Hindi biro ang paglalathala ng isang pahayagan, lingguhan
man ito o araw-araw, hindi lahat ng pahayagan ay nailalathala ng walang patid
at tumatagal ng isang taon o higit pa.
Ang ilan ay ilang linggo o buwan lamang ang itinatagal.
Dahil sa kalagayang ito, lubos ang aming pasasalamat sa
Diyos na Makapangyarihan sa lahat sa patuloy na biyaya sa loob ng 32-taon;
gayundin sa aming mga suking mambabasa na bawat linggo ay patuloy na
sumusubaybay sa bawat sipi ng Mabuhay.
Siyempre, hindi rin namin maitatanggi ang kontribusyon ng
mga tao sa likod ng pahina ng Mabuhay na kahit madaling araw na ay naghahabol
ng balita at paulit-ulit na sinusuri ang bawat artikulo upang matiyak na walang
mali. Kasama
rin diyan ang mga namamahala sa imprenta at sa distribusyon.
Kinikilala rin
namin ang ang suporta ng mga advertisers sa Mabuhay na patuloy na nagtitiwala; gayundin sa mga kritiko na ang
mga pintas ay nagsusulong sa aming upang higit na pag-ibayuhin ang mataas na
antas ng pamamahayag.
Sa inyo pong lahat, maraming, maraming salamat po!
Ngunit ang aming pasasalamat ay hindi mananatiling salita
lamang. Ito ay patuloy naming tutumbasan
ng mataas na antas ng pamamahayag kung saan ay nakahanda kaming isatinig ang
karaingan ng mamamayang Bulakenyo.
Magpapatuloy din kami sa pagsalangsang at pagtawag ng pansin
ng mga lingkod bayan hindi lamang upang higit mapataas ang antas ng
paglilingkod sa mamamayaan, sa halip ay mabigyang kahulugan ang kanilang
sinumpaang pangako sa pagsisimula ng kanilang paglilingkod.
Ngunit hindi rin namin kalilimutan ang paghahatid ng
magagandang balita maghahatid ng dagdag na inspirasyon sa dakilang liping
Bulakenyo na nagluwal sa magigiting na bayani ng bayan.
Bilang pagkilala naman sa patuloy na pagsulong ng
teknolohiya hatid ng di mapigil na daloy ng panahon, tinitiyak ng Mabuhay na
bukod sa lingguhang sipi na inyong nababasa ay maglalathala rin kami ng mga
balita sa aming pinauunlad na website (www.mabuhayonline.blogspot.com)
at Facebook.com account (www.facebook.com/mabuhaynews).
Ito ay upang ang bawat Bulakenyo, nasa lalawigan man o nasa
ibayong dagat, ay patuloy na marating ng balita hinggil sa mga kaganapan mula
sa kanilang sinilangang bayan.
No comments:
Post a Comment