Pages
▼
Friday, January 6, 2012
2011 TOP STORIES: #2. Kalikasan
Ang mga pinsalang hatid ng bagyo at pagbaha sa lalawigan ay sinasabing bahagi ng epekto ng pag-abuso sa kalikasan na tintukan naman ng kapitolyo sa nagdaang taon.
Bilang bahagi ng pangangalaga, nilagdaan ni Gob.. Wilhelmino Alvarado noong Agosto ang Provincial Environment Ordinance matapos itiong balangkasin at pagtibayin ng Sangguniang Panglalawigan sa tulong ng Bulacan Environment and Natural Resources Office (BENRO).
Ang nasabing ordinansa ay nagbigay ng sapat na kapangyarihan sa kapitolyo upang usigin ang mga indibidwal at kumpanyang lumalabag sa batas.
Ilan sa mga halimbawa ay ang pagpapasara sa Cleveland Industries sa Lungsod ng San Jose Del Monte, isang accredited chemical treater ng Environmental Management Bureau (EMB) sa Gitnang Luzon; at ang pagsasampa ng reklamo laban sa Mighty Corporation na matatagpuan sa Brgy. Tikay, Malolos.
Ang Mighty ay isang pabrika ng sigarilyo na matagal ng inirereklamo ng mga residente ng Malolos, ngunit natugunan lamang ito sa pamamagitan ng mamamahayag na si Rommel Ramos na nagpabatid kay Gob. Alvarado.
Sa kabuuan ng taon, naging maingay ang usapin sa pangangalaga sa kalikasan dahil na rin sa mga nag-uumpugang pananaw partikular na sa pagtatayo ng mga Sanitary Land Fill I(SLF).
Naging target ng pagtutol ng Diyosesis ng Malolos ang mga landfill na matatagpuan sa Lungsod ng San Jose Del Monte, at sa Salambao, isang barangay sa baybayin ng Obando.
Para sa simbahan, hindi ligtas ang mga SLF dahil sa posibilidad na malason ng katas nito o leachate ang katubigan sa paligid.
Ngunit para sa kapitolyo, itinatakda ng batas ang pagtatayo ng mga SLF para sa maayos na pagsisinop ng basura.
Hindi pa rin kumbinsido ang simbahan dahil na rin sa nasa tabing dagat Bulacan SLF na matatagpuan sa Brgy. Salambao.
Gayunpaman, nangako ang kapitolyo na magbubuo sila ng monitoring team upang bantayan kung susunod sa itinatakda ng batas ang pagtatayo sa nasabing SLF.
Para naman kay Bokal Felix Ople, wala pang dapat ipangamba sa Bulacan SLF dahil hindi pa ito pinagtitibay ng Sangguniang Panglalawigan.
Sa halip, nilinaw niya na ang kanilang pinagtibay ay ang resolusyon ng Sangguniang Bayan ng Obando upang ang mailipat ang gamit ng lupa mula sa pagiging isang palaisdaan patungo sa pagiging isang industiral area.
Sa nagdaang taon din, napabilang ang Mabuhay sa mga mamamahayag na umakyat at bumisita sa operasyon ng Orea Asia, isang kumpanyang nagmimina sa bulubunduking bayan ng Donya Remedios Trinidad.
Batay sa ulat ng BENRO, natuklasan na maraming paglabag sa operasyon ng pagmimina, at maging ang alkalde ng DRT na si Rey Flores ay nasasangkot dahil sa pagkakatuklas ng diumano’y operasyon niya ng pagmimina sa labas ng nasasakop ng Ore Asia.
Sa Kongreso, tumindig at nagpahayag si Kint. Marivic Alvarado na dapat dagdagan ang kapangyarihan ng mga lokal na pamahalaan sa pamamahala sa pagmimina bilang bahagi ng pangangalaga sa kalikasan.
Kaugnay ng pagsisikap na ito, nagsagawa naman ng magkahiwalay na gawain ang Bulacan Chamber of Commerce and Industry (BCCI) ay ang San Miguel Brewery.
Sa bayan ng Paombong, pinangunahan ng BCCI ang pagtatanim ng mga bakawan noong Pebrero, samantalang nanguna ang San Miguel Brewery sa pagtatanim ng punong kahoy sa bayan ng Angat nitong Agosto.
No comments:
Post a Comment