Showing posts with label Undas. Show all posts
Showing posts with label Undas. Show all posts

Thursday, October 31, 2013

Ang babaeng walang mukha


Ni Nolie Ross De Guzman
 Kumalabog ang bisikletang pasan ni Jimbo ng kanyang ibagsak iyon sa labas ng kanilang bahay pasado alas-10 ng gabi.  Humahagos siyang pumasok sa bahay, humihingal, pawisan, at halos hindi makapagsalita.

Agad siyang inabutan ng isang basong tubig ng kanyang nagtatakang ama, habang ang kanyang ina’y nag-aalalang nakamasid.  Kapwa nagtatanong ang kanilang mga matang nakatuon sa anak

“Bakit? Ano ba ang nangyari,” halos magsabay na tanong ng mag-asawa sa anak habang ibinababa nito ang baso sa mesa.

“Mmmmmhultoooo, may multo,” ang hindi magkadatutong sagot ni Jimbo.

Si Jimbo ay isa sa aking na pinsan na nakatira sa Brgy. Macapsing, Bongabon Nueva Ecija kung saan nagmula ang aming pamilya. Halos na beses bawat taon ay bumibisita kami roon mula sa aming kasalukuyang tirahan sa Bulacan.

Mapakaraming kakaibang kuwento sa Brgy. Macapsing.  May maganda, may pangit pero karamihan ay kababalaghan, kaya’t minsan ay naitanong ko sa aking sarili meron pa ba mga ganito sa panahon na ito o baka kwentong barbero lamang.

Hindi ako masyadong kumbinsido sa kuwento ng iba dahil hindi ko alam kung sino ang pinagmulan ng kuwento.  Pero kuwento ni Jimbo ay kakaiba, dahil siya ay pinsan ko at alam kong hindi siya magsisinungaling.

Ilang sandali pa, nahimasmasan din si Jimbo at ikinuwento ang makatindig balahibong karanasan na muli at muling kong naaalala kapag sasapit ang Nobyembre 1 kung kailan ginugunita ang Undas.

Kagagaling lang niya sa bahay ng kanyang kasintahang si Lyn sa katabing barangay ng San Vicente. Napasarap ang kuwnetuhan nila kaya’t halos alas-10 na ng gabi ng siya ay magpa-alam na umuwi.

Dahil gabi na, pinahiram siya ni Lyn ng isang bisikleta upang hindi masyadong gabihin si Jimbo.  Nasa pagitan ng Brgy. Macapsing at Brgy. San Vicente si Jimbo ng makaramdam siya ng kakaiba, pero hindi niya pinansin iyon.

Palibhasa’y probinsiya madalang ang bahay at ang ilaw sa lansangan; at dahil gabi na, madalang na rin ang mga tao sa kalsada. Sa magkabilang bahagi ng kalsada ay malalawak na taniman ng sibuyas, ang pangunahing produkto ng bayan ng Bongabon.

Nagpatuloy sa pagpedal si Jimbo at habang papalapit sa isang matandang puno ng sampalok di kalayuan sa kantong paliko sa kanilang bahay ay kinabahan siya.  Marami kasing kuwento sa nasabing punto at karaniwan ay kababalaghan katulad ng babaeng nakaputi na diumano’y nagpapakita  di kalayuan sa punong sampalok.

Palibhasa’y lalaki,  nagtapangtapangan si Jimbo. Itinuloy ang pagpedal at pigil hininga habang padaan sa tapat ng punong sampalok. Nakahinga naman siya ngh maluwag ng makalampas siya sa puno dahil wala namang nagpakitang multo.

Ngunit pagkalampas sa punong sampalok, may nabanaagan sa dilim si Jimbo. Isang babeng mahaba ang buhok, balingkinitan ang katawan at nakasuot ng puti na inakala niya na kanyang kapitbahay na si Amy kaya’t tinawag niya ito.


"Ate Amy, Ate Amy," ang halos na pasigaw na tawag ni Jimbo sa babae.  Ngunit nagtaka siya dahil hindi lumilingon ang kanyang tinawag. Naisip niya, baka hindi siya narinig kaya’t binilisan niya ang pagpedal ng bisikleta.

Pagtapat ni Jimbo sa babae ay nilingon niya ito at sa pagkakataong iyon, tumindig ang lahat ng balahibo niya sa katawan.

Walang mukha ang babae na inakala niyang si Amy, at hindi nakasayad sa kalsada ang mga paa nito.

Parang bumaha sa isipan ni Jimbo ang mga kuwento ng kababalaghan na kanyang narinig sa mga nagdaang panahon, at sa pagkakataong iyon ay kanyang nakumpirma.  Totoo ang multo at iyon ay nakita ng kanyang dalawang mata.

Balot man ng takot ang kanyang buong katauhan, binilisan niya ang pagpedal sa bisikleta ipinahiram ni Lyn hanggang halos masira ang kadena nito.  Ngunit pakiramdam niya ay hindi siya umuusad.

Kaya’t agad siyang bumaba sa bisikleta, pinasan iyon at dali-daling tumakbo pauwi.

Nagulantang pa ang kanyang ama ng kumalabog sa labas ng bahay ang bisikletang pasan ni Jimbo, sakay siya humahagos na pumasok.

Ilang araw pa, kumalat din sa Barangay Macapsing ang kuwento ng karanasan ni Jimbo kaya’t marami ang umiwas magpagabi sa lansangan.

Hindi nagtagal, pinutol ang puno ng sampalok at pinabendisyunan sa pari at abularyo ang lugar na iyon.

Ngunit isang katanungan ang naiwan sino ang babaeng iyon? At bakit wala siyang mukha? Saan napunta ang mukha ng babae?

(Si Nolie Ross ay kabilang sa unang batch BA Journalism graduate sa Bulacan State University (BulSU).  Siya ay nagtapos noong Abril 2011.  Ang artikulong ito ay kanyang sinulat noong 2010.)

Monday, October 29, 2012

SPECIAL FEATURE:Pamanang-yaman sa mga sementeryo dapat pangalagaan


Ang mga larawan sa special feature na ito ay pawang kuha sa Sto. Cristo Catholic Cemetery sa Baliwag, at kuha ni Dino Balabo.


BALIWAG, Bulacan—Kinatatakutan ng marami ang mga lumang sementeryo kaya’t umiiwas na magpagabi doon lalo na kung nag-iisa.

Kapag Undas o Araw ng mga Santo at mga Kaluluwa na ginugunita tuwing una at ikalawang araw ng Nobyembre, animo’y parke o piyesta sa mga sementeryo dahil sa dami ng mga tao na dumadalaw sa puntod ng yumaong mahal sa buhay.
 
Ayon sa mga dalubhasa, ang mga nasabing araw ay dalawa lamang sa pinakamahahalagang araw sa buhay ng pamilyang Pilipino dahil iyon ang mga araw na nagsililbing daan upang sila’y muling magkita-kita.

“Reunion” ang wikang karaniwang ginagamit ng mga dalubhasa sa paglalarawan ng pagtitipon; at ang lugar ng nasabing okasyon ay sementeryo na itinuturing ding “ikalawang tahanan”, ayon kay Jaime Corpuz ng Heritage Conservation Society (HCS) Bulacan.

Ang pananaw na ikalawang tahanan ang sementeryo ay higit na nagkakulay ng di sinasadyang makita ng Mabuhay ang mga musoleo sa loob ng Sto. Cristo Catholic Cemetery sa bayang ito.

Karaniwan sa mga musoleo sa nasabing sementeryo ay kongkreto at ibat-iba ang anyo.

May anyong bahay na may dalawa hanggang tatlong palapag, may parang kapilya o maliit na simbahan at may krus pa sa tuktok, mayroon din parang waiting shed.

Ang ibang puntod naman ay may mga pigura ng ibat-ibang iskultura, bukod sa ibat-iba ang kanilang mga kulay.

Bilang pangulo ng HCS-Bulacan, sinabi ni Corpuz sa Mabuhay na dapat pangalagaan ang mga pampublikong sementryo sa  lalawigan, maging ang mga pag-aari ng simbahan.

Ito ay dahil sa bukod sa itinuturing na ikalawang tahanan ang mga sementeryo, ito rin ay himlayan ng mga dakilang mamamayan na naging bahagi ng kasaysayan, at ang mga disenyo ng musoleo at mga iskultura doon ay kayamanang pagkalinangan.

“Those are historical and cultural time pieces na dapat ingatan at alagaan,” ani Corpuz.

Iginiit pa niya na ang mga sementeryo ay tahanan ng mahahalagang koleksyong pangkasaysayan na naghahatid ng kaalaman sa nakaraang panahon.

“Hindi lang nakikita ng ating mga lokal na pamahalaan ang kahalagahan ng mga sementeryo,” ani Corpus at idinagdag na ang mga ito ay maaaring magsilbing destinasyon ng mga turista.

Ipinayo pa niya na dapat bumuo ng mga programa pang turismo at pangkalinangan ang mga pamahalaang lokal tulad ng “Lakbay-Kaluluwa” kung saan ay bahagi ay bahagi ng pag-aaral sa koleksyong pangkalinangan sa mga sementeryo.

Inihalimbawa niya ang Sto. Cristo Catholic Cemetery kung saan nakahimplay ang puntod ng bayaning si mariano Ponce, at ang sementero sa Meycauayan kung saan matatagapuan angmga punto ng mga Obispo ng simbahang katoliko.

Inayunan din ito ni Isagani Giron ng Samahang Pangkasaysayan ng Bulacan na nagsabing ang pinakamatandang sementeryo sa lalawigan ay ang Malolos Catholic Cemetery kung saan nakalibing ang ilan sa mga kasapi ng 20 kababaihan ng Malolos na nagsulong na pagtatayo ng paaralan sa mga kababaihan noong panahon ng Kastila.

“Dapat pagtulungan ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP), City government ng Malolos at simbahang katoliko ang pagsasaayos ng mga libingan tulad ng Malolos Catholic Cemetery,” ani Giron.

Ipinaliwanag din ni Giron na ang pagtatayo ng sementeryo at paglilibing doon ng mga pumanaw ay nagmula sa kaugaliang Europeo, partikular na ng mga Kastila.

Ayon kay Giron, ang kaugalian ng mga katutubong Pilkipino maging ang mga Tsinong unang nanirahan sa bansa ay kakaiba sa kaugalian ng mga Kastila.

Ito ay dahil ang mga katutubong Pilipino ay mga unang Tsino ay sa gilid ng ilog naglilibing ng kanilang mahal sa buhay.

Para naman kay Father Ruel Arcega, ang pag-alala at pagdalaw sa mga yumao ay isang pagkilala ng mga Pilipino sa katuruan ng simbahan hinggil sa muling pagkabuhay.

“Ito ay pagkilala natin sa muling pagkabuhay, at sa huling araw ng paghuhukom, ang muling pagsasama ng kaluluwa at katawan katulad ng ipinakita ni Panginoong Hesus at Birheng Maria,” ani Arcega.

Hinggil naman sa naglalakihan at mga engrandeng musoleo, sinabi ng pari na ito ay isang palatandaan ng agwat ng mayaman at mahirap.

“Sa pangkulturang pananaw, ipinakikita ng iba ang agwat ng mahirap at mayaman dito sa lupa, pero sa Diyos, lahat ay pantay-pantay,” ani Arcega.

Inayunan din ni Corpuz ang pananaw na ito dahil mapapansin sa mga sementeryo ang kalagayan ng mga puntod ng pamilyang may kaya at pamilyang mahihirap.
 
Ang mga mahihirap ay maliliit at walang disenyo ng punto, at kung minsan ay sa mga puntod na “apartment-type” inihihimlay ang mahal sa buhay na pumanaw.

Batay naman sa pahayag ng isang sepulturero sa bayan ng Hagonoy, ang mga nakalibing sa puntod na apartment type ay karaniwang tumatagal ng limang taon.

“Nasa limang taon ang kontrata diya, pero pag hindi pa gagamitin yung nitso, pwede pang ma-extend,” ani ng sepulturero sa Sta. Ana Catholic Cemetery sa Hagonoy  (Dino Balabo)