Showing posts with label rehabilitation. Show all posts
Showing posts with label rehabilitation. Show all posts

Friday, May 23, 2014

Kinukumpuning Calumpit Bridge bumagsak, 2 sugatan




CALUMPIT, Bulacan—Dalawang obrero ang iniulat na nasaktan sa pagbagsak ng kinukumpuning  tulay sa Calumpit, Bulacan noong Biyernes ng umaga, Mayo 23.

Ang mga biktima ay nakilalang sina Robert Vidal, isang crane operator at Jerry David, isang mason.

Sila ay agad na isinugod sa di kalayuang Sta. Cruz Hospital ng mga kasapi ng Calumpit 1024 volunteer rescue group na nakatalaga sa tulay upang tumugon sa katulad na insidente.


Ayon kay Inhinyero Ruel Angeles, hepe ng Department of Public Works and Highway (DPWH) First Engineering District, ang pagbagsak ng tulay ay isang aksidente.

Ikinuwento niya na bago maganap ang aksidente ay inilipat ng kontrator na Wing-An Construction Development Corporation ang kanilang mga kagamitan sa gitna ng tulay upang bigyang daan ang demolisyon ng south span ng tulay.

Ang south span ng tulay ay nasa bahagi ng Poblacion, Calumpit at ng north span nito ay nasa bahagi ng Barangay Gatbuka.

“Ang ide-demolish ay yung span sa side ng Poblacion kaya yung mga equipment ay inilipat sa mid-span pero bumigay din yung mid-span,” ani Angeles.

Iginiit pa ni Angeles na ang pagbagsak ng middle span ng tulay ay nagpapakita lamang na mahina na iyon at dapat na talagang palitan.


Sa pagbagsak ng middle span ng tulay ay bumagsak din ang mga steel truss sa ibabaw nito na tumama samga kagamitan tulad ng crane at lifter.

Una rito, inirereklamo na ng mga residente ang mabagal na rehabilitasyon ng tulay na nagsimula noong Hunyo 2013 at dapat sana ay natapos nitong Abril.

Ngunit humiling ng dagdag na panahon ang kontraktor dahil sa mga tatanggaling steel, concrete at wooden piles sa ilalim ng tulay.

Ayon kay Angeles, tinatayang matatapos ang tulay sa darating na Setyembre.

Matatandaan na ng rehabilitasyon sa tulay ay isinulong matapos ang pagbagsak ng Colgante Bridge sa bayan ng Macabebe, Pampanga noong 2011.  Dino Balabo at Rommel Ramos

Saturday, October 26, 2013

Sino ang gagastos para sa P5.7-B rehabilitasyon ng Angat Dam?


Angat Dam spillway. larawan mula sa PPT presentation ng Tonkin & Taylor.




LUNGSOD NG MANDALUYONG— Sino ang gagastos para sa P5.7-B rehabilitasyon ng Angat Dam?

Ito ang katanungang lumutang matapos ang pulong ng matatas na opisyalng kapitolyo, National Power Corporation (Napocor), Metropolitan Waterworks and Sewerage System I(MWSS)at National Irrigation Admininistration (NIA) sa Edsa Shangrila Hotel noong Oktubre 16, isang araw matapos yaniginng lindol ang lalawigan ng Bohol.

Kaugnay nito, inamin ng Napocor na wala pa silang koopya ng kontrata sa pagitan ng
Korea Water Resources Corporation (K-Water) at ng Power Sector Assets and Liabilities Management (Psalm) na siyang namahala sa pagpapasubasta ng Angat River Hydro Electric Power Plant (ARHEPP) sa bayan ng Norzagaray.

Maging si Gob. Wilhelmino Alvarado ay naghahanap din ng kopya ng nasabing kontrata dahil sa naiinip na siya sa pagpapatupad ng panukalang rehabilitastyon ng Angat Dam na unang iniulat na pinondohan ng Malakanyang ng halagang P5.7-B.

Ito ay dahil sa nangangamba si Alvarado kaugnay sa pagyanig ng lindol na may lakas na 7.2 magnitude sa Bohol noong Martes, Oktubre 15.

Bakit hindi ako mangangamba maging mnga Bulakenyo, eh yung lakas ng lindol na sumalanta sa Bohol ay sinasabing makakasing lakas ng lindol na maaaring sumira sa Angat Dam,”sabi ng Gobernador.

Iginiit pa niya na kaya siya nangangamba ay dahil sa hanggang ngayon ay hindi pa nasisimula ang planong rehabilitasyon sa dam upang patatagin ito laban sa lindol na ihahatid ng Marikina West Valley Faultline (WMVF).

Ayon kay Alvarado, kapag lumindol at nasira ang dam, ang lalawigab ng Bulacan ang unang-unang mapipinsala.
Napocor President Gladys Sta. Rita at Gob. Alvarado

Ito ay dahil sa posiblidad ng pagragasa ng may 30 metrong na lalaim ng tubig mula sa Angat Dam na posibleng lumipolsa mga taong nasa daraanan ng tubig at puminsala sa mga ariarian at iba pang imprastraktura’t pananim.

Batay sa unang mga pag-aaral aabot sa 20 bayan at lungsod sa Bulacan ang masasalanta ng nasabing paglindol na sisira sa dam, bukod pa sa pitong bayan sa Pampanga at tatlong Lungsod sa Kalakhang Maynila.

Ang pinasalang ito ay posibleng ihatid ng tubig na raragasa, hindi pa kasama sa pagtayang ito ang pinasalang ihahatid ng lindol.

Ayon sa ibang pag-aaral, posibleng umabot sa 33,500 ang masasawi sa kalakhang Maynila dahil sa lindol na 7.2 na lilikhain ng paggalaw ng WMVF. Tinataya namang aabot sa 113,600 ang masaktan at massusugatan sa nasabi ring lugar.

Dahil sa posibilidad ng pinsalang ihahatid ng lindol sa Angat Dam na pinagkukunan ng 97 porsyentong tubig inumin ng kalakhang Maynila, naglabas ng P5.7-B pondo ang Malakanyang noong 2012 para sa rehabilitasyon ng Angat Dam.

Ngunit nagkaroon ng kumplikasyon ang sitwasyon ng katigan ng Korte Suprema ang Korea Water Resources Corporation (K-Water) para sa pagsasapribado ng ARHEPP>

Ayon kay Arkitekto Gerardo Esquivel, administrador ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), bahagi ng kontrata ng K-Water ay nagsasaad na ang mamamahaola sa ARHEPP ang gugugol para sa rehabilitasyon ng Angat Dam.

Gayundin ang pananaw ni Inhinyero Rodolfo German,ang general manager ng ARHEPP.

Sinabi pa ni German na gugugulan din ng K-Water  ang rehabilitasyon ng Arheep.

Ngunit patra kay Gladys Sta. Rita, ang bagong pangulo ng Napocor, hindi pa malinaw sa kanila ang nilalaman ng kontrata sa pagitan ng K-water at Psalm.

Ito ay dahil sa hindi pa nakakahawak ang Napocor ng kopya nito.

Sa panaym, sinabi ni Sta. Rita na kinukunsidera ng Malakanyang ang posibilidad na ang K-water na ang gagastos sa rehabilitasyon ng Angat Dam.

Nilinaw ni Sta. Rita na P3.1-B lamang ang gagastusin para sa rehabilitasyon ng dam, at ang nalalabing P2.6 B mula sa P5.7-B ay para sa mga makabagong instrument.

Dahil hindi pa malinaw kung sino ang gagastos sa rehabilitasyon ng Angat Dam, sinab I ni Alvarado na ang mga Bulakengyo ay laging may pangamba.

 “Nakakapangamba ang sitwasyon, nakaamba yung Marikina West Valley Faultline sa Angat Dam na hanggang ngayon ay hindi pa nasisimulan ang repair,  eh, paano kung gumalaw ang faultline at masira ang dam, eh di tayo ang mapipinsalan,” sabi ng gobernador.

Iginiit niya na ang lindol sa Bohol ay isang paalala upang madaliin ang pgapapatupad ng rehabilitasyon sa dam.

Ayon kay Alvarado, anumang oras ay maaaring lumindol at maaaring masira ang dam.
(Dino Balabo)

Wednesday, April 17, 2013

Bantayan ang mga dam upang matiyak ang katatagan




LUNGSOD NG MALOLOS—Ligtas pa rin ang mga dam sa Gitnang Luzon matapos yumanig ang isang lindol na may lakas na magnitude 5.4 noong Huwebes, Abril 4 na tumama sa Baler, Aurora.

Ngunit ipinayo ni Inhinyero Roderick Dela Cruz na kailangang magsagawa ng pagbabantay at pagsusuri sa mga dam upang matiyak ang katatagan ng mga ito.

Sa kanyang presentasyon noong araw ding iyon sa mga opisyal ng Kapitolyo, National Power Corporation (Napocor) at Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), sinabi ng dam safety expert na sa Amerika, kapag lumindol ng mas malakas sa magnitude 5, agad silang nagsasagawa ng mga pagsusuri.

Ito ay dahil sa iyon ang itinatakda ng kanilang batas at pamantayan sa pamamahala sa mga dam.

“We want to be sure of the safety of our facilities,” ani Dela Cruz sa pagsisimumula ng kanyang presentasyon mahigit isang oras matapos lumindol.

Bilang isang lead dam safety engineer ng Southern California Edison (SCE), si Dela Cruz ay namamahala sa 82 naglalakihang dam na ang mga edad ay nasa pagitan ng 80 hanggang 100 taon.

Inihayag niya na ang mga kritikal na istraktura ng dam na dapat suriin matapos ang lindol ay ang dike, spillway at iba pang bahagi.

Ito ay upang matukoy kung may naiwang pinsala ang lindol, maliit man o malaki.

Ayon kay Dela Cruz, ang regular na pagsusuri sa mga istraktura ng dam ay isa sa mga benepisyong pagkakaroon ng isang national dam safety law na itinakda ng pamahalaang pederal at estado ng Amerika.

Sa Pilipinas,nagpahayag siya ng kalungkutan na hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring national dam safety law.

Binigyang diin pa niya ang kalagayang ibat-ibang pangkat ang namamahala sa mga dam sa bansa.

“There are many stakeholders in dam operations in the Philippines, but there is no single office that monitors the dams because there is no law on dam safety,” ani Dela Cruz.


Nagpahayag din siya ng kalungkutan na sa kasalukuyan ay natutulog sa Kongreso ang panukalang batas para sa national dam safety program.

Kaugnay nito, tiniyak ng Napocor na nananatiling matatag ang Angat Dam sa bayan ng Norzagaray matapos ang lindol noong Abril 4.

“Hindi naman masyadong naramdaman dito,” sabi ni Inihinyero Rodolfo German, ang general manager ng Angat River Hydroelectric Power Plant (Arhepp).

Iginiit pa ni German na ang karaniwang nagsasagawa ng pagsusuri sa Angat Dam ay ang Napocor Dams and Waterways division kasama ang mga kinatawan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Gayunpaman, hindi masagot ni German ang katanungan kung agarang nagsagawa ng pagsusuri sa Angat dam ang Napocor at ang Phivolcs matapos ang lindol.

Ang Angat Dam ay itinayo at sinimulang gamitin 43 taon na ang nakakaraan.

Ito ay napipintong isailalim sa kauna-unahang rehabilitasyon matapos matukoy sa mga pag-aaral na ang dike ng dam ay nakatayo di kalayuan sa splay o sanga ng Marikina West Valley Faultline.

Ayon sa Philvolcs, ang nasabing faultline ay gumagalaw sa pagitan ng 200 at 400 taon. Sa kasalukuyan, natapos na ang 200 taon ng di paggalaw ng faultline.

Ito ay nangangahulugan na anumang oras ay maaaring gumalaw at lumikha ng lindol na may lakas na magnitude 7.2 ang faultline. Dino Balabo