Pages

Friday, January 6, 2012

2011 TOP STORIES: #5. Pamamahala




May ilang maningning na pagkakataon sa nagdaang taon na kinakitaan ng mahusay na pamamahala sa lalawigan ng Bulacan.  Ngunit marami ding pagkakataon na hinamon sa kakayahan ng mga namumuno at ito ay nagbunyag ng kapos na kakayahan.

Sa pagbubukas ng taon ay pinuri ng mga guro at manlalaro sa rehiyon ang mahusay na pamamahala ng pamahlaaang panglalawigan ng Bulacan sa isang linggong palarong Central Luzon Regional Athletic Association (CLRAA) na isinagawa sa Malolos.

Puno ng paghanga ang mga manlalaro at mga guro sa maayos at malinis na tulugan, pahingahan, at palaruan.  Maging ang mabilisang pagtugon, pagbibigay lunas at paghahatid sa mga pagamutan sa mga nasaktang manlalaro ay pinapurihan.

Sa kalagitnaan ng taon at tumanggap ang Provincial Disaster Risk Reduction Management  Office (PDRRMO) at Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMC) ng Calumpit ng parangal mula sa Office of the Civil Defense sa Gitnang Luzon.

Noong Setyembre, tinanggap ng Bulacan ang pangatlong karangalan bilang “Best Governed Province “ batay sa Local Governance Perfomance Management System (LGPMS) ng Deparment of Interior and Local Government (DILG).

Nasundan pa ito noong Oktubre ng tanggapin ng kapitolyo ang Gawad Pamana ng Lahi mula rin sa DILG bilang pagkilala sa mahusay na pamamahala sa lalawigan.

Ngunit ang kagalingang ito ay hindi nangangahulugan ang iba pang pamahalaang lokal sa lalawigan ay may katulad na antas ng pamamahala.

Ito ay nasubukan sa panahon ng pananalasa ng bahang hatid ng bagyong Pedring at Quiel sa bayan ng Hagonoy at Calumpit.


Ang nasabing pagbaha ay nagpatunay na anuman ang taas ng kakayahan ng PDRRMO at nga Calumpit MDRRMO na kapwa tumanggap ng parangal mula sa OCD, iyon ay nakatali lamang sa iilang tao, ay hindi sa mga mamamayang apektado ng pagbaha.

Bukod dito ay ang kawalan ng malinaw na direksyon para sa pamamahala sa epekto ng climate change sa lalawigan.

Isang malungkot na kaganapan matapos ang pagbahang hatid ng bagyong Pedring at Quiel, parang nangangapa pa rin sa dilim ang mga pamahalaang lokal kabilang ang kapitolyo dahil sa halip na bumuo ng plano para sa paghahanda sa susunod na kalamidad ay isang imbestigasyon ang isinagawa ng Sangguniang Panglalawigan (SP), katulad ng karaniwang ginagawa sa Kongreso.

Bago isagawa ang nasabing imbestigasyon, pinagtibay naman ng Provincial Environment Ordinance, ngunit batay sa pahayag ng ilang abogado, may pagkukulang pa rin ito sa kabila ng pagdadagdag ng ngipin sa nasabing batas.

Hinggil sa sistema ng pamamahala sa kapitolyo, hindi naman ikinasiya ng mga nangangailan ng tulong ang mabagal na proseso sa pagbibigay ng kanilang kahilingan.

Ilan sa mga halimbawa nito ay matagal na pagbabayad sa mga lokal na pahayagan ng inutang na advertisement ng kapitolyo noong Linggo ng Bulacan.

“Sobrang red-tape,” ani ng isang patnugot ng pahayagang lokal.

Gayundin ang pananaw ng mga pumipila para makahingi ng gamot sa kapitolyo tuwing Lunes, Miyerkoles at Biyernes.

Ito ay dahil sa kahit aprubado na ng gobernador ang kanilang kahilingang matagal na pinilahan ay pinagbabalik-balik pa sila, kaya’t ang maliit na halagang ipinagkakaloob ay nauubos lamang sa pamasahe.

Sa lungsod ng Malolos, halos buong taong nangangamba ang mga kawani sa posibilidad na mawalan sila ng trabaho sa 2012 dahil sa planong reorganisasyon.

Sa bayan ng Guiguinto, ikinasindak ng buong lalawigan ang pamamaril ng isang bodyguard ni Mayor Isagani Pascual sa loob ng kanyang tanggapan. 

Napatay din ang nasabing bodyguard, maging ang municipal legal officer; at ang nasabing insidente ay nagsilbing isang batik sa mabuting pamamahala sa nasabing bayan.

No comments:

Post a Comment