Pages

Tuesday, January 24, 2012

ALALAY KALAMIDAD: Alkalde ng CDO nagpasalamat sa Bulacan

Nakangiting nagpakuha ng larawan ang mga kasapi ng Philippine Network of Environmental Journalists (PNEJ) kasama si Cagayan De Oro City Mayor Vicente Emano noong Biyernes, Enero 13.  Nasa larawan sina (harap, mula sa kaliwa ) Rhaydz Barcia ng Manila Times, Imelda Abano ng Business Mirror, Mayor Emano, Prime Sarmiento ng Xinhua News Agency; at nasa likod naman sina (mula sa kaliwa) Noel Gaspin ng ABS-CBN-Baguio City, EV Espiritu ng Philippine Daily Inquirer, Dino Balabo ng Mabuhay at Philippiner Star, at Henrylito Tacio ng Reader's Digest, Sun.Star-Davao at Business Mirror.

LUNGSOD NG CAGAYAN DE ORO, Misamis Oriental—Lubos ang pasasalamat ni Mayor Vicente Emano ng lungsod na ito sa mga nagpahatid ng tulong sa kanila, kabilang ang Bulacan matapos manalasa ang bagyong Sendong noong Disyembre.

Sa panayam ng mabuhay kay Emano noong Biyernes, Enero 13, umabot na sa P68-Milyong ang halaga ng mga tulong na salapit na ipinahatid sa kanila ng mga pribadong samahan at mga pamahalaang lokal.

Ang naipong tulong ay inihahanda ng pamahalaang lungsod ng Cagayan De Oro para sa pagpapatayo ng mga pabahay para sa mga nasalantang residente matapos masalanta ng biglang pagbahang hatid ng bagyong Sendong noong Disyembre 16.

“Hindi naming makakalimutan ang mga tumulong amin,” Emano ng kapanayamin ng mga kasapi ng Philippine Network of Environmental Journalists (PNEJ) noong Biyernes.

Ang PNEJ ay naglakbay sa lungsod na ito ay sa kalapit na lungsod ng Iligan bilang pagsusuri sa epekto ng kalamidad isang buwan matapos biglang pagbaha.

Bilang kasapi ng PNEJ, tinanong ng mamamahayag na ito si Emano kung natanggap ang tulong na dinala ng Bulacan noong Disyembre 26.

“Malaking tulong ang ibinigay sa amin ng Bulacan at iba pang mga LGU (Local Government Units), pati mga provate organizations,” ani Emano sa tanong ng mamahayag na ito.

Idinagdag pa niya na ang listahan ng mga nagpahatid ng tulong sa kanila maging ang halaga ay nakapaskil sa malaking tarpaulin poster sa harap ng gusali ng pamahalaang panglungsod.

Nakumpirma at nakunan pa ng Mabuhay ng larawan ang nasabing poster kung saan ang tulong Bulacan na P200,000 ay nakatala sa bilang na “63.”

Sa mas naunang pahayag, sinabi ni Gob. Wilhelmino Alvarado na ang ipinahatid nilang tulong sa sa mga Lungsod ng Cagayan De Oro at Iligan at bilang isang pagtanaw ng utang na loob sa mga tumulong sa Bulacan sa panahon ng kalamidad noong Setyembre at Oktubre.

Bilang bahagi ng pasusuri sa epekto ng kalamidad sa lungsod na ito, ibinulgar ni Emano na ang biglang pagbaha ay hatid ng walang habas na pamumuntol ng punong kahoy sa kabundukan ng Lanao at Bukidnon na bahagi ng Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM).

“Sa kanila galing yung tubig dahil sa logging sa Lanao at Bukidnon, kami ay taga-salo lang ng tubig dito sa Cagayan De Oro,” ani Emano.

Hinggil sa kahandaan sa pagtugon sa biglaang pagbaha inamin ni Emano na hindi sila handa.

Inamin din niya na wala silang flood forecasting system at mga rain gauges sa kahabaan ng Cagayan De Oro River na susukat sa tubig ulan.

Gayunmapan, iginiit niya na ang kalamidad nitiong Disyembre ay naghatid sa kanila ng isang malinaw na aral.

“Magahahanda na kami sa susunod, mag-aaral kami para mas maging handa,” ani ng alkalde.

Kaugnay nito, sinabi ni Kinatawan Rufus Rodriguez ng ikalawang distrito ng lungsod na ito na nag-file na siya ng resolusyon sa Kongreso upang imbestigahan ang logging operations sa ARMM.

Tiniyak niya na iimbestigahan ang mga opisyal ng Lanao, ARMM, Sandatahang Lakas ng Pilipinas at making pulisya.

Si Rodriguez ay nakapanayam ng mga kasapi ng PNEJ sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Lunes, matapos siyang makasakay sa eroplano pabalik ng Maynila.  (Dino Balabo)

No comments:

Post a Comment