Pages

Tuesday, January 24, 2012

P2-B gugugulin ng MNTC sa pagpapalawak at pagkumpuni sa mga expressway


Ipinagmalaki ng Manila North Tollways Corporation (MNTC) na siyang namamahala sa North Luzon Expressway na naghanda sila ng P2-Bilyon pondo para sa pagkukumpuni, expansion at integration ng NLEX sa Subic Clark Tarlac Expressway.  Kabilang sa gugugulan ng MNTC ay ang itinatayong Balagtas interchange na inaasahang mabubuksan sa Marso.  Makikita sa larawang ito na kuha noong Abril 30 ang mabilisang konstruksyong ng nasabing interchange.

LUNGSOD NG QUEZON—Nakatakdang gumugol ng P2-Bilyon ang Manila North Tollways Corporation (MNTC) sa taong ito para sa pagkumpuni, pagpapalawak at pagsasanib ng serbisyo ng mga expressway sa hilaga ng Maynila.

Kaugnay ito ng pagsisimula ng pamamahala sa Subic Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) sa susunod na buwan ng MNTC na siyang namamahala sa
North Luzon Expressway (NLEX).

“We are just waiting for the signature of the President,”ani Rodrigo Franco ,ang pangulo at Chief Executive Office (CEO) ng MNTC patungkol kay Pangulong Benigno Aquino III.

Ipinahayag niya na bukod sa kahandaan sa pamamahala sa 94 na kilometrong SCTEX, gugugulan din nila ng P300-Milyon ang integrasyon nito sa may 88-kilometrong NLEX.

“We want a seamless connection between the NLEX and the SCTEX so that motorists will be more comfortable,” ani Franco sa mga dumalo sa isinanagawang media appreciation party sa Area 5 restaurant sa kahabaan ng Tomas Morato Avenue noong Huwebes ng gabi, Enero 12.

Ipinagmalaki rin ni Franco ang napipintong pagbubukas ng Balagtas Interchange sa NLEX sa darating na Marso.

Tiniyak niya na ang pagbubukas ng nasabing interchange at makapagpapaluwag sa daloy ng trapiko sa Sta. Rita Interchange sa Guiguinto na patungo sa silangang Bulacan.

Sa pagbubukas ng Blagtas Interchange, sinabi ni Franco na iyon ay gugugulan nila ng P100-M.

Bukod sa mga nasabing plano, ipinagmalaki rin niya ang patuloy na pagkukumpuni para sa NLEX na gugugulan nila ng P300-M; at ang konstruksyon ng phase 1 ng planong Harbor Link na gagastusan ng P1.6-B.

Ang phase 1 ng Harbor Link at isusudlong sa Mindanao Avenue Link sa Lungsod Valenzuela na iuugnay sa MacArthur Highway sa nasabing lungsod.

Ang 2.42 kilometrong phase 1 ng Harbor Link ay inaasahang magsisimula sa ikalawang bahagi ng taon, at matatapos sa unang bahagi ng 2013.

Sa kasalukuyan, sinabi ni Franco na abala ang gobyerno sa negosasyon para sa right of way ng nasabing proyekto na naglalayong makarating sa North Harbor sa pamamagitan ng Phase 2 nito.

Ang phase 2 ng Harbor Link ay may habang 5.6 kilometro at tatahak pa-timog patungong North Harbor, sa ibabaw ng Philippine National Railways (PNR) right of way mula Valenzuela hangang Letre sa Malabon.

Ang nasabing phase 2 ay gugugulan ng P8-4 Bilyon at inaasahang masisimula sa 2013.

Ayon kay Franco, ang pinagdugtong na Mindanao Avenue Link at Harbor Link ay ay magsisilbing alternatibo at mabilis na daan mula sa silangang Kalakhang Maynila patungong North Harbor.

 Ito ay magsisilbi ring mabilis na daan para sa mga trak na naghahatid ng ani mula sa bukirin ng Gitna at Hilagang Luzon patungo sas kalakhang Maynila at North Harbor.  (Dino Balabo)

No comments:

Post a Comment