Pages
▼
Friday, January 6, 2012
2011 TOP STORIES: #3. Climate Change
Hindi maitatanggi na nararamdama na ang epekto ng climate change sa Bulacan. Ilan sa mga palatandaan nito ay ang paglubog sa high tide ng mga bayan sa baybayin ng lalawigan; at ang paglubog sa bahang hatid ng ulan sa ilang mga bayan sa kabila na wala namang bagyong paparating o dumadaan sa bansa.
Paulit-ulit na ipinaliliwanag ng mg dalubhasa na ang climate change ay bunga ng global warming na sanhi naman ng ibinugang usok o greenhouse gas (GHG)sa himpapawid, na nilalayon ng United Nations Framework Conference on Climate Change (UNFCCC) na mabawasan kaya’t bawat taon ay nagsasagawa sila ng kumperensiya katulad ng isinagawang Conference of Parties sa Durban, South Africa nitong Nobyembre 28 hanggang Disyembre 12.
Ilan pa sa mga palatandaan nito ay ang malalakas na bagyo at higit na maraming ulan na bumubuhos na nagiging sanhi ng mga malalim, at biglaang pagbaha at maging pagguho ng lupa.
Dahil dito, ipinapayo nila hindi lang ang pagtugon, sa halip ay direktang paglaban sa epekto nito sa pamamagitan ng paghahatid ng impormasyon upang mapataas ang antas ng kakayahan ng bawat mamamayan.
Ngunit ang mga payo ng mga dalubhasa ay nananatiling malayo sa pansin ng mga lingkod bayan dahil na rin mas nakatuon ang kanilamng interes sa pamamahagi ng relief goods sa panahon ng kalamidad.
Ilang opisyal ang tumanggi sa pananaw naito, ngunit malinaw na kapos ang kanilang ginagawa upang labanan ang epekto ng climate change.
Sa kasalukuyang, mabibilang ang pamahalaang lokal sa lalawigan na nagsagawa ng inisyatiba para sa paggamit ng makakalikasang teknolohiya.
Bilang isa sa mga nagsusulong ng green technology sa lalawigan, sinabi ni Bokal Felix Ople na maaari itong simulan sa pagtitipid sa gamit ng kuryente na magagawa sa kung psapalitan ang mga dilaw na bumbilya.
Gayunpaman, natatangi ang pagsusulong ng ilang indibidwal sa renewable energy sa lalawigan katulad ni Mayor Lorna Silverio ng San Rafael na sinimulan ito sa paggamit ng mga solar panels upang mailawan ang bakuran ng kanilang munisipyo.
Maging ang Manila North Tollways Corporation (MNTC) na namamahala sa North Luzon Expressway (NLEX) ay gumagamit na rin ng solar panels.
Ang dalawang SM Supermall sa lalawigan ay nakita na rin ang kahalagahan ng paggamit ng green at renewable energy.
Bilang katunayan, isa sa tumanggap ng parangal mula sa Department of Energy ang SM City Baliuag dahil sa sitemang kanilang isinagawa sa kanilang airconditioning system.
Kapuri-puri din ang inisyatiba ni Inhinyero Rodolfo German, ang manager ng Angat River Hydro Electric Power Plant (ARHEPP) sa Norzagaray na nanguna sa pagbuo at paggamit ng rainwater harvesting system.
Bilang pagkilala sa nararamdamang epekto ng climate change, nakiisa ang Mabuhay sa Philippine Network of Environmental Journalists (PNEJ) na nanguna sa pagbuo ng isanf deklarasyon ng suporta laban sa climate change noong Nobyembre 24 hanggang 26.
Ito ay dahil sa pananaw na malaki ang bahagi ng mga mamamahayag sa pagpapatid ng impormasyon at pagpapaliwanag sa mga mamamayan ng kahalagahan ng paglaban sa climate change.
No comments:
Post a Comment