Thursday, November 14, 2013

Buhayin ang panukala ni Robredo laban sa kalamidad


 
MALOLOS CITY—Buhayin ang pangrap ni dating Kalihim Jesse Robredo para sa disaster preparedness.

Ito ang payo ng isang Balik-Scientist Program (BSP) awardee halos isang linggo matapos manalasa ang bagyong Yolanda na nag-iwan  ng di mabilang na pinsala sa Visayas.

“Maganda yung pangarap ni dating Secretary Robredo, at sa palagay ko ito ang susi para sa community resilience against disasters,” sabi ni Inhinyero Roderick Dela Cruz, ang lead dam safety engineer ng Southern California Edison (SCE) na nakabase sa Estados Unidos.

Ang tinutukoy ni Dela Cruz ay ang hindi naipatupad na Seal of Disaster Preparedness (SDP) for floods na inilunsad ni Interior Secretary Jesse Robredo mahigit tatlong buwan bago siya nasawi noong Agosto 18, 2012.

Ang SDP ay naglalayon na mahikayat ang mga lokal na pamahalaan upang isa sa kanilang pangunahing agenda sa pagpapaunlad ang disaster preparedness o paghahanda laban sa mga kalamidad. Kung ito ay naipatupad ng Department of Interior and Local Government (DILG), ito sana at nakapagpataas ng kakayahan ng mga pamahalaang lokal sa paghahanda at pagtugon sa mga kalamidad.

Bukod dito,mapapataas nito ang antas ng kaalaman at kakayahan ng mga mamamayan kung ano ang mga dapat gawain bago dumating o sa panahon ng kalamidad.

“In the US, the Federal Government has established disaster preparedness program enjoining not only government units but business corporations as well to comply,” sabi ni Dela Cruz sa isang panayam sa pamamagitan ng Skype noong Miyerkoles.

Ipinaliwana niya na sa Amerika,ang nasabing programa ay ipinatutupad sa buong taon, at sinuri ng mga dalubhasa. Ang mga nakakatugon at nakakapasa ay pinagkakaloob ng gobyerno ng certificate of compliance sa disaster prevention program.

Bukod sa mga pamahalaang lokal, kasama rin ang mga establisimyentong pang negosyo at malalaking organisasyon sa paglahok sa disaster prevention program sa Amerika at binibigyan din silang certificate of compliance. “It is very similar to what Robredo would like to achieve,” sabi ni Dela Cruz patungkol sa layunin ng dating kalihim na para sa disaster preparedness. Dino Balabo

Tuesday, November 12, 2013

Misa ng pasasalamat sa pagkaligtas sa bagyo tampok sa Pistang Dagat






HAGONOY, Bulacan— Isang araw matapos manalasa sa Visayas ang bagyong Yolanda, matagumpay na naisagawa ang taunang  pagdiriwang ng Pistang Dagat sa bayang ito.

Ang pagdiriwang na nilahukan ng mahigit 100 residente ng mga Barangay Pugad at Tibaguin ay bilang pasasalamat sa pagkakaligtas ng Bulacan partikular ng mga baybayin ng Bulacan sa mapaminsalang epekto ng bagyo.

“Magpasalamat po tayo dahil hindi tayo nasalanta ng bagyong Yolanda, pero patuloy nating ipanalangin ang mga kapwa nating Pilipino na napinsala at naapektuhan samga bayan at lungsod sa Visayas, Bicol at iba pang bahagi ng bansa,” sabi ni Padre Efren Basco sa pagsisimula ng misa para sa taunang Pistang Dagat.

Ang misa ay isinagawa habang nakasakay sa mga bangkang naka- angkla di kalayuan sa parola ng Pugad ang pari, mga deboto at maging mga imahe nina Sta. Elena, San Rafael, San Ignacio, San Nicolas, Sta.Ana, at Sagrada Familia.

Bukod sa nasabing pasasalamat, ipinagpasalamat at ipinagdasal din sa misa ang karagatan ng Maynila at katubigang nasasakop nito na pinagkukunan ng kabuhayan ng mga residente. Sa kanyang sermon, binigyang diin ni Basco ang pangangalaga sa kalikasan partikular na sa karagatan at katubigan.

Pistang Dagat 2013
Sa huling bahagi ng misa, ipinaalala niya sa mga lumahok sa Pistang Dagat na magsisikain habang nakasakay sa bangka na sinupin ang kanilang basura. Bago tuluyan matapos ang pagdiriwang sa baybayin ng karagatan, binasbasan ng pari ang mga bangka at kagamitan sa pangingisda ng mga lumahok.

Una rito, halos isang oras ding nagprusisyon sa bunganga ng ilog ng Pugad ang mga residente. Ito ay tinawag nilang “ligid”kung saan ay tampok ang pag-ikot o pagligid ng mga mas maliliit na bangkang de motor sa mas malaking bangka kinasasakyan ng mga imahe ng mga patron.

Saturday, November 9, 2013

Kauna-unahang kumperensya ng botika sa Gitnang Luzon isasagawa




 
GUIGUINTO, Bulacan—Inaasahang aabot sa mahigit 300 katao ang lalahok sa kauna-unang pang-rehiyong kumperensiya ng mga botika sa Nobyembre 22 hanggang 23.

Ito ay ang 1st Central Luzon Business Conference na isasagawa sa St. Agatha Resort and Country Club sa Barangay Sta. Rita ng bayang ito na pangungunahan ng Drugstore Association of the Philippines (DSAP) Bulacan Chapter.

Ayon kay Jomar Quiroga, may ari ng MedicAsia drugstore sa bayan ng Balagtas at tagapangulo ng kumperensiya, layunin nito na mapag-isa ang mga namamahala sa mga botika sa Gitnang Luzon.

Ito ay upang maisulong ang nagkakaisang tinig ng mga namamahala sa mga botika at mapataas ang antas ng serbisyo.

Ayon kay Quiroga, kabilang samga usapi na tatalakayin sa nasabing kumperensiya ay ang mga bagong patakarang nais ipatupad ng Food and Drug Administration (FDA).

“May mga batas na ipinatutupad ang FDA, pero hindi nakokonsulta ang mga drug store owners,” sabi ni Quiroga.

Iginiit pa niya na ang nang kumperensiya ay isa ring pagkakataon para sa pagpapalawak nvg kaalaman sa pamamahala sa botika.

Sinabi niya na hindi simple ang pagtatayo isang botika.

Kabilang sa mga pangunahing kailangan ay ang pagkakaroon ng lisensyadong pharmacist sa bawat botika.


Inayunan din ito nina Beng Sandoval, Corazon Cataniag at Joy Argao, na pawang may sariling botika.

Ikinuwento nila na may mga tindahang nagbebenta ng gamot na hindi dapat basta ibenta.

Ayon kina Sandoval at Cataniag, kung tutuusin, kahit mga gamot na walang reseta  ay hindi pwedeng ibenta sa mga pangkaraniwang tindahan.

Ipinaliwanag naman ni Argao na lubhang kailangan ang isang lisensiyadong pharmacist sa pagbebenta ng gamot dahil may mga pagkakataon na ito ang nagbibigay ng payo sa bumibili ng gamot.

Iginiit pa ni Argao na mahalaga ang paglahok sa kumperensiya dahil sa mga benepisyong hatid nito.

Kabilang dito ay ang pagsasagawang mga kasunod na pagsasanay hindi lamang para sa mga lisensiyadong pharmacist, kungdipara na rin sa mga pharmacy assistant.

Ang nasabing kumperensiya ay itinataguyod ng RiteMed,Unilab, Pharex, Procter and Gamble, DKT Philippines Inc., J. Chemie Laboratories,Inc., at PLDT Nation.  Dino Balabo

Saturday, November 2, 2013

Proyektong di pa natatapos, pinangangambahan na

 

MALOLOS—Dalawang proyektong pang-imprastraktura ang Bulacan ang pinangangambahan ngayon sa kabila na hindi pa ito natatapos.

Bukod sa mga proyektong ito, dalawang dam din sa lalawigan at limang hanging bridge ang natukoy ng Mabuhay na pinangangambahan ng mga Bulakenyo batay sa magkakahiwalay na panayam.

Ang pagtitipon ng mga impormasyong ito ay kaugnay ng taunang paggunita sa Undas na karaniwang tinatampukan ng mga nakakatakot na kuwento.

Ang sumusunod ay ilan lamang sa mga imprastrakturang sinasabing pinangangambahan.

 Angat Dam
Bustos Dam
Hanging Bridge sa Gatbuka
Hanging Bride sa Iba
Hanging Bridge sa Abulalas
Hanging Bridge sa Parong-parong
Kanal sa MacArthur Highway
Plaridel-Bustos by-pass road
Hanging Bridge sa Divine Mercy
Rehabilitasyon ng MacArthur Highway sa Calumpit

Narito ang ilang impormasyon kung bakit pinangangambahan ang nasabing imprastraktura.

 Angat Dam. Ang 47-taong gulang na Angat Dam ay matatagpuan sa bulubunduking bahagi ng Norzagaray, Bulacan. Ito ang pinagkukunan ng  97 porsyentong tubig inumin ng kalakhang Maynila. Batay sa pag-aaral ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), ang dam ay nakaupo di kalayuan sa West Marikina Valley Faultline na posibleng gumalaw anumang oras na maaaring ikasira ng dam. Nagpalabas na ng pondo ang Malakanyang para sa rehabilitasyon ng dam, ngunit hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa nasisimulan ang pagpapasubasta para sa pagpapakumupuni nito.

Bustos Dam. Ito ay nagsisilbing after bay regulator dam ng Angat Dam, at matatagpuan sa pagitan ng mga bayan ng San Rafael at Bustos.  Itinuturing na pinakamahabang rubber gate dam sa buong Asya ang Bustos Dam. Ang mga rubber gate nito at huling pinalitan njoong 1998, ngunit sinasabing marupok na dahil sa init ng panahon. Naghanda na ng pondo ang pamahalaang nasyunal para sa pagpapakumpuni nito na tatampukan ng pagaalis ng rubber gate at papalitan ng kongkreto.  Ngunit hanggang sa kasalukuyan ay wala pang aprubadong disenyo para sa pagpapakumpuni.

Hanging Bridge sa Gatbuka.Ang hanging bridge na ito ay nakahanay sa kinukumpuning Gatbuka Bridge sa bayan ng Calumpit. Ito ay itinayo kamakailan lamang upang makaiwas sa disgrasya ang mga tumatawi.  Ngunit umiindayog ang nasabing hanging bridge.  Ayon kina Gob. Wilhelmino Alvarado at Inhinyero Ruel Angeles ng Department of Public Works and Highways (DPWH), patitibayin ang hanging bridge sa pamamagitan ng paglalagay ng mga tahilang bakal upang mabawasan ang pag-indayog.


Hanging Bride sa Iba. Halos 30 na ang hanging bridge na ito na may habang mahigit 300 metro patawid ng Labangan Channel.  Higit na lumaki ang sira nito noong Oktubre 2011 kaugnay ng bagyong Pedring at Quiel. Tumaas ang tubig sa Labangan Channel at bumalandra ang mga water lily sa hanging bridge hanggang sa mapalipit ito. Matagal na itong inirereklamo at ilang beses na ring kinumpuni ngunit hindi pa rin nababawasan ang pangamba ng mga magulang ng mga batang paslit na tumatwid dito araw-araw sa pagpasok sa eskwela.

Hanging Bridge sa Abulalas.Halos kasabay itong itinayo ng hanging bridge sa Barangay Iba.  Ilang beses na ring ipjnakumpuni, ngunit ang mga materyales na ginamit ay mga kawayan lamang.  Araw-araw din itong dinadaanan ng mga batang mag-aaral.
 
Hanging Bridge sa Parong-parong. Katulad ng mga hanging bridge sa Iba at Abulalas, ang hanging bridge na ito na tumatawid sa Sitio Parong-parong San Agustin at Barangay San Pablo ay matagal na ringhinihiling maipakumpuni. Ngunit katulad ng pahayag ng mga opisyal ng mga pamahalaang lokal patingkol sa mga hanging bridge sa Iba at Abulalas, iginiit nila na ang daring nagmamantine nito ay ang Pampanga River Control System (PRCS) na mula pa noong 1992 ay nabuwag na at inilipat sa Pampanga.

Kanal sa MacArthur Highway. Hindi pa natatapos ang kanal na magkabilang bahagi ng MacArthur Highway mula sa Barngayu Longos sa malolos hanggang sa Brgy. Pio Cruzcosa sa Calumpit ay binasag at kinumpuni na. Ito ay Bahagi ng road widening project ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Ngunit ayon kay Bokal Michael Fermin na dalawang beses ng nagkasakit ng dengue, maaaring pangitlugan lamang ng lamok ang  nasabing kanal dahil hindi ito dumadalo sa Labangan Channel.


Plaridel-Bustos by-pass road. Bago pa mapasinayaan ang lansangang itonoong Marso ay inirereklamo na ng mga motorist ang pagiging madilim kung gabi.  Ang totoo, ilan na ang naaksidente doon,kabilang ang isang trak ng military na sumalpok sa isang tricycle.  Bukod dito, walang bakod ang by-pass road kaya’t maraming sumusulpot na sasakyan sa mga kanto nito.

Hanging Bridge sa Divine Mercy.  Sinasabing nasira ng hanging bridge na ito noong 2009 matapos ang pananalasa ng bagyong Ondoy sa bayan ng Marilao. Ito ay nagsisilbing pangunahing daan mula sa barangay Lambakin patungo sa Divine Mercy National Shrine sa nasabing bayan.

Rehabilitasyon ng MacArthur Highway sa Calumpit. Ang proyektong ito ng Department of Public Works and Highways sa pagitan ng Malolos at Calumpit at itinuturing na isang halimbawang proyektong hindi ikinonsulta samga mamamayang maaapektuhan ng proyekto. Dahil lumulubog sa baha ang nasabig lansangan, itinataas ngayon ito ng halos isang metro.  Ang pangamba ng mga residente sa silangang bahagi ng highway ay ang posibleng paglubog ng kanilang mga bahay kapag muling lumakas ang ula katulad noong Agosto 2012.  Ito ay dahil na rin sa dati, kapag umulan ang tubig na umapaw sa mga bukirin sa bahagi ng Plaridel at Calumpit ay tumatawid ng MacArthur Highway at dumadaloy sa bukirin sa bahagi ng Paombong. Ngunit dahil sa taas ng kalasada ngayon, aabot munang isang metro ang lalim ng tubig bago tumawid ng highway at dumaloy patungong Paombong. Maiiwasan lamang ang posibilidadna ito kung huhukayin aat palaaparinang sapang dumadaloy sa may harap ng Cabanas at Grand Royale Subdivision, na dumadaloy naman patungong Paombong.  (Dino Balabo)

Thursday, October 31, 2013

10 pinagkakatakutang lugar sa Bulacan



Narito ang ilang maiikling kuwentong naipon hinggil sa mga diumano’y kinatatakutang lugar sa Bulacan.  Ito ay batay sa mga kuwento ng mga taong diumano’y nakakita sa sinasabing multo.

1. Bahay na Pula. Isang old house sa Barangay Anyatam, San Ildefonso. May lumilitaw daw na multo sa highway sa harap ng bakuran nito kung hating gabi.  Dahil dito, bumubusina ang mga drivers na dumadaan doon sa gabi.

2. MacArthur Highway sa Longos, Malolos.  Noong unang bahagi ng dekada 80, madalang pa ang bahay sa magkabilang gilid ng highway na ito, wala pa rin ang mga subdivision na nakatayo ngayon doon.  Sinasabing may babaeng nakaputi na kung madaling araw at pumapara sa sasakyan at sumasakay, tapos biglang nawawala.

3. Balungao road.  Matatagpuan sa bayan ng Calumpit, patungong Hagonoy.  Sabana ang kahabaan ng  lansangang ito at madilim kung gabi. Kinatatakutan noong dekada 80 at 90 dahil sa sinasabing may lumilitaw na multo.


4. Gusali sa CEU-Malolos.  Ilang estudyanteng nagtapos sa nasabing pamantasan ang nagkuwento na may nakita silang babae sa nakaupo sa silya sa loob ng kuwarto sa ikalawa at ikatlong palapag. Nakayuko ito at inakalang estudnyante rin. Di nila pinansin, pero ng tingnan ulit ay wala na.

5. Federizo Hall sa BSU. Isang babae na inakala ng ilang estudyante rin ang nakita sa loob ng isang silid aralan sa ikalawang palapag. Biglang nawala ang nasabing babae ayon sa mga estudyante.  Batay naman sa kuwento ng isang guro na na-late sa klase, narinig niyang may nag-uusap sa nasabing kuwarto habang patay ang ilaw, bandang alas-6:30 ng gabi.  Aalis na sana siya, pero inakalang may nagde-date na estudyante sa loob.  Binuksan ang ilaw pero wala namang tao sa loob.

6. Fastfood sa Plaridel.  Hating gabi na naki-CR ang isang estudyante ng BSU sa isang fast food.  Nasa ikalawang palapag ang CR. May nakita siyang crew sa 2nd floor, ngumiti pa sa kanya.  Ngumiti rin siya dahil pogi ang nakita bago pumasok sa CR. Paglabas wala na. Bumaba, at itinanong sa fast food crew kung sino yung pogi sa itaas, Nagtawanan ang crew dahil walang ibang crew sa itaas.

7.  Angat Guesthouse. “Hindi ka malulungkot ngayon gabi diyan, tiyak na maaaliw ka.” Ito ang nakangiting sabi ng ilang kawani ng Angat Dam sa mamamayahyag na ito bago matulog sa guest house ng Angat Dam sa Hilltop, Norzagaray. Inakalang biro lang, pero totoo pala. Hindi nga lang nakita yung “kasama” sa kwatro, pero hanggang sa matulog, naninindig ang balahibo sa braso at batok.

8.  Sitio Pulo road, San Jose, Calumpit.  May tatlong kilometro ang kalsadang ito patungo sa bukirin ng Sitio Pulo na ang kaliwang gilid ay sapa at ang kanan ay bukid. Kakaiba ang karanasan ng mga residente doon. Kung hating gabi, may babaeng biglang umaangkas sa likod ng driver ng tricycle. Kung baguhan ang driver, malaki ang transa na mahulog sa bukid.

9. Kamatsilihan sa Peralta.  Matatagpuan ito sa Peralta-Bukid, San Sebastian sa bayan ng Hagonoy. Ang mga dumadaan doon ay nakikiraan, kung gabi ay walang dumadaan dahil sa kinatatakutang kapre.  Ilang beses ding nakita ang nilalang sa di kalayuang punong sampalok ilang taon bago iyon pinutol.

10.  Barangay BMA, San Rafael. Ito ay batay sa kuwento ng yumaong mamamahayag na si Ric Veloira ng nasabing barangay.  Nasa edad 30 na siya noon at medyo dumidilim na ng umuwi habang minamaneho ang kanyang jeep. Nahinto siya sa isang tulay na kahoy dahil may batang paslit sa gitna.  Nang bumaba siya, bilang lumukso ang bata sa hood ng jeep niya at tumalbog sa bubong, at pagtalbog sa likod at tuwawa habang tumakbopalayo hanggang sa tuluyang maglaho. Aniya, noon lang siya naniwala sa tiyanak. Dino Balabo

Mga gabing kinatatakutan



ni Mark Erron San Mateo


Hinding-hindi ko makakalimutan ang mga takot na nararamdaman ko sa tuwing dadating ang mga ganoong pagkakataon. Dalawampu at dalawang taong gulang na ako, at ngayon ko lang nalaman na duwag pala ako. Ngayon ko lang nalaman na ang dami ko palang takot, at nalaman ko ito dahil sa pagdating ng gabi.

Kakaiba talaga ang hiwagang dala ng gabi. Sa pagsapit nito, parang nagsasabog ng kung anu-anong misteryo ang buwan at ang mga bituin. Sa mga nakalipas na gabi ng buhay ko, napatunayan ko talaga na kakaiba ang gabi.

Gustong-gusto ko ang gabi noong bata pa ako. Araw-araw kong hinihintay ang pagdating ng gabi dahil sa gabi ako nakakapaglaro, kasama ang aking mga kaibigang bata. Paborito naming laro ay taguan.

Malaking tulong ang hatid ng dilim ng gabi para sa amin na mga nagtatago. Nahihirapang maghanap ang taya dahil sa dilim ng gabi. Kadalasan, nabuburo ang taya dahil sa hirap ng paghahanap. Ang sarap maglaro noon. Ang sarap maging bata. Ang sarap kapag gabi.

Pero ngayong 22-anyos na ako, hindi ko magawang sabihin na masarap kapag gabi.

Nagsimula akong matakot sa pagdating ng gabi ngayong nasa ikatlong taon na ako sa kolehiyo. Nakakahiya mang sabihin pero sobrang natatakot ako kapag natatapos na ang klase namin at kapag gumagabi na.

Kapag nararamdaman ko ang takot na iyon, dinarasal ko na sana huminto ang oras at hindi na mag-uwian. Pero hindi pwede iyon. Hindi pwedeng huminto ang oras at hindi na mag-uwian.

Sa pagsapit ng uwian, tuluyan nang bumabalot sa akin ang takot. Nararamdaman ko ang takot na ito habang naglalakad kami ng aking kasama papalabas ng eskwelahan. Ang bigat ng mga paa ko sa mga ganitong pagkakataon. Pero wala akong magawa kundi buhatin ang mga paa ko gaano man kabigat at piliting makalakad.

Wala akong magawa dahil gabi na. Wala akong magawa dahil kailangan nang umuwi ng kasama ko. Wala akong magawa kundi ang matakot. Hinding hindi ko makakalimutan ang mga ganitong gabi.

Isa itong patunay na may mas nakakatakot pa kaysa sa mga multo: ang paghihiwalay.

Kailangan nang umuwi ng kasama ko. Sumakay na siya ng dyip. Ang tangi ko na lang nagawa ay ang kumaway. Naduwag akong sabihin ang mga salitang: "Huwag ka nang umuwi. Huwag na tayong maghihiwalay. Huwag ka nang lalayo sa akin. Hindi ko kaya nang wala ka."

Kinain ako ng karuwagan ko. Wala akong nagawa kundi ang kumaway. At sa pagbaba ko ng aking mga kamay matapos kumaway, yayakap sa akin ang lamig ng gabi, ang lamig ng pag-iisa. Nakakatakot ang ganitong mga gabi. (Mark Erron San Mateo)

(Si Mark Erron ay kabilang sa unang batch BA Journalism graduate sa Bulacan State University (BulSU).  Siya ay nagtapos noong Abril 2011.  Ang artikulong ito ay kanyang sinulat noong 2010.)