

Kasunod nito ay ang pagkakasama ni Ka Blas sa grupo ni Magsaysaya, hanggang sa makilala siya ni Marcos at italaga bilang Minister at Labor at iakda ang Philippine Labor Code.
***
Bilang Labor Minister, si Ka Blas ang kauna-unahang Pilipino na naging pangulo ng International Labor Organization noong 1975. Itinalaga rin siya ni dating Pangulong Corazon Aqjuino bilang bahagi ng Constitutional Commission na umakda ang 1987 Freedom Constitution.

Unang nahalal si Ka Blas bilang Senador noong 1992, at noong 1996 bilang Senate President Pro Tempore; at 1999  bilang Senate President. Noong Hulyo 2000, nagbitiw siya bilang Senador at tinanggap ang pagtatalaga ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo bilang Secretary ng Department of Foreign Affairs.  

(Ang artikulong ito ay mula sa kolum na Promdi ni Dino Balabo sa pahayagang Mabuhay.  Ang larawan ni Ka Blas na black and white ay nagmula sa files ng Blas F. Ople Policy Center at ni Carlo Ople)