Pages

Thursday, December 22, 2011

Bulacan-Pampanga Bridge muling binuksan

Gatbuca Bridge sa Calumpit na nag-uugnay na sa mga lalawigan ng Bulacan at Pampanga. (Kuha ni Bro. Martin Francisco)

CALUMPIT, Bulacan—Pansamantalang bubuksan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang Bulacan-Pampanga bridge simula ngayong araw (Biyernes) para sa mga light vehicles bilang paghahanda sa nalalapit na Pasko.

Ito matapos ang pagkukumpuni sa nasirang bahagi ng tulay na natuklasan noong Disyembre 16 na naging dahilan upang ito ay biglaang ipasara sa daloy ng trapiko.

Ayon kay Ruel Angeles, OIC District Engineer ng First Bulacan Engineering District, patuloy nilang pag-aaralan ang kalagayan ng tulay na nag-uugnay sa mga lalawigan ng Bulacan  at Pampanga.

“It will be open for light vehicles on Friday, pero tuloy pa rin ang assessment namin,” aniya.

Ito ay nangangahulugan na hindi pa rin makakaraan sa nasabing tulay ang mga bus at mga cargo at trailer trucks.

Ayon kay Angeles, ipinanukala na nila sa punong tanggapan ng DPWH ang total rehabilitation  sa nasabing tulay na tinatayang gugugulan ng P200-Milyon at magiging dahilan ng may anim na buwang pagkakasara nito sa daloy ng trapiko.

Ang Gatbuca Bridge na nag-uugnay sa lalawigan ng Bulacan at Pampanga ay biglaang ipinasara noong Disyembre 16 matapos matuklasan ng DPWH ang mga sira sa ilalim nito.

Ang inspeksyon sa nasaing tulay ay kaugnay ng kahilingan ni Bulacan Gob. Wilhelmino Alvarado sa DPWH ilang araw matapos bumagsak ang Colgante bridge sa di kalayuang Apalit, Pampanga noong Nobyembre 23.

Kaugnay nito, sinabi ni Angeles na maging ang flyover sa lungsod ng Malolos ay kanila na ring kukumpunihin simula ngayon.

Ito ay matapos ang panawagan ng mga Malolenyo na nagpahayag ng pangamba sa kalampag ng flyover sa tuwing may dadaang bus at mga truck. (Dino Balabo)

No comments:

Post a Comment