Showing posts with label international women's media foundation. Show all posts
Showing posts with label international women's media foundation. Show all posts

Wednesday, April 17, 2013

IWMF humanga sa unang pangkat ng Pilipinong mamamahayag na sumailalim sa fellowship



LUNGSOD NG PASIG—Humanga ang International Women’s Media Foundation (IWMF) sa siyam na Pilipinong mamamahayag na sumailalim sa Environmental Investigative Reporting Fellowship na natapos noong Sabado, Abril 6.

Kaugnay nito, ikinagalak ng beteranang investigative journalist na si Marites Vitug ang pagbubukas ng programa ng IWMF sa bansa upang mapataas ang antas ng kasanayan ng mga mas batang mamamahayag.

“Nagulat si Nadine sa quality ng mga report ninyo, hindi niya inaasahang ganoon kabigat at kaganda ang magiging produkto ninyo,” sabi ni Imelda Abano, ang program manager ng IWMF sa bansa at pangulo ng Philippine Network of Environmental Journalists (PNEJ).

Ang tinutukoy ni Abano ay Nadine Hoffman-De Cicco, ang director of programs ng IWMF na nakabase sa Washington DC, sa Estados Unidos.

Sina Abano at Hoffman-De Cicco ay nagkausap sa telepono noong gabi ng Biyernes, Abril 5 o ilang oras bago isagawa ang huling sesyon at pagtatapos ng fellowship na nagsimula noong Hunyo 2012.

Idinagdag pa ni Abano na ikinumpara ni Hoffman-DeCicco ang kakayahan ng mga Pilipinong mamamahayag sa ibang mamamahayag na lumahok sa ibang programa ng IWMF sa ibang bansa.

Ang siyam na piling mamamahayag sa bansa na nakasama sa walong buwang pagsasanay at fellowship ay sina Purple Romero ng Rappler.com, Riziel Cabreros ng ANC, Rouchele Dinglasan ng GMA Network, Anna Valmero ng Loqal.ph, Malou Guieb ng Business Mirror, Rhodina Villanueva ng Philippine Star, Bong Sarmiento ng BusinessWorld at MindaNews, Lira Fernandez ng Interaksyon.com, at Dino Balabo ng Radyo Bulacan, Mabuhay, Punto Central Luzon at Philippine Star.

Hindi nakasama sa mga nagsipagtapos ng fellowship si Kate Alave ng Philippine Daily Inquirer at GMA Network dahil sa tawag ng tungkulin sa ibayong dagat.

Ang bawat isa sa siyam na IWMF fellow ay sumailalim sa mga serye ng pagsasanay sa loob ng walong buwan at nakapaglathala at nakapagsahimpapawid ng tatlo hanggang apat na special report.

Ang mga special report ay karaniwang tumalakay sa mga usaping may kaugnayan sa kalikasan tulad ng pagmimina, pagsisinop ng basura, pagbaha, pagkakalbo ng kabundukan, biodiversity, pagsasaka at produksyon ng isda.

Bawat isa sa siyam na IWMF fellows ay ginabayan ng mga beteranong mamamahayag na tulad nina Marites Vitug, Howie Severino, Miriam Grace Go, Robert Jaworksi Abano, Abner Mercado, Red Batario, Nonoy Espina, Malou Mangahas at Tonette Orejas.

Ayon sa IWMF, layunin ng walong buwang fellowship na maihanda ang mga kalahok sa pagbuo ng mga “innovative, in-depth reporting on environmental issues in the Philippines, highlighting the voices of women.

Ang bawat isa siyam na fellows ay tumanggap ng sertipiko ng pagkilala at tig-P80,000 suporta sa panahon ng pagsasanay at pagbuo ng mga special report.

Kaugnay nito, magpahayag ng kagalakan si Vitug sa pagbubukas ng IWMF ng programa sa bansa
“I am glad IWMF started a program in the Philippines, which our young journalists deserve,” ani Vitug.

Bilang isa sa mga mentor na gumabay sa mga kalahok sa fellowship, idinagdag pa niya na, “I really feel helping the successor generation, it was good chance to mentor you all. We don’t like to end up in the field with only the gray hair dominant.”

Ayon pa kay Vitug, nararapat sa larangan ng pamamahayag ngayon ang batang mamamahayag na may “fresh mind, innovative spirit and lots of imagination.” Dino Balabo

Monday, December 24, 2012

SPECIAL REPORT(3/3): Solusyon ba sa polusyon ang butas na batas?





MALOLOS—Dalawang batas pangkalikasan ang pinagtibay ng Sangguniang Paglalawigan ng Bulacan sa loob lamang ng halos isang taon mula 2011.

Ito ay ang bagong provincial environment code na pinagtibay noong Hulyo 2011 at ang ordinansang nagbabawal sa paggamit sa plastic sa lalawigan na pinagtibay nitong nakaraang Mayo.

Katulad ng iba pang mga batas pambansa tulad ng Clean Air Act, Clean Water Act, at Solid Management Act, ang dalawang ordinansang nabanggit ay kapwa naglalayon na mapangalagaan ang kalikasan sa lalawigan partikular na ang kabundukan at maging ang mga katubigan.

Ngunit sa kabila ng pagpapatibay sa mga nasabing batas, patuloy pa rin ang polusyon sa katubigan ng Bulacan na ayon sa mga managingisda at namamalaisdaan ay patuloy na lumalason sa tubig at nagpapaliit sa produksyon ng isda at iba pang lamang tubig.

Sa pagsasaliksik ng mamamahayag na ito, samut-sari ang naipong panukalang solusyon para mapigil ang polusyon sa kapaligiran, partikular na sa katubigan.

Kabilang dito ay ang mga sumusunod.

·         Istriktong pagpapatupad ng Republic Act 9003 o ang Ecological Solidwaste Act na sumasakop sa pagsisinop ng mga basura.

·         Pagtatayo ng isang toxic waste treatment plant sa lalawigan upang ang mga waste water ng mga pabrika ay doon linisin bago padaluyin sa mga sapa at ilog.

·         Pagkontrol o pagpapatupad ng regulasyon sa sobrang paggamit ng aqua feeds na sa itinuturing pangunahing sanhi ng polusyon sa katubigan, sa ilog man o sa karagatan.

·         At ang pagsasampa ng demanda laban sa mga pamahalaang lokal at mga pabrika na nagsasanhi ng polusyon.

Ayon kay Abogado Rustico De Belen, ang dating hepe ng Bulacan Environment and Natural Resources Office (BENRO), ang patupad ng batas ay isang bukod pa sa magpapatupad ng batas.

“Nandiyan na ang mga batas na yan, pero ang problema ay sino ang magpapatupad at paano ipapatupad,” tanong ni De Belen sa panayam bago siya nagbitiw sa tungkulin noong Oktubre.

Bilang isang abogado, ipinaliwanag niya na ang batas magkakaroon lamang ng kahulugan at kabuluhan kung ito ay ipinatutupad.

At dahil ang mga batas ay napagtibay na, nilinaw niya na ang mga magpapatupad nito ay ang mga namumuno sa pamahalaang lokal, partikular na ang mga alkalde at punong barangay.

Ngunit ang pagpapatupad ng batas ay hindi batas ididikta sa tao upang sumunod, sa halip ay nangangailangan ito ng sapat na impormasyon para sa epektibong pagpapatupad.

Ito ay nangangahulugan na kailangan isang tanggapan na nakatutok sa pangangalaga sa kalikasan na tinukoy ng Local Government Code of 1991 bilang Muncipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) o CENRO para sa mga lungsod o city.

Batay sa tala ng BENRO, pito lamang sa 21 bayan sa lalawigan ang may na Menro, at ang mga Lungsod ng San Jose Del Monte, Malolos at Meycauayan ay may CENRO.

Ang mga bayang may MENRO ay ang mga bayan ng Donya Remedios Trinidad, Guiguinto, Hagonoy,  Norzagaray, Plaridel, at Sta. Maria.

Ngunit ayon kay De Belen, sa mga nabanggit na bayan at lungsod, tatlo lamang ang aktibong MENRO o CENRO.

Batay pa rin sa talang BENRO ang mga bayang walang nakatalagang MENRO ay may mga “designated MENRO”.

Ito ay ang mga bayan ng Angat, Balagtas, Baliuag, Bocaue, Bulakan, Bustos, Calumpit, Marilao, Obando, Pandi, Paombong, Pulilan, San Ildefonso, San Miguel, at San Rafael.

Ang ”designated MENRO” ay mga taong inatasan na hawakan ang responsibilidad bilang MENRO ngunit wala pang sariling tanggapan dahil hindi pa iyon nalilikha.

Ang mga designated MENRO ay karaniwang may ibang trabaho, katulad ni Teresita Tetangco ng Pulilan na kung minsan ay siya ring tumatayong Municipal Information Officer.

Ang ibang tanggapan naman ng MENRO ay pansamantalang iniaatas sa namumuno o kinatawan ng mga Municipal Planning and Development Office (MPDO).

“Madaliang malaman kung seryoso ang pamahalaang lokal sa pangangalaga sa kalikasan,” ani De Belen at iginiit na iyon ay masasalamin sa pagbuo ng tanggapan ng MENRO at pagtatalaga ng mga tao na gagawa ng trabaho at tungkuling itinatakda ng nasabing tanggapan.

Isa sa mga dahilan kung bakit hindi nagbubuo ang mga pamahalaang lokal ng MENRO ay dahil sa kabila na ito ay binabanggit ng Local Government Code, ang nasabing posisyon ay “optional.”

Ito ay nangangahulugan na magbuo at magtalaga ng tao sa nasabing tanggapan o hindi ay walang lalabaging batas ang namumuno sa pamahalaang lokal.

Ngunit ayon kay de Belen, hindi man sapilitan o mandatory ang pagbuo ng MENRO at pagtatalaga ng mga taon mamamahala sa nasabing tanggap, lubhang kailangan ito sa kalsalukuyan at darating na panahon.

Ito ay dahil sa patuloy ang hamon ng mga hagupit ng kalikasan sa bawat pamayanan at kailangan matugunan sa lalong madaling panahon.

“Paano tutugon sa hamon ng climate change ang ating mga pamahalaang lokal kung walang tanggapan at mga tao na mamamahala doon,” ani de Belen.

Inihalimbawa niya na magiging madali sana ang pagpapatupad ng mga batas pangkalikasan kung may tanggapan ng MENRO ang bawat bayan na silang mag-iipon ng impormasyon sa kanilang lugar upang maging batayan ng pagpapatupa dng batas.

Iginiit pa niya na dahil sa kawalan ng MENRO, hindi rin nakakapagsagawa ng mga inspeksyon at pagbabantay ang mga pamahalaang lokal samga establisimyentong lumalabag sa batas.

Bukod dito, wala ring malinaw na programa nabubuo at naipapatupad para sa pangangalaga ng kalikasan.

Ang kakulangan ito sa kapatagan ay higit na kapansin-pansin sa kabundukan at mga baybayong dagat.

Ayon kay. Brother Martin Francisco ng Sagip Sierra Madre Environmental Society Inc., (SSMESI) napapabayaan din ang kabundukan.

Dahil dito, patuloy ang pagkaubos ng mga punong kahoy, maging ang mga ilegal na pagmimina at pagku-quarry sa kabundukan ng Bulacan.

Ang mga illegal na gawaing ito ay malaki rin epekto sa katubigan at pangisdaan dahil kapag malakas ang ulan ay natatangay ng umaagos na tubig ang putik, kaya’t ang tubig sa kailugan ay namumula o kulay banto.

Ayon sa mangingisdang si Rodolfo Cabangis, ang pagiging banto ng tubig sa kailugan ay nagiging sanhi upang mamatay ang mga semiliya ng isda, at malalaki naman ay naitataboy sa karagatan.

Bukod sa epekto ng bantong tubig sa kailugan, binigyang diin din ni Cabangis ang mga naaanod na basura sa kailugan.

“Sobra ang basura lalo na yung mga plastic, iyang pumapatay sa mga isda,” ani Cabangis.

Iginiit niya na kung masisinop lamang ang mga basura, ay hindi ito makakapinsala sa pangisdaan sa lalawigan.

Para naman kina Pedro Geronimo at Patrocinio Laderas, kailangan ng regulasyon sa sobrang paggamit ng aqua feeds sa mga malalaking palaisdaan sa Bulacan.

Ngunit sa kasalukuyan ay wala pang lokal na ordinansang napagtibay sa lalawigan para sa regulasyon ng paggamit sa aqua feeds.

Bilang isang beteranoing namamalaisdaan, sinabi ni Laderas na sa kawalan ng batas na nagre-regulate sa paggamit ng aqua feeds, mas makabubuti ay magsagawa ang mga namamalaisdaan ng ‘self-regulation.”

Ito ay nangangahulugan na sila na ang magkokontrol sa paggamit ng feeds batay sa ipinapayo ng Buerau of Fisheries and Aquatic Resources, na ayon naman kay Lito Lacap ay sinusunod ng ilang namamailaisdaan.

Bilang tagapangulo ng Integrated Services for the Development of Aquaculture (ISDA), sinabi  ni Lacap na ilan sa mga kasapi nila ay nagsasagawa na ng self regulation sa paggamit ng aqua feeds.

Gayunpaman, inayunan niya ang panukalang pagbuo ng ordinansa ng magtatakda ng mga pamantayan sa paggamit ng aqua feeds.

Dahil sa walang batas na sumasaklaw at nagtatakda ng pamantayan sa paggamit ng aqua feeds, sinabi ni Abogado Danilo Domingo na hindi ito ilegal.

Bilang dating alkalde ng Malolos, sinabi ni Domingo na ang problemang hatid ng aqua feeds ay nakarating din sa kanya.

Bilang abogado, iginiit niya ang pagpapatayo ng isang toxic waste treatment plant sa lalawigan na siyang maglilinis ng waste water ng mga pabrika.

Ipinaliwanag ni Domingo na mas malaki ang pinsalang hatid sa palaisdaan ng mga pabrika sa lalawigan kumpara sa mga gumagamit ng aqua feeds.

Inihalimbawa niya ang insidente ng madalas na paglutang o pagka-gango ng mga isda sa Labangan channel sa mga bayan ng Paombong, Hagonoy at Calumpit noong dekada 90.

Ito ay kinumpirma din ni Alfredo Lunes, isang dating mangingisda na ngayon ay Kagawad ng barangay Pugad sa Hagonoy.

Ayon kay Lunes, kapag may pabrikang nagpatapon ng waste water sa ilog, nagsisilutang ang mga isda at ang iba ay parang gusting umahin sa pampang.

Sinabi rin ni Lunes na ang pagpapatapon ng waste water sa ilog ay karaniwang isinasabay ng mga pabrika sa pagbuhos ng ilan katulad nong 2007.

Ayon kay Lunes, hindi lang polusyon ang hatid ng pagpapatapon ng waste water, sa halip ay nagtulak din ito sa tabing dagat ng tinatawag nilang “mga salot na isda.”

Ang tinutukoy niya ay ang mga isdang kanduli na karaniwang lumalaki sa tubig tabang at kumakain ng maliliit na isda.

“Salot na isda sa tabing dagat ang mga kanduli dahil kapag napasok sa baklad o lambat, tiyak na uubusin ang isda at hipon doon,” ani Lunes na nagsabing hinuhuli din nila ang kanduli, ngunit mababa ang presyo kapag ibinenta.

Dagdag naman ni Cabangis, :”wala na ngang mahuli mapapasukan ka pa ng kanduli, lalong wala kang kikitain.”

Iginiit pa niya ang kakulangan ng pagpapatupad ng batas na inayunan nina Francisco at Geronimo.

Para kay De Belen, ang batas ay hindi isang “silver-bullet” na kapag ipinatupad ay tuluyang maglalaho ang problema.

Sa halip nilinaw niya na ito isa lamang sa maraming hakbang na dapat isagawa ng gobyerno kung seryoso ang mga namumuno sa pangangalaga sa kalikasan.

Inayunan ito ni Francisco na nagsabing sa dinami-dami ng batas na napagtibay, isa man ay halos hindi nararamdaman sa mga dulong bahagi ng lalawigan tulad ng kabundukan at baybaying dagat dahil sa kawalan ng nagpapatupad.

“Dapat ipakita natin sa bawat mamamayan na ang batas ay batas at hindi ito butas,” ani Francisco.

Nilinaw niya na hanggat hindi ipinatutupad ng maayos ang mga batas, hindi magkakaroon ng disiplina ang mga mamamayan partikular na sa pagsisinop ng basura at magpapatuloy ang polusyon sa kailugan na papatay sa mga lamang tubig na ikinabubuhay ng maraming Bulakenyo.

Iginiit pa niya na ang lahat ng bagay ay magkakaugnay, ngunit katulad ng tinuran ni De Belen, dapat magkaroon ng mga namamahala sa mga tanggapang magpapatupad ng batas upang mapag-ugnay ng paglilingkod bayan, pangangalaga sa kalikasan, produksyon ng pagkain at kabuhayan ng mamamayan ng Bulacan. (Dino Balabo)


(PAALALA MULA SA PATNUGOT:  Ito ang ikatlo sa tatlong ulat na bunga ng pagsasaliksik ng may akda bilang isa sa mga kalahok sa Environmental Investigative Reporting Fellowship sa ilalim ng International Women's Media Foundation (IWMF) na nakabase sa Washington DC, USA.  Ang may akda ay isa sa 10 mamamahayag na sumasalalim sa isang taong fellowship training na nagsimula noong Hunyo).

SPECIAL REPORT (2/3): Nasaan ang mga isda? Ang unti-unting paglalaho ng samut-saring buhay sa baybayin ng Bulacan





CALUMPIT, Bulacan—Napailing si Caridad Robles habang binibilang ang perang kinita sa pagbebenta ng lutong ulam sa tanggapan ng Department of Justice (DOJ) sa lungsod ng Quezon.

Ito ay dahil sa tantiya niya ay kapos ang kanyang kinita para sa baon at panggastos ng kanyang dalawang anak na nag-aaral sa Bulacan Polytechnic College (BPC) at Buacan State University sa lungsod ng Malolos.

Bilang isa sa mga libo-libong Bulakenyang may asawang overseas Filipino worker (OFW), pinagtitiyagaan niya ang pagtitinda ng mga lutong isda at ba pang lamang dagat sa ibat-ibang tanggapan sa kalakhang Maynila tatlong beses isang linggo.

Sa kanyang pagsisimula ng pagtitinda may anim na taon na ang nakakaraan, maganda ang kanyang kita dahil nakakabili siya ng paninda sa punduhan ng bayan ng Hagonoy sa mababang halaga.

Ngunit ang sitwasyong ito ay unti-unting nagbago sa patuloy ng pagbaba ng produksyon ng isda sa lalawigan, partikular na mga huli sa karagatan sa mga nagdaang taon.

Ang kalagayang ito ay hindi maitatanggi dahil maging mga biyahera at tindera ng isda sa bayan ng Hagonoy ay napapansing ang karaniwang isda na kanilang naititinda sa bawat araw ay mga ionalagaan, lumaki at huli sa mga palaisdaan, samantalang ang dating masagang huli sa karagatan ay unti-unting naglalaho.

Ito ang isa samga pangunahing dahilan ng pagtaas ng presyo ng isda at patuloy na pagliit ng kinikita ng mga maliliit na tinderang katulad ni Robles samantalang patuloy na tumataas ang bilihin at lumalaki ang gastos ng pamilya.

“Kailangang magtiyaga, kasi kung aasa lang sa padala ng mister ko ay hindi makapag-aaral ang mga bata, sa ganitong paraan, kahit pang-araw-araw na gastos o baon ay kinkita na,” sabi niya.

Ang pagbaba ng produksyon ng isda ng Bulacan ay isinisisi ng mga mangingisda, opisyal at mamamayan sa patuloy na polusyon sa kailugan.

Ito, ayon sa mga opisyal ay sanhi ng kawalan ng disiplina sa pagsisinop ng basura at kawalan ng matinong programa ng pamahalaan para sa pagpapatupad ng solid waste management.

Katunayan, patuloy pari ang operasyon ng mga dumpsites sa maraming bayan sa lalawigan  samantalang itinatakda ng batas na dapat ay sanitary land fill (SLF) na ang gamitin.

Para naman sa mga maliliiit na mangingisda at namamalaisdaan, isa sa mga pangunahing sanhi ng polusyon ay ang sobrang paggamit ng aqua feeds ng mas malalaking palaisdaan na kinumpirma naman ng Integrated Services for the Development of Aquaculture (Isda), ang samahan ng malalaking namamalaisdaan sa Bulacan at iba pang lalwigan sa Gitnang Luzon.

Gayunpaman, sinabi ni Lito Lacap, tagapangulo ng Isda na kinikilala ng kanilang mga kasapi ang paggagalik sa tradisyunal na pamamaraan ng pamamalaisdaan kung saan ay tampok ang hinndi paggamit ng aqua feeds sa pagapapalaki ng isda sa pagitan ng bawat pag-anii.

Bilang isang lalawigan sa baybayin ng Manila Bay, ang Bulacan ay isa sa mga nangungunang lalawigan sa bansa sa larangan ng produksyon ng bangus mula sa mga palaisdaan.

Bukod dito, isa rin ang Bulacan sa tatlong pangunahing lalawigan sa produksyon ng talaba, tilapia at mga sugpo, ayon sa tala ng Bureau of Agricultural Statistics (BAS) sa pagitan ng 2001 at 2004.

Ngunit ayon sa matatandang mangingisda at namamalaisdaan sa lalawigan, ang kasaganang ito ay hindi maikukumpara sa kasaganaang hatid ng galanteng karagatan sa mga nagdaang dekada.

“Noon, hindi ka na lalayo sa baybayin ng dagat at mapupuno na ang bangka mo” ani Rodolfo Cabangis,59, isang mangingisda mula sa Barangay Pugad ng bayan ng Hagonoy patungkol sa pangingisda sa baybayin ng Manila Bay noong dekada 50 hanggang 70.

Ngunit ngayon, ang mga mangingisda sa bayang ng Hagonoy ay nakakarating sa bukana ng Manila Bay sa Isla ng Corregidor upang mangisda dahil sa halos wala ng mahuli sa baybayin ng Bulacan.

Ipinagmalaki pa niya na kahit pamamalakaya lamang ang hanapbuhay noon ay nakakayang pag-aralin ng mga magulang ang kanilang mga anak hanggang kolehiyo.

Ngunit dahil sa masaganang biyaya mula sa karagatan, marami namang kababata niya ang naging kampante sa pamumuhay at mas minabuting maging mangingisda, sa halip na magtapos ng pag-aaral.

Bilang isang mangingisda sa halos 30 taon, sinabi ni Cabangis na may mga pagkakataon sa mga nagdaang panahon na halos lumubog ang kanilang bangka sa dami ng mga isdang nahuhuli sa karagatan.

Kabilang dito ang mga isdang dalagang bukid, sapsap, maya-maya, kanduli, apahap, mamamale, kitang, maging mga alimasag, pusit, galunggong at marami pang iba.

“Marami nahuhuli noon, napakarami ng kabuhayan noon, mamimili ka ng huhulihin noon at yung maliiit itinatapon lang namin, pero ngayon ultimo dulong hinuhuli ngayon,” sabi niya at iginiit na maging ang maliliit na isda na tulad ng dyako at langaray na dati ipinakakain sa manok at baboy ay tinutuyo na rin at ibinebenta.

Inayunan ito ni Carlos Garcia, isang namamalaisdaan sa bayan ng Bulacan na nagsilbi rin Kapitan ng Barangay Perez.

Ayon kay Garcia, sadyang masagana ang isda sa karagatan noong dekada 60 kaya’t maging sa kailugan ng Bulakan ay sagana ang mga ito.

“Dati kahit sa likod ng munisipyo ng Bulakan ay maraming nahuhuling alugasin, pero ngayon, kahit tilapia ay pailan ilan na lamang.

Ilan sa sinisi nila sa pagliit ng pagiging maramot ng karagatan ngayon ay ang patuloy na pagdumi ng tubig sa karagatan at kailugan.

Hindi rin lingid kina Gob. Wilhelmino Alvarado at Bise Gobernador Daniel Fernando ang pagbabago sa kailugan.

Sa panayam, ikinuwento ng dalawng pinakamataas na opisyal sa lalawigan ang kanilang karanasan noong kanilang kabataan.

Ayon kay Alvarado, sa ilog ng Barangay Sto. Rosario sa bayan ng Hagonoy noong sila ay bata pa.

“Iyon ang aming swimming pool noon, malinaw at malinis ang tubig noon,” ani ng gobernador at iginiit pa na maging sa ay maraming nahuhuli sa kailugan ngayon.

Ngunit bukod sa pagiging malinis ng ilog noong siya ay bata, binigyang diin din ni Alvarado ang samut-saring halaman dati ay tumutubo sa mga gilid ng ilog.

“Dati ay may mga diliwaryo, kulasi, sasa, palapat, bakawan at balanggot sa gilid ng ilog,” sabi niya at idinagdag na ito ay napalitan na ng mga bahay.

Para naman kay Max Crisostomo, ang pangulo ng Hagonoy Municipal Cooperative Development Council (MCDC), hindi lamang ang pagtatatayo ng mga bahay ang sanhi ng pagkaubos ng mga samut-saring halamang nabubuhay sa gilid ng mga ilog na nagiging tahanan at itlugan ng mga isda at iba pang lamang tubig.

Ipinaliwanag ni Crisostomo na ang pagpapalawak ng mga palaisdaan ay isa sa mga dahilan ng pagkaubos ng mga ibat-iang halaman sa mga gilid ng ilog.

Sinabi niya na ang mga pilapil ng palaisdaan ay dating natataniman ng mga punong kahoy, ngunit sa paglipas ng panahon ang mga ito ay hinawan ng mga namamalaisdaan upang hindi mapagkublihan ng mga magnanakaw ng isda sa palaisdaan kung gabi.

Igniit pa ni Crisostomo bukod sa mga isda, maging mga ibon at iba pang hayop ay naapektuhan ng pagkaubos ng mga punong kahoy tulad ng bakawan sa mga pilapil ng palaisdaan.

Kabilang dito ay ang ibat-ibang uri ng ibog kabilang ang Philippine Mallard o Philippine wild duck na dati sa marami ang matatagpuan sa baybayin ng Bulacan.

Bukod sa mga bakawan, hinawan din ang mga sasahan sa bayan ng Paombong upang bigyang daan ang produksyon ng mga isda sa palaisdaan.

Isang epekto naman nito ang pagbaba ng produksyon ng suka mula sa sasa kung saan ay mas nakilala ang bayan ng Paombong, kaya’t sa kasalukuyan malaking porsyento ng sukang ibinebenta sa nasabing bayan ay nagmumula na sa lalawigan ng Quezon.

Para naman kay Fernando, nakakahigit ang kawalan ng disiplina sa pagsisinop ng basura sa lalawigan.

Ikiunuwento niya na noong siya ay isang tinedyer sa Barangay Tabang sa bayan ng Guiguinto, palagi silang naliligo sa patubig sa Barangay Santor at Barangay Look 2nd sa katabing lungsod ng Malolos.

Ngunit ngayon, halos hindi na mapaliguan ang nasabing patubig at ayon kay Fernando maging ang mga kailugan ay nakakahalintulad na rin ng basurahan.

Ito ay hindi itinanggi ni Abogado Henry Villarica, ang asawa ni Kinatawan Linabelle Ruth Villarica ng ika-apat na distrito ng Bulacan.

Ayon sa abogado, noong bata sila ay sa ilog sila ng Marilao naliligo, ngunit nagyon, kahit matilansikan lang siya ng tubig mula sa nasabing ilog, siya ay parang nadidiri dahil sa dumi nito.

Ang pahayag ni Abogado Villarica ay hindi maitatanggi dahil noong 2008, ang kailugan ng Marilao-Meycauayan-Obando ay napabilang sa 30 pinakamaruruming lugar sa buong mundo.

Ang polusyon naman sa nasabing kailugan ay isinisi sa halos 100-taon ng kapabayaan at pag-abuso ng mga pabrika ng sapatos, alahas at battery recycler na dati’y nagpapatapon ng waste water sa kailiugan.

Batay sa tala ng Department of Environment and Naturl Resources (DENR), ang nasabing kailugan kasama ang mga ilog ng Bocaue, Balagtas at Guiguinto ay nakakabilang sa mga ilog na “biologically dead.”

Ang kalagayang ito ay hindi nalihim kay Inhinyero Herminio Del Rosario, kaya’t minabuti nilang mag-asawa na ibenta ang minanang palaisdaan ng kanyang maybahay sa Barangay Saluysoy Meycauayan.

“Hindi na mapakinabangan, hindi na halos makabuhay ng isda,” ani ng Inhinyero.

Sa iba pang bayan sa lalawigan, lumalaki rin ang posibilidad na mabenta ang mga bukirin at palaisdaan dahil sa pananaw ng mga magsasaka at namamalaisdaan ay lumipas na ang panahon ng pagiging produktibo nito.

Ang pananaw na ito ay kumikilala sa kalagayan ng patuloy na polusyon sa tubig.

Sa kalagayang ito, ang mga higit na apektado ay ang mga maliliit na mangingisdang katulad ni Cabangis at tinderang katulad ni Robles.

Ito ay dahil sa hindi sila katulad ng mga namamalaisdaan na maaaring ibenta ang palaisdaang pinagkukunan ng kabuhayan.

Dahil hindi naman maibebenta ni Cabangis karagatang dating pinagkukunan ng kabuhayan, lumipat na siya ng hanap buhay.

Sa kalagayan naman ni Robles, umaasa siya na kapag nakatapos ang kanyang mga anak sa kolehiyo ay hindi na siya masyadong dedepende sa pagtitinda ng lutong isda sa mga tanggapan sa kalakhang Maynila.

Ang malaking tanong ngayon ay saan kukuha ng kabuhayan ang susunod na salinlahi ng mangingisda at tindera ng isda kung patuloy na mawawasak ng polusyon ang katubigang pinagkukunan ng kabuhayan ng kasalukuyang salinlahi?  (Dino Balabo)

(PAALALA MULA SA PATNUGOT:  Ito ang ikalawa sa tatlong ulat na bunga ng pagsasaliksik ng may akda bilang isa sa mga kalahok sa Environmental Investigative Reporting Fellowship sa ilalim ng International Women's Media Foundation (IWMF) na nakabase sa Washington DC, USA.  Ang may akda ay isa sa 10 mamamahayag na sumasalalim sa isang taong fellowship training na nagsimula noong Hunyo).

SPECIAL REPORT SIDE BAR: Perwisyo at benepisyo ng baha




CALUMPIT, Bulacan—Baha na naman, taun-taon na lang baha.

Ito ang katagang nasambit ng mga Bulakenyo sa pananalasa ng baha na hatid ng hanging habagat noong Agosto na nagpaalala sa kanila ng pinakamalalim na baha na nagpalubog sa Bulacan noong Setyembre at Oktubre noong nakaraang taon.

Masasalamin sa himig ng pananalita ang pagkadismaya sa hanay ng mga mamamayan dahil sa hindi lamang ari-arian nila ang napinsala ng baha, sa halip ay maging hanapbuhay nila ay naantala.

Sa madaling salita, ang una nilang pakahulugan sa pananalasa ng baha ay perwisyo, ngunit sa mga namamalaisdaan sa lalawigan na napinsala din ay may nababanaag na benepisyo.

Ang benepisyo mula sa baha ay isinatinig ni Abogado Rustico De Belen, ang dating hepe ng Bulacan Environment and Natural Resources Office (BENRO) na nakapanayam ng Mabuhay bago siya nagbitiw sa tungkulin noong nakaraang buwan.

Katulad ng mga pahayag ng mga namamalaisdaan sa bayan ng Hagonoy, sinabi ni De Belen na ang pagbaha ay isang paraan ng kalikasan sa paglilinis sa sarili ito.

“Its nature’s way of cleasing our river systems and water ways,” ani ng dating hepe ng BENRO.

Ipinaliwanag niya dahil sa dami ng tubig na dumadaloy sa kailugan, natatangay nito ang mga basura at iba pang bagay na nagsasanhi ng polusyon.

Ito ay kinumpirma ni Pedro Geronimo, isang beteranong namamalaisdaan sa Hagonoy.

Ayon kay Geronimo, ang tubig sa kailugan at sa dalampasigan ng dagat ay umiikot lamang.

“Pag low tide, lumalabas ang polluted na tubig sa dagat, pero hindi masyadong lumalayo, kaya pag high tide, bumabalik din,” ani Geronimo.

Ito ay inayunan din ni Carlos Garcia, isang dating kapitan ng Barangay Perez sa bayan ng Bulakan, at isa ring beterano sa larangan ng pamamalaisdaan.

Ayon kay Garcia, kailangan ng maraming tubig ang dumaloy sa mga kailugan upang mapalitan ang maruming tubig doon.

“Karanasan na naming iyan na karaniwang dumadami ang isda sa ilog ilang buwan pagkatapos ng baha o tag-ulan dahil luminis ang tubig,” ani Garcia.

Maging sina Rodolfo Cabangis ng Barangay Pugad sa bayan ng Hagonoy at dating Bokal Patrocinio Laderas ay umayon din.

Gayunpaman, sinabi nila na kapag naitulak ng baha sa karagatan ang basura, ang mga isda naman sa karagatan ang napipinsala.

Bilang isang mangingisda sa baybayin ng Manila Bay sa loob ng 30 taon, binanggit ni Cabangis ang mga pygmy shark na sumasad sa dalampasigan ng Malolos sa mga nagdaan taon.

Ayon kay Cabangis, matapos mamatay ang pygmy shark at binuksan ang tiyan nito upang magsagawa ng necropsy o pagsusuri at natuklasang nakakain ng maramin plastic ang malaking isda.

“Isipin na lang natin na yung malalaking isda ay kinakain ang plastic, pero yung maliliit lalo na yung mga similya pa lang, ano mangyayari sa kanila kapag napasok sa sa plastic na naanod sa tubig,” ani Cabangis at sinabing ang isda at karaniwang pasulong ang paglangoy at madalang ang paurong.  (Dino Balabo)