Pages

Wednesday, December 21, 2011

PAMASKONG MENSAHE: Magkaisa, magtulungan, magmahalan

MALOLOS—Iisa ang diwa ng mensahe ng mga pinunong Bulakenyo sa pagdiriwang Pasko sa taong ito, matapos manalasa ang kalamidad sa lalawigan noong Setyembre at Oktubre.

Magkaisa, magtulungan at magmahalan tayo.

Ito ang nagkakaisang mensahe nina Gob. Wilhelmino Alvarado, Bise gob. Daniel Fernando, at ng mga Bokal na sina Felix Ople, Michael Fermin, at Ariel Arceo.

Maging ang ibang kinikilalang lider sa lalawigan tulad nina Lorna Silverio, alkalde ng San Rafael; Edmundo Jose Buencamino, dating alkalde ng San Miguel; at Rosie De Casa, ang pinuno ng turismo sa Baliuag ay nagpahayag ng katulad na mensahe.

“Hindi biro ang dinanas nating kalamidad nitong Setyembre at Oktubre, ngunit katulad ng ating mga bayani na, muli tayong bumabagon,” ani Alvarado sa isang panayam noong Huwebes ng gabi, Disyembre 15.

Ayon sa punong lalawigan, higit na mapapabilis ang pagbango ng mga Bulakenyo mula sa nanalasang kalamidad kung magkakaisa.

“Anuman ang problema, madali ang pagbangon kung nagkakaisa, kaya dapat tayong patuloy na magtulungan at magmahalan dahil iyan din ang diwa ng Pasko.

Iginiit pa ng gobernador na ang Pasko ay karaniwang ipinagdidiriwang ng mga Pilipino kasama ang kanila pamilya at malalapit na kaibigan na naging bahagi ng buhay.

“Dapat ay walang malungkot pag Pasko, wala ring dapat na nag-iisa o nagdaramdam, dahil ito ang diwa nito ay pag-asa,” aniya.

Binigyang diin niya na ang sabsabang sinilangan ng Panguinoong Hesu-Kristo ay sumisimbulo sa duyan ng simula upang gawing makabuluhan ang pag-iral ng bawat isa sa mundo; samantalang ang krus ng kalbaryo ay simbulo ng kaligtasan ng tao na higit pa sa kahit anong uri ng pangako.

Ayon pa sa gobernador, ang Pasko ay isa ring pagkakataon upang higit na pagtibayin ng tao ang relasyon sa kapwa, at lalong higit sa Pnginoong Diyos.

Inayunan din ito nina Fernando at Ople na nagsabing hindi dapat mawalan ng pag-asa ang bawat isa.

“Sabay sabay po tayong nalubog sa baha nitong Oktubre, sababay sabay din tayong bumangon,” ani Ople.

Para naman kina Silverio, Buencamino at Decasa, hindi dapat malimutan ng bawat isa ang kapwa, dahil walang halaga ang pagdiriwang kung walang pagmamahal at pagkalinga sa kapwa.

No comments:

Post a Comment